Tuwing naririnig ang salitang “rocky road,” hindi nakagugulat na papasok sa isipan ang pamilyar na ice cream flavor na nakagisnan noong pagkabata natin. Kahalip man ng salitang ito ang tamis ng isang kinalakihang panghimagas, hindi mo mahahanay ang buwan ng Agosto sa lasa nito. Dahil gaya ng pangalan ng flavor na ito, malubak ang naging daan ng buwan na ito.
1. Ang pagkamatay ng mga binatilyong si Jemboy at John

(Kuha ni Jire Carreon/Rappler)
Binaril ng mga pulis mula sa Navotas City Philippine National Police (PNP) ang 17-anyos na si Jemboy Baltazar noong Agosto 2 habang naglilinis siya ng bangka kasama ang kaniyang kaibigan.
Matapos magpaputok ng baril ang mga pulis, napagtanto nila na hindi pala si Jemboy ang kanilang target suspect. Ayon kay Navotas City police chief Police Colonel Allan Umipig, sinabihan ang mga naka-assign na pulis na umakyat sa isang bangka ang kanilang suspect sa village na iyon.
Matapos ang isang linggo, naka-detain na ang anim na suspect sa Navotas City Police Station, at ililipat sila sa district custodial facility ng Northern Police District (NPD). Nakapag-file na ang pamilya ni Baltazar ng homicide complaint sa mga suspect, at nag-utos na rin ang PNP International Affairs Service Inspector General Alfegar Triambulo na magsagawa ng imbestigasyon ang NPD sa pagkapatay kay Jemboy.
Ngunit noong Agosto 16, natanggal na rin sa pwesto si Umipig dahil sa alleged na pagtanggal ng mga pangalan ng 11 na pulis sa report ng pagpatay kay Jemboy. Haharap din ang 11 na pulis sa mga isasampang reklamo.
Nilibing si Jemboy sa La Loma Cemetery sa Caloocan City noong Agosto 16. Ito rin ang araw ng anibersaryo ng pagkamatay ng 17-anyos na si Kian de los Santos noong 2017.
Naging biktima naman ang isang 15-anyos na si John Francis Ompad noong Agosto 20 matapos siyang mabaril ni Police Corporal Arnulfo Sabillo. Kasama rin ni Sabillo noong araw na iyon ang isang sibilyan na si Jeffrey Baguio.
Ayon sa police report, nakasakay daw ang kapatid ni John Francis na si John Ace Ompad noong pinatigil siya ni Sabillo sa checkpoint para hingin ang kaniyang lisensya. Hindi raw ito binigay ni John Ace dahil amoy alak daw ang dalawang suspek, at hindi rin daw suot ang uniporme, kaya’t binato ni John Ace ang kaniyang helmet sa dalwa.
Hinugot ni Sabillo ang kaniyang baril para barilin si John Ace ngunit ang nabaril ay si John Francis. Namatay si John Francis habang ginagamot siya sa East Avenue Memorial Medical Center.
Inaresto na ang dalawang suspek, at tuloy pa rin ang imbestigasyon sa krimen.
2. Mga pagdiriwang at pagbabago sa loob ng unibersidad

(Kuha ni Adrielle Agbayani/TomasinoWeb)
Bagamat nasuspindi noong Agosto 3 dulot ng habagat, malugod pa ring dinaos onsite ang pinakahihintay na Thomasian welcoming rites noong Agosto 5. Kabilang sa mga aktibidad ang Thomasian Welcome Mass, sumunod ang ROARientation, at ang tradisyon na Thomasian Welcome Walk.
Nagtanghal din sa entablado ang mga P-Pop group na BINI at BGYO, kasama ang mga Thomasian solo artists na sina Anton Stefano at JC Herrero para sa ginanap na Thomasian Welcome Party kinagabihan.
Samantala, namaalam naman ang mga Tomasino sa Christmas theme at Pancit Canton flavors ng Blackboard nang ito’y palitan ng Canvas bilang panibagong learning management system (LMS) ng unibersidad matapos ang dalawang dekada.
Napagdesisyunan din ng unibersidad na hindi na magiging obligado ang pagsagot ng health declaration sa ThOMedSS, alinsunod sa Presidental Proclamation 297. Ngunit, kinakailangan pa rin itong sagutan ng mga indibidwal na nagpapakita ng sintomas ng COVID-19. Mahigit na hinihikayat pa rin ang paggamit ng face masks, lalo na sa mga mataong lugar at masikip na espasyo sa loob ng kampus.
3. PH boats, ginamitan ng water cannon ng China

