TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Monday, May 19, 2025

Everything Falls on Friday the 14th

5 min readSa dami ng mga larawan niya na naiguhit ko, itong hawak ko ngayon ang pinakamasakit sa lahat ng nagawa ko. Hindi dahil makalat, kundi ito na ang huling larawan niya na aking iguguhit.
Profile picture of Shane Quiachon

Published 3 months ago on February 14, 2025

by Shane Quiachon

SHARE

Main image of the post

(Photo by Lance Bernardino/TomasinoWeb)

SHARE

"Magkaibigan naman tayo, hindi ba?”

Hindi ko napigilang pigain ang paint tube na aking hawak nang sumagi nanaman sa aking isipan ang mga katagang binitawan niya sa akin noong Lunes. Akala ko may magbabago, umasa akong uusad ang lahat pero hindi, masyado akong nalunod sa mundo ng akala at nagpadala sa binuo kong ilusyon ng ilang taon na magugustuhan niya rin ako, gaya ng kung anong nararamdaman ko para sa kanya.

Napatigil na lang ako sa pag-iisip nang maramdaman kong may tumutulo sa aking kamay. Agad kong nabitawan ang paint tube at nahulog ito sa canvas. Hindi ako makagalaw, ni paghinga ko’y pansamantalang nahinto nang nakita ko kung paano kumalat ang pintura sa aking iginuhit. Dahan-dahang niyakap ng mga hibla nito ang asul na pintura at patuloy na gumapang hanggang sa napahalo na ito sa ibang kulay.

Agad na bumangon ang inis sa aking sistema. Unti-unting nanlabo ang aking mga mata hanggang sa hindi ko namalayang tumutulo na ang mga ito sa canvas. Ang tahimik na pagluha’y nauwi sa paghagulgol. Napakapit ako ng mahigipit sa aking dibdib, tinutulangan ang aking puso na kumalma sa kabila ng mga sakit na nadarama nito ngayon ngunit bigo pa rin ako.

Halos kalahati ng buhay ko ay magkasama kami, simula pa high school hanggang ngayong kolehiyo. Nangako kami na susundan namin ang isa’t-isa, maging sa kurso at unibersidad. Magkasama kaming nangarap at bumubuo ng pangarap. Madami na rin kaming naging away at tampuhan pero patuloy pa rin namin na pinipili ang isa’t-isa. May mga nakilala rin kaming mga bagong kaibigan ngunit siya pa rin ang aking inuuwian, hindi ko lang alam kung ganoon din siya sa akin.

Kanina pa ako nakaupo sa harap ng Main Building, hinihintay siya na matapos sa kanyang klase. Kung kanina ay madami-dami pa ang mga taong dumadaan sa aking harapan, ngayon ay pasulpot-sulpot na lang sila. Sa loob ng dalawang oras, wala akong ibang ginawa kundi ang magkuyakoy at paulit-ulit na silipin ang aking cellphone, inaabangan ang kanyang reply.

“Alas-singko ang sabi niya pero alas-siete na, wala pa rin siya,” bulong ko sa aking sarili. Pinaka-ayaw ko sa lahat ay ang pinaghihintay ako ngunit naiiba ito kapag siya ang usapan dahil alam kong kahit paghintayin niya ako ay sisipot pa rin siya, kahit abutin pa ng ilang oras.

“Tahlia!” agad akong napatingin sa aking harap at para akong sinuntok sa sikmura nang makita siyang may kasama na iba. Hindi ko magawang buoin ang aking paghinga dahil ramdam kong unti-unting naninikip ang aking dibdib. Habang sila’y papalapit ay parang gusto kong tumakbo papalayo, sa aking kinauupuan, sa kanila.

“Si Calla nga pala, nililigawan ko. Kaya hindi ako agad nakapunta dito dahil nagpasama pa siya sa Dean’s Office nila,” paliwanag niya pero parang hindi ito lubos na nagrehistro sa aking utak dahil huminto ang aking pag-intindi nang banggitin niya ang “nililigawan ko.”

Tumango-tango ako at tumayo na mula sa kinauupuan. “Ayos lang. Uwi na tayo baka ma-traffic na sa EDSA,” mahina kong tugon sa kanya. Nauna na akong naglakad at hinayaan na silang magkaroon ng sariling mundo habang ako’y napapatanong kung mawawalan na ba ako ng pwesto sa buhay niya.

Doon nagsimulang magbago ang lahat. Kung dati’y dalawa lang kami na naghahanap ng mga makakainan sa Dapitan, ngayo’y naging tatlo na. Kahit sa pag-uwi ay hindi na kaming dalawa ang magkasama dahil sa iba na siya nakadikit. Ang mundo na aming binuo ay nahati sa dalawa: siya na may kasamang iba at ako na binabaybay ang daan ng mag-isa.

“Tahlia, sa P. Noval na lang muna kami kakain. Bye!”

“Sige na, Tahlia. Mauna ka nang umuwi, sasamahan ko muna si Calla sa cafe.”

“Please, pahiram muna ako ng hand fan mo, low battery na kasi ‘yung akin baka mainitan si Calla mamaya.”

“Huwag mo na ako hintayin. Umuwi ka na.”

Para akong manika na tinutusok ng karayom sa tuwing magpapalam siya sa akin dahil alam kong para sa ibang tao ang ipapaalam niya na dati’y para sa sarili niya lang. Pakiramdam ko’y unti-unti na akong napapalayo sa kanya na siguro’y pabor sa kanya para wala nang maging sagabal sa kanyang magiging mga plano.

