TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Friday, January 24, 2025

Buhat, bigat, bakit sa’kin lahat?

4 min readAt kahit na sabihin nilang sumuko na ako ay hindi ko ‘yon gagawin, dahil ako ang may-ari ng damdamin ko at ako lang ang tanging makakaalam kung kailan ko bibitawan ang mga bibitbit ko.
Profile picture of Nicole Baligod

Published about 2 months ago on December 03, 2024

by Nicole Baligod

SHARE

Main image of the post

(Artwork by Nicole Baligod/TomasinoWeb)

SHARE

Sabi nila dapat patas ang pagmamahal. Walang labis, walang kulang. Ngunit, paano kung sa isang relasyon ang isa’y nagbibigay ng higit kaysa kayang tumbasan?

Dalawang taon na kami ng boyfriend kong si Gio, pero pakiramdam ko ay hindi na kami aabot ng pangatlo. Ngunit kahit na may ganoon akong nararamdaman ay pilit ko itong isinasantabi at pinipili pa ring manatili.

“Hiwalayan mo na kasi,” mga salita nilang kay daling bitawan ng bibig pero kay hirap maintindihan ng pusong hindi naman umiibig.

O baka naman ako ang hindi makaintindi?

Noong mga panahong nililigawan niya pa lang ako, siguradong-sigurado na talaga ako na siya ang para sa akin.

Nahulog agad ang loob ko sa mga salita niyang mas matamis pa sa paborito kong kendi, at lalong-lalo na sa mga pa-‘acts of service’ niya. Mula sa mga simple niyang pangungumusta, sa pagtulong sa mga assignments ko, at sa paghatid sa akin pagkatapos ng klase.

Dahil sa dami ng kailangang aralin, gabi na ako nakakauwi sa amin. Madalas nga’y nilalakad ko na ang mga madidilim na kalsada mula iskwela hanggang bahay dahil wala nang masakyan pauwi.

Si Gio, kahit na mas maagang natatapos ang klase niya, naghihintay siya sa labas ng classroom ko para lang samahan ako maglakad pauwi.

At mula noon, lumiwanag ang lahat ng mga kalsada na dati ko lamang na dinadaanang mag-isa.

Isang araw, kinailangan kong mag-uwi ng mga libro mula sa library dahil papalapit na ang finals namin. Pinagkasya ko ang mga ito sa bag ko kahit na alam kong babagsak ang mga balikat ko sa bigat.

Kakayanin ko ‘to, simpleng pagbubuhat lang naman. Sinuot ko ang bag ko at dahan-dahang naglakad palabas sa library.

“Hindi ba mabigat ‘yang dala mo?” tanong ni Gio sa akin habang naglalakad kami pauwi.

Siguro ay napansin niyang pagod at hirap na ang itsura ko.

Ayoko namang isipin niyang alagain ako, kaya’t umiling na lamang ako at nagpatuloy lamang sa paglalakad.

Tinugmaan niya ang bilis ng lakad ko at dahan-dahang kinuha ang bag ko nang walang sabi-sabi, “Alam kong nabibigatan ka kahit na hindi mo sinasabi.”

Biglang akong napahinto, iniisip kung ano ba ang nagawa ko para maligawan ng isang napakabait na lalaki kagaya ni Gio. Napatingin ako sa kanyang mga mata, hinawakan ang kanyang mga kamay, at sinabi ang mga salitang matagal-tagal ko nang pinag-iisipang sabihin.

“Tayo na.”

Dalawang taon ang nakalilipas, at ngayo’y marami nang nagbago.

Hindi ko inaasahang mag-iiba ang ihip ng hangin sa aming dalawa. Na kung dati ay ramdam ko ang sigla, ang nararamdaman ko na lamang ay lamig sa bawa’t pag-uusap namin.

Bihira na nga lang kaming mag-usap, pinag-iinitan niya pa lagi ako ng ulo. Kung minsan nga’y hindi niya namamalayang nakasasakit na siya ng damdamin.

Kahapon nga lang, paglabas na paglabas ko ng classroom ng huling klase ko, ay sinalubungan kaagad ako ng mukhang nakasimangot.

“Bakit ba ang tagal mo? Alam mo namang marami pa akong kailangang gawin, ‘di ba?” ang pairita niyang sinabi.

“Sorry, love. Ngayon lang kasi nagdismiss si Sir.” Sinubukan kong abutin ang kamay niya pero inawasan niya ‘ko.

“Tara na nga, bago ako tuluyang mainis sa’yo,” sabay alis nang walang pahintay.

Naghintay ako ng ilang mga segundo sa aking kinatatayuan, nagbabakasakaling lumingon siya’t balikan ako.

Pero sa layo ng distansya namin mula sa isa’t isa, mukhang hindi na siya babalik.