(Litrato mula sa Philippine Coast Guard)
Kinondena ng Pinas ang coastguard ng China bilang “ilegal” at “mapanganib” matapos makuha sa isang bidyo ang pagharang at pagpapasabog ng water cannon ng isang China vessel ship laban sa mga sasaksyang pandagat ng Pinas noong ika-lima ng Agosto.
Nangyari ang naturang insidente habang tumutulong ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga bangkang maghahatid ng suplay para sa mga hukbong militar na naatasan sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“Such actions by the CCG (China Coast Guard) not only disregarded the safety of the PCG crew and the supply boats but also violated international law,” sabi ni PCG spokesperson na si Jay Tarriela.
Ito ang unang pagkakatao simula noong Nobyembre 2021 na ginamitan ng CCG ng water cannon ang mga bangka ng Pinas na na sa kaligitnaan ng isang resupply mission sa Ayungin Shoal.
Dipensa ng Beijing na ginawa lamang nila ang “necessary controls” laban sa mga bangka ng Pinas na “illegal” na pumasok sa territoryo nito.
“We ask that China Coast Guard, as an organization with a responsibility to observe state obligations under UNCLOS, COLREGs, and other relevant instruments of international maritime safety and security, to cease all illegal activities within the maritime zones of the Philippines,” saad ni Tarriela.
4. ‘Barbie,’ naging makasaysayan

(Kuha mula sa Barbie (2023)/Warner Bros.)
Noong Agosto 6, nakamit ng blockbuster hit na Barbie ang isang bilyon sa global box office. Dahil dito, si Greta Gerwig, ang direktor ng pelikula, ay ang kauna-unahang babaeng direktor na nakakuha ang gantimpalang ito.
Ilang linggo bago ipalabas ang Barbie sa bansa, nagkaroon ito ng mainit na usap-usapan matapos i-ban ito ng Vietnam dahil sa isang eksenang nagpapakita ng mapang may nine-dash line ng China.
Nagkaroon ng deliberasyon ang Movie at Television Review and Classification Board (MTRCB) na ituloy pa rin ang pagpapalabas ng pelikula sa bansa.
“Considering the context by which the cartoonish map of the character ‘Weird Barbie’ was portrayed in the film, the Review Committee is convinced that the contentious scene does not depict the ‘nine-dash line,” ayon sa pahayag ng MTRCB.
Ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa Barbie ay hindi nakagugulat dahil sa malawak na pag-promote nito sa pamamagitan ng mga brand collaborations katulad ng “Barbie the Movie” doughnuts and chiller ng Krispy Kreme, Barbie-inspired footwear ng Aldo, Barbie Crocs mula sa Crocs, at iba pa.
5. Ang bagong K-10 curriculum

(Kuha ni Aaron Favila/AP Photo)
Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang bagong K-10 curriculum o ang MATATAG (MAkabagong curriculum na napapanahon, TAlino na mula sa isip at puso, TApang ma humarap sa anumang hamon sa buhay, Galing ng Pilipino nangingibabaw sa mundo) curriculum noong Agosto 10.
Sa ilalim ng MATATAG curriculum, ang mga aralin ng mga Kindergarten at Grade 10 students ay may pokus sa limang paksa: language, reading and literacy, mathematics, makabansa, at good manners and right conduct.
“We decongested the curriculum by 70 percent, which supports the essential skills of numeracy and literacy,” sabi ni Director Jocelyn D.R. Andaya ng Bureau of Curriculum Development ng DepEd.
Ayon kay Andaya, ang implementasyon ng curriculum ay dadaan sa mga phases, at sisimulan ang mga ito sa susunod na taon. Sa school year (SY) 2024-2025, magkakaroon na ng MATATAG curriculum ang mga mag-aaral sa Kindergarten, Grade 1, Grade 4, at Grade 7. Sa SY 2025-2026 naman, ilulunsad ito sa mga mag-aaral sa Grade 2, 5, at 8. Para sa SY 2026-2027, Grade 3, 6, at 9 naman, at sa SY 2027-2028, mararanasan naman ito ng mga Grade 10 students.
6. Drag artist Pura Luka Vega, idineklarang persona non grata