Dahan-dahan ko na ring tinatanggap ang ideya na kahit kailan ay hindi niya ako magugustuhan pero hindi ko mapigilan hindi tanungin ang uniberso kung bakit sa tagal naming magkadikit ay hindi niya man lang ako nakita? Maraming tanong ang gusto kong mabigyan ng sagot ngunit mas makakabuti kung ibabaon ko na lamang ito sa limot, gaya nitong nararamdaman ko para sa kanya.

Ibinaba kong aking tingin sa canvas. Makalat, halo-halo na ang kulay ngunit hindi pa rin nito natakpan ng tuluyan ang kanyang larawan na aking iginuhit. Kung iba ang susuri nito, paniguradong hindi nila ito magugustuhan pero para sa akin, walang mali rito kahit pa makalat, magulo, at nakakalito. Kahit guhitan o pinturahan ng iba’t-ibang mga kulay ang larawan ay mananatili pa rin itong perpekto dahil siya ang nakaguhit; lahat ay perpekto pagdating sa kanya.

Sa dami ng mga larawan niya na naiguhit ko, itong hawak ko ngayon ang pinakamasakit sa lahat ng nagawa ko. Hindi dahil makalat, kundi ito na ang huling larawan niya na aking iguguhit. Ibubuhos ko na ang lahat ng natitirang pagmamahal ko para sa kanya hanggang sa sumuko ang aking mga kamay dahil sa pagod at sakit na dulot nito. Hahayaan ko ang aking mga kamay na sumayaw nang naaayon sa gusto nito hanggang sa maubusan ito ng lakas. Bahala na kung mamaga, huli na rin naman na kaya wala na akong iiwan para sa sarili ko; ibubuhos ko na lahat.

Sisiguraduhin ko na nababalot ng kalayaan ang magiging huling regalo ko para sa kanya sa araw ng mga puso. Dito ko na tatapusin ang tradisyon na aming sinimulan noong unti-unti pa lang naming binubuo ang aming mundo na ngayo’y dahan-dahan nang gumuguho.

Hindi ko namalayan ang paglipas ng mga araw. Kung hindi ko pa makikita ang mga shared post sa Facebook ay hindi ko malalamang araw na ng mga puso. Yakap-yakap ko ang canvas sa aking dibdib habang nakaupo sa tapat ng Main Building, ang orihinal namin na hintayan. Hindi ako mapakali dahil sa kaba. Ang mga paa ko’y hindi matigil sa pagkukuyakoy samantalang ang mga kamay ko naman ay patuloy na namamasa at nanlalamig na kahit ikiskis ko sa isa’t-isa ay hindi pa rin iinit.

Biyernes ngayon kaya alam kong alas-siete ang oras ng kanilang uwian. Basta ang plano ay iaabot ko lang sa kanya ang canvas at pagtapos noon ay uuwi na ako ng mag-isa. Kaya ko at pilit na kakayanin. Dito magtatapos ang lahat at dito ko rin sisimulan na iguhit ang aking landas na hindi siya kasama. Dumepende ako sa mundo niya na kahit kailan ay hindi ko alam kung naging kabilang ba ako roon.

“Iba talaga ngiti ni Calla kapag may bulaklak!”

Nabaling ang aking atensyon sa hiyawan ng isang grupo na naglalakad palabas ng Main Building. Nakita ko siya, si Dale, nakaakbay kay Calla habang tumatawa. Napapalibutan sila ng kanilang mga kaklase. Inaabangan ko ang kanyang pagtingin sa aking pwesto, sa aming tambayan, ngunit tuloy-tuloy lang sila sa paglalakad. Nang lumiko sila papuntang Dapitan ay napagpasiyahan ko na ring lumakad paalis. Palayo sa pwesto na saksi sa aming kwentuhan, tawanan, iyakan, at bangayan.

Sa bawat hakbang na aking ginagawa ay gumagaan ang aking paghinga. May bigat ang paglapat ng aking mga paa sa sahig, tila ba’y nais nitong mag-iwan ng marka, patunay na lumakad na ako papalayo sa kanya, sa lahat. Patuloy lang ako sa paglalakad kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta, basta ang alam ko lang ay tapos na. Nakuha ko na ang sagot kahit hindi na ako magtanong sa kanya. Sapat na ang nakita ko para itigil ang lahat ng kahibangan na mayroon ako.

Palabas na ako ng Gate 2 nang makita ko ang basurahan. Dahan-dahan ko itong nilapitan at itinapon ang canvas. Kasabay ng pagtapon ko sa kanyang larawan ay ang pagbitaw ko sa aking nararamdaman para sa kanya. Salamat pa rin dahil binigyan mo ng kulay ang mundo ko.

Dito magtatapos ang lahat, ngayong ika-14 ng Pebrero, araw ng biyernes. Habang ang iba’y tumatanggap ng pagmamahal mula sa kanilang mga kapares at minamahal, ako nama’y nagpalaya ng aking puso mula sa aking tunay na mahal.

Hanggang sa muli, Dale.

Valentine's Day

Friendship

Paintings

Gifts

February 14

Profile picture of Shane Quiachon

Shane Quiachon

Stories Writer

Shane Quiachon is a Stories Writer at TomasinoWeb. She loves writing stories that the public can relate to. She is interested in writing fictional stories and reading romance books. If not busy, Shane cleans her room while listening to 90s music hits to unwind. She also treats digital note-taking as one of her stress-relieving activities.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*