Maraming nagbago, maraming nawala. Ngunit, heto pa rin ako, naghihintay bumalik ‘yung taong alam kong hindi na babalik.

Unti-unti nang nawawala ang mga simpleng nakagawian niya na naging isa sa mga rason kung bakit ako napamahal sa kanya.

Madalang na niya akong kamustahin. Masyado na kasi siyang abala sa mga schoolworks kaya hindi niya na siya nakahahanap ng oras para sa simpleng “Love, how are you?”.

Alam ko namang marami siyang iniintindi kaya hindi niya muna ako iniintindi, at kailangan kong intindihin ‘yun.

Kaya naman, araw-araw ko siyang kinakamusta, sa chat man o sa personal. Ngunit, ang salitang palagi niyang lang sinasagot ay “ok lang”.

Basta’t may ma-isagot lang siya sa’kin ay masaya na ako, kahit na ramdam ko na napipilitan lang siyang gawin ‘yun.

“Edi sana kinausap mo na lang sarili mo,” ang laging sabi ng mga kaibigan ko.

Ayaw niya na rin akong tulungan sa mga gawain ko dahil ang sabi niya’y mas “mahirap” daw ang mga ginagawa niya kaysa sa akin.

Kaya kahit na lunod na lunod na ako sa mga school works ko, binibigyan ko pa rin ng oras ang pagtulong ko sa paggawa ng kaniya. Kahit na pagod ako, nagpupuyat ako para parehas kong tapusin ang assignments niya at ang sa’kin. At kahit na magka-iba kami ng kurso, mas pinilipili kong intindihin ang mga math equations niya kaysa sa mga readings ko.

“Edi sana nagdouble degree ka na lang,” ika naman ng mga kaklase ko.

At ngayon, hindi niya na ako hinahatid pauwi. Binibigyan niya na lang ako ng pamasahe pang-taxi, para daw kahit papaano ay gumaan-gaan ang loob ko.

Ngunit, hindi ko maiwasang mapaluha sa lungkot sa tuwing dumadaang mag-isa sa mga kalsadang dati naming dalawang dinadaanan.

Sa totoo lang, mas dama ko pa ngang ligtas akong maglakad sa dilim nang kasama siya kaysa dito sa loob ng taxi ngayong wala siya.

“Edi sana nagpasundo ko na lang sa amin,” ang pag-aalalang suway sa akin ng mga magulang ko.

Sa dami ng taong nagsasabi sa akin na tigilan ko na ‘to, mas lalo akong napapagod. Pero saan nga ba ako mas napapagod? Sa kanila, kay Gio, o sa sarili ko?

Hindi ko alam.

Siguro nga ako ang hindi makaintindi rito.

Hindi ko maintindihan kung bakit ba nanatili pa rin ako sa kabila ng pagod na hindi man lang tinatanong ni Gio kung nabibigatan ako. Dahil kung itatanong niya ulit ‘yon ang isasagot ko ay,

Oo, sobrang bigat ng dala ko.

Sabi niya dati na alam niyang nabibigatan ako kahit hindi ako magsabi, pero wala na siyang pakialam ngayon kahit na nadudurog na ako sa kabubuhat saming dalawa.

Pero kahit na nakakapagod, umaasa pa rin akong babalik ang taong nagturo sa akin kung paano mag-alaga at kung paano magmahal nang sobra. Ang taong tumulong sa aking magbuhat na ngayo’y hindi na makayanang buhatin ang mga bagay na dati naming nakagawian.

At kahit na sabihin nilang sumuko na ako ay hindi ko ‘yon gagawin, dahil ako ang may-ari ng damdamin ko at ako lang ang tanging makakaalam kung kailan ko bibitawan ang mga bibitbit ko.

Alam kong mas lalo akong madudurog sa mga dala-dalahin ko sa oras na bumigay ako sa pag bubuhat sa relasyong ito.

Galing ako ng library nang laking gulat kong makasalubong si Gio.

“Love, mabigat ba ‘yang dala mo?” ngumiti ako sa tanong niya.

Akala ko’y iyon na ang panunumbalik niya, hanggang sa narinig ko ang mga sunod nyang mga salita.

“Padala muna nitong mga libro ko, ah?”

Bigat

Pagod

Profile picture of Nicole Baligod

Nicole Baligod

Stories Writer

Nicole Baligod is a Stories Writer at TomasinoWeb. She labels herself as an “emotional writer” as she draws her works from personal experiences and feelings. For her, writing stories is a creative way to show different perspectives of life that people can either relate to or learn from. Her life has always been influenced by both listening and reading to stories, and now, she has been given the opportunity to share many. Growing up as an only child, she prefers staying at home and being alone most of the time with her books and self-made playlists.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*