(Kuha mula kay Pura Luka Vega/Instagram)
Matapos mag-viral ang kontrobersyal na drag performance ng drag artist na si Pura Luka Vega habang nakadamit bilang si Hesus, at may tumutugtog na remix ng “Ama Namin,” nagreklamo ang maraming netizens, local government units (LGUs), at iba pang mga relihiyosong grupo.
“This is blasphemy. This disrespects my faith. This went overboard,” sabi ni Senator JV Ejercito sa isang post na naka-quote ang video. “This is too much,” sabi rin ng isang X (dating Twitter) user.
Sa kabilang banda, sabi ng isang netizen, “This is freedom of expression. Uncomfortable? Good. That’s what art is supposed to do. Make people uncomfortable.”
Pahayag namana ni Vega sa isang show, “Lahat tayo makasalanan. Hindi tayo perpekto. Gayunpaman, do unto others as you would have them do unto you. Okay? Do not do to others what you do not want others to do unto you. Golden rule lang po ‘yun. Para sa mga ibang lugar na gustong mag-persona non grata diyan, dagdagan niyo pa! Pakialam ko.”
Maraming LGU ang nagdeklara kay Vega bilang persona non grata sa kani-kanilang mga localities sa kadahilanang “offensive,” “blasphemous,” at pagtanim ng negatibong epekto sa Christian community. Isinagawa ito ng Floridablanca, Pampanga, at ang General Santos City noong Hulyo, at noong nagsimula ang Agosto, 13 na lokalidad (Toboso, Negros Occidental; Bukidnon, Dinagat Islands, City of Manila, Cagayan de Oro, Nueva Ecija, Laguna, Occidental Mindoro, Marikina, Cebu City, Mandaue, Lucena, at Bohol) ang sumunod sa desisyon.
Noong Agosto 25, humingi ng tulong si Vega sa Instagram account ng kaniyang podcast na “Luka Luka!” para sa mga panggastos niya at ng kaniyang pamilya sa pagdalo nila sa korte sa susunod na buwan.
7. Tomasino, kabilang sa top 10 ng kauna-unahang food tech boards

(Larawan ni Jester Ramos/TomasinoWeb)
Pasok ang isang Tomasino sa top 10 ng kauna-unahang Food Technologists licensure exam (FTLE), ayon sa resulta mula sa Professional Regulation Commission (PRC) noong Agosto 16.
Nasungkit ng Thomasian alumna na si Natalie Mae Caumban ang ika-sampung pwesto ng naturang pagsusulit, na may iskor na 84.50 porsyento.
Nakapasa ang 70 sa 142 na Tomasinong kumuha ng nasabing pagsusulit, na siyang naging dahilan para makuha ng Unibersidad ang 49.30 porsyentong passing rate.
Pinangalanan ang Unibersidad ng Pilipinas bilang top-performing school matapos masungkit ang 100 porysentong iskor. Nanggaling din sa nasabing Unibersidad ang nanguna sa pagsusulit. Sa 40 examinees na nanguna sa pagsusulit, tanging sina Caumban at isang alumna mula sa Xavier University ang napabilang sa top 10 na hindi nagmula sa UP.
Naganap ang naturang boards noong Agosto 10-11 sa mga siyudad ng Maynila, Baguio, Cebu, Davao, Koronadal, Legazpi, Lucena, Rosales, at Zamboanga.
8. Mga nagtataasang krisis sa usaping transportasyon

(Kuha ni Jay Directo)
Ang petisyon ng mga transportation group sa Land Transportation Franchising Board (LTFRB) na dagdagan ng dalawang piso ang minimum fare sa jeep, umabot na ng limang piso noong ika-22 ng Agosto.
Kasabay ng posibilidad na pagtaas ng pamasahe ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at piyesa ng jeep, na siyang katwiran ng mga transport groups sa naturang panawagan. Nagpasa ng formal petition ang mga transport group na Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) para rito.
“Habang hini-hearing nila yung P5, yung P1 provisional muna ang hihilingin namin. Kung magno-normalize ang presyo ng petroleum products in the near future, pwede po namin i-recall ito at ibalik sa totoong pasahe,” saad ni Pasang Masda president Obet Martin.
Bilang resulta ng patuloy na pagbabawas ng produksyon ng Saudi Arabia sa gitna ng tumataas na demand, ang presyo ng gasolina ay magtataas ng P1.90 kada litro, P1.50 kada litro sa diesel, at P2.50 kada litro para sa kerosene. Ang pagtaas ng presyo ng langis ay maaring magtagal ng halos dalawang buwan.
Bagama't naiintindihan ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III ang kalagayan ng mga jeepney driver, desidido rin siyang isaalang-alang ang epekto ng pagtaas ng pamasahe sa mga commuter at ekonomiya.
Ang paglabas ng desisyon ng LTFRB ukol sa isyu na ito ay maaring umabot ng isang buwan.
9. Potato Corner job qualifications, nag-viral

(Kuha mula sa Potato Corner Philippines/Instagram)
Kumalat at naging usapan ang hiring post ng Potato Corner Ventura Mall branch dahil sa criteria at qualifications na hinihingi nito.
Ayon sa post na tinanggal na sa Facebook, naghahanap ang branch ng service crew na “Preferably female,” “Have a good visual impact and pleasing personality,” “Weight must be proportionate to height,” “Have clear complexion, eyesight, and good set of teeth,” at iba pa.
Kinumpara ang post ng maraming netizens sa isang beauty pageant, at ang iba ay gumawa pa ng meme na parang mag-aapply rin si Miss Universe 2018 Catriona Gray bilang service crew.
Nag-post din ang bakery at café na Lola Nena’s sa kanilang Instagram at Facebook na may mga qualifications na “Appearance? Your warmth and authenticity shine the brightest,” “Gender? All are welcome,” at iba pa. Dagdag din ng post, “We’re not looking for beauty queens or math geniuses; we’re looking for hearts that align with our mission to impart happiness and create meaningful experiences.”
Noong Agosto 22, nag-post ng statement ang Potato Corner sa kanilang official Facebook page, at sinabing pinagsisisihan nila ang insidente, at nakikipag-usap na sila sa kanilang mga business partners, franchisers, at suppliers para hindi na maulit ang nangyari. “Discriminatory hiring is not something we support or condone, and not aligned to who we are,” ayon sa post.
10. Maagang pamasko para sa mga Arianator

(Kuha mula kay Ariana Grande/Youtube)
Samo’t saring regalo ang ibinahagi ng American pop superstar na si Ariana Grande sa Arianators bilang pagdiriwang ng ika-sampung anibersaryo ng kaniyang debut album na Yours Truly, na nagsimula noong ika-25 ng Agosto.
Sinimulan ito ni Grande nang ilabas nya ang deluxe digital release ng kaniyang debut album, kasama na rito ang mga bagong “Live from London” performances ng kantang “Honeymoon Avenue,” “Daydreamin’.” Kabilang din sa updated album ang Spanglish na bersyon ng kantang “The Way,” na itinampok ang yumaong si Mac Miller.
“[H]appy ten year anniversary to a project that changed my life,” sabi ni Grande sa isang Instagram post. “[T]hank you from the bottom of my heart for listening and for growing with me every step of the way.”
Hindi rito natatapos ang 10-year-anniversary celebration program nito.
Noong ika-26 ng Agosto, naglabas si Grande ng Q&A at merch capsule. Sinundan ito ng live performance ng kantang “Baby I.” Para sa ikahuling Lunes ng buwan, ang part 2 ng kaniyang Q&A at vinyl preorder ng naturang album ang inabangan ng mga fan. Live performances naman ng “Tattooed Heart” at “Right There” ang bumusog sa 2013 self ng mga Arianator noong ika-29.
At para sa mismong araw ng anibersaryo (Agosto 30), nilabas ng popstar ang live performance ng kantang “The Way” at iilang behind the scenes ng naturang album.
11. Pag-iling ng netizens sa ‘The Rise at Monterazzas’

(Kuha mula kay Slater Young/YouTube)
“We are building it on the side of the mountain,” sabi ng engineer at social media influencer na si Slater Young sa isang YouTube video na pinapakita ang kaniyang bagong real estate project na “The Rise at Monterazzas.” Ayon kay Young, ang Banaue Rice Terraces ang naging inspirasyon para sa hugis ng gusali.
Itatayo ang project sa Monterazzas de Cebu, isang development site sa Guadalupe, Cebu City.
Matapos makita ito ng maraming netizens, pinuno ng maraming opinyon ang social media tungkol sa property.
“You can’t just build a monstrosity and totally ignore the social, environmental, and cultural impact on the people who originally live there,” sabi ng isang user sa social media. “Those who can afford this will not be living there permanently, but it is the community who will suffer the consequences of this structure.”
Marami ring nag-alala sa pagtuloy ng proyekto ni Young dahil baka raw ito’y magpalala sa pagbaha at mga landslide sa Cebu.
Sa kabilang banda, sabi naman ng isang user sa X na si Young naman daw ay maalam sa kaniyang trabaho bilang engineer, kaya’t hindi niya raw naiintindihan ang pampupuna kay sa proyekto ni Young.
Sinabi ni Young sa na mabibigyan muli ang bundok ng isang ektarya ng halamanan sa pamamagitan ng mga “strips of greenery” na nakapalibot sa proyekto. Makapagkokolekta rin ang buong gusali ng tubig ulan na dadaloy sa isang sistema ng patubig na makatutulong alagaan ang mga halamanan sa istraktura.
Bago matapos ang video, Hinikayat din ni Young ang kaniyang mga manonood na ilatag ang lahat ng kanilang mga katanungan tungkol sa proyekto.
12. Ang kapalaran ng Pinas sa FIBA World Cup 2023

(Litratro mula sa FIBA Basketball)
FIBA World Cup 2023, sinimulan na sa Pilipinas noong Agosto 25, matapos ang 45 na taon noong huli itong ginanap sa bansa.
Ginanap ang pagtitipon ng mga tinitangalang 32 na teams sa mga hardcourt ng Pinas na Philippine Arena sa Bulacan, Smart Araneta Coliseum, at SM Mall of Asia Arena.
Hangarin ng Gilas Pilipinas na ipagtanggol ang kanilang homecourt, ngunit ligwak ang team sa kanilang unang laban matapos talunin ng Dominican Republic, na may iskor na 87-81. Natalo ulit ang Pinas sa kanilang ikalawang laban nang matambakan ng Angola, na may iskor na 80-70. Para sa ikatlong laro ng Pinas, tila pinag bagsakan ng langit at lupa ang team nang talunin ito ng Italya noong Agost 29, na may iskor na 90-83.
Nang isulat ito, tanging Japan pa lamang ang nakakasungkit ng unang panalo sa mga pangkat na nagmula sa Asya, isang malaking tyansa para sa bansa upang makakuha ng pwesto para sa Paris Olympics 2024.
Nagsimula ang paligsahan noong Agosto 25 na magtatagal hanggang Septyembre 10 sa mga lugar sa Asya: Manila, Jakarta, at Okinawa.
Hindi kagulat-gulat ang huminto muna at huminga ngayong Agosto dahil sa sunod-sunod na mga pangyayaring may dalang kunot ng noo, tawa, at malalim na pag-iisip. Kung magdadala rin ang mga kasunod na buwan ng pagkalubak, mainam na hilinging mas maalala ang matamis na meryenda noong tayo’y bata, kaysa ang kawalan ng katiyakan sa pagdadaanan.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment