Tik-tok…Tik-Tok…
Sarado ang lahat. Ang pinto, bintana, ultimo ang bentilador na kung tutuusin ay dapat na umaandar. Ang banas banas sa pakiramdam ng panahon, pero parang niloloko ko lang din naman ang sarili ko kung paaandarin ko pa ito dahil kahit anong init ng paligid ay tinatalo pa rin ito ng lamig na aking nararamdaman ngayon.
Inilibot ko ang aking mga mata sa loob ng aking kwarto. Madilim. Ang kwarto na muling nabuhay noong nakaraang tatlong linggo ay mukhang mawawalan muli ng kulay ngayong araw, sa mismong araw ng Linggo na dapat ay puno lamang ng saya at kapayapaan.
“Vincent, nak, gising ka na ba?”
Nasundan ang tanong ng mga mahihinang katok na mas lalong nagpasakit ng aking puso. Ito na ang huling katok na aking maririnig bago ko muling lisanin ang tahanang ito.
Hindi ako sumagot dahil ayaw kong putulin ang mga mahihina niyang katok, ang ingay na lagi kong hinahanap tuwing umaga kapag nasa siyudad ako. Gusto kong tumatatak sa aking isipan ang ingay na kanyang nililikha bago ako muling umalis.
Lumipas ang ilang segundo at nawala na rin ang mga katok. Sapat na rin naman siguro ang mga panandaliang katok na narinig ko mula sa aking Nanay.
Hinigit ko ang aking paboritong kumot at muling nagtago sa loob nito. Ayaw ko munang lumabas dahil alam kong sa oras na bumangon ako mula sa kamang ito ay iyon na rin ang hudyat na magsisimula na ang araw ko, bibilis ang pagtakbo ng mga kamay ng orasan hanggang sa hindi ko na mamamalayan na oras na ng pag-alis ko.
Ayaw ko. Gusto ko dito lang ako. Sana tumigil ang pag-ikot ng mundo..kahit imposible.
Papikit na ang aking mga mata nang muli siyang kumatok, ang huling katok. Narinig ko rin ang kanyang pag buntong-hininga. Hinanda ko na aking mga tainga sa kanyang ibabanat sa akin, maging pagalit man o malumanay ay malugod ko itong tatanggapin.
“Nak, alam kong ayaw mong bumangon pero kailangan nating magsimba bago ka namin ihatid sa bus terminal. Hihintayin ka namin ni Tatay sa baba,” aniya.
Matamlay akong bumangon. Kahit labag sa aking loob ay kailangan. Ang bigat sa pakiramdam. Hindi ko magawang buoin ang aking paghinga, parang may nakabara sa aking lalamunan. Unti-unti na ring namamasa ang gilid ng aking mga mata, nagbabadyang tumulo ang mga luha na pilit kong itinago nitong mga nakaraang linggo.
Tila wala ako sa aking sarili. Wala akong ideya kung paano ko nadala ang aking sarili pababa ng hagdan. Para bang may mga sariling utak ang aking mga paa at pilit akong dinala sa kung saan ako ngayon.
Tumambad sa akin ang pamilya kong kumakain sa aming hapag-kainan. Si Nanay at Tatay ay malawak ang ngiti sa isa’t-isa habang nagkukwentuhan samantalang ang aking nakababatang kapatid naman ay tahimik lang na nakikinig sa kanilang dalawa.
Habang pinagmamasdan ko sila’y parang unti-unting umuurong ang mundo, ang mga dating dekorasyon ay bumalik, ultimo ang kaliwa’t-kanan na ingay ng torotot at paputok ay muling nag-aagawan ng pwesto sa loob ng aking tainga.
Nanatiling nakabukas ang aking mga mata, hinahayaan ang sarili na pagmasdan ang lahat na bumalik sa araw kung kailan wala akong iniisip na iba kundi ang mga masasayang ala-ala na kasama sila habang kumakain ng media noche.
“Vin, andyan ka na pala. Kain na!”
Bigla akong napakurap nang marinig iyon. Nawala ang lahat, tinalo pa rin ako ng mundo dahil bumalik lang ang lahat sa simula, sa normal.
“Nak, may problema ba? Masama ba pakiramdam mo? Parang kanina ka pa matamlay,” napatigil ako sa pag nguya sa naging tanong ni Tatay.
Sana nga may sakit na lang ako para may rason akong hindi tumuloy sa pagluwas mamaya. Sana nga masama na lang ang pakiramdam ko para masulit ko pa ang pag-aalaga nilang dalawa.
Umiling ako kahit sinasabi ng utak kong tumango. Tinuloy ko ang aking pagkain. Wala na rin akong narinig na tanong mula sa kanila. Ang tanging ingay lang na namamayani sa hapagkainan ay ang kalansing ng aking kutsara at tinidor. Bumagal ang aking pag nguya nang marinig ko ang pag buntong-hininga ng aking Tatay.
Panigurado’y alam na nila.
Nauna silang matapos na kumain pero hinintay pa rin nila ako. Kahit naging mabagal ang pagkilos ko’y naging pasensyoso at maunawain sila, hinahayaan akong kumilos nang naaayon sa gusto ko habang sila’y nakatunghay lang sa mga aksyon ko.
Bumilis muli ang takbo ng oras. Tapos na rin kaming magsimba. Pakiramdam ko’y pinagbigyan ako ng Diyos kanina dahil panandalian bumagal ang oras habang ako’y nasa loob ng kanyang tahanan. Alam niya kung ang aking kahinaan, kahilingan, at mga pangangailangan na kanya namang tinugon sa loob ng isang oras.
Hindi ko na rin namalayang nasa loob na kami ng sasakyan, binabaybay ang maluwag na kalsada patungo sa terminal.
Tahimik ang lahat, ang tanging ingay lang na namamayani ngayon ay ang mga accessories na nakakabit sa rearview mirror.
Ibinaba ko ang bintana at agad naman dumuot sa aking mga balat ang preskong hangin na kinalakihan ko, ang hangin na hindi ko malalanghap sa siyudad. Nanatiling nakadilat ang aking mga mata kahit pa na naluluha na ito dahil sa paghampas ng hangin.
Hinayaan ko lang ang aking sarili na namnamin ang napakagandang tanawin na aming nilalagpasan. Hindi ito mapapantayan ng kahit anong mga naglalakihang gusali na nababalot ng mga kumukutikutitap na ilaw. Kahit pa na mahina ang signal dito ay mas pipiliin ko maglagi rito, dahil mas dama ko ang kapayapaan dito.
May iba na nahahanap ang kapayapaan sa kaingayan na sa siyudad madalas mararanasan. Kahit pa na mausok, magulo, makalat at nakakaligaw ay mas pipiliin pa rin nila ito ngunit hindi ako sila.
Hindi ko rin alam kung paano natitiis ang mga bagay na iyon, siguro dahil may pangarap ako…dahil may misyon akong gusto kong tapusin. Sanayan na lang din talaga ang nagpapatagal sa akin sa siyudad ngunit kahit anong sanay ay hinahanap-hanap pa rin ng aking sistema ang aruga at init ng aking tunay na tahanan.
“Nababasa kita. Alam kong natatakot ka... ulit,”
Agad akong napalingon sa aking Nanay. Hinawakan niya ang aking kamay na at masuyo itong hinaplos. Biglang nanikip ang aking dibdib, para bang may mga sakong nakadagan sa akin na sa sobrang bigat ay hindi ko magawang huminga. Unti-unting uminit ang aking katawan, gustong sumabog at sabihin ang lahat ng mga naglalaro sa aking isipan…pero tila ba’y may pumipigil sa akin na magsalita.
“Tatlong taon na ang nakalipas mula nang hayaan ka naming tumuloy sa Maynila. Mahirap para sa amin ni Tatay mo na mawalay ka dahil nasanay kami na kasama ka palagi, sa bahay, sa mga lakad, sa simbahan at sa lahat ng bagay….” pansamantala siyang tumigil at huminga ng malalim. Tumingin siya sa aking mga mata, kinakausap ang aking isipan na makinig sa kanya at huwag nang magsalita pa.
“Mahirap, nak, pero kailangan nating magsakripisyo. Gustuhin man namin na dito ka lang pero mas lamang sa amin na maging matayog ang iyong paglipad. Nakaya mo ng tatlong taon at alam kong kakayanin mo hanggang sa iyong huling taon….Kaunting tiis na lang,” mahina niyang sabi, dinig na dinig ko rin kung paano nabasag ang mahinahon niyang boses sa mga huling kataga na kanyang binitawan.
Hindi ko na napigilan ang mga luha na kanina pa gustong kumawala mula sa aming mga mata, ultimo ang mga mumunting hikbi na pilit kong pinapatahimik mula kanina pang umaga.
“Ano nga uli ang lagi kong pabaon sayo?” tanong niya.
Huminga ako ng malalim bago sumagot. Iyon lang ang pabaon na hindi ko ipagpapalit sa kahit ano mang klase ng baon. Makalimutan ko na ang lahat, huwag lang ang tatlong salita na kanyang laging pinapaalala sa akin, ang tanging rason kung bakit kahit anong pasakit ang ibato sa akin ng siyudad ay nananatili akong matatag.
“Mayroon akong uuwian,” garalgal kong tugon.
Nakangiti siyang tumango-tango sa akin. “Hindi dapat ako mangamba dahil kahit anong mangyari ay may tahanan na nag-aabang sa pagbalik ko, laging handa na salubungin ang batang nangungulila sa tunay niyang tahanan,” dagdag ko.
“Lagi mong tatandaan na may uuwian ka, may tahanan na naghihintay sayo rito. Malaya kang bumalik kung gugustuhin mo. Nandito kami na handa kang salubungin sa terminal kahit anong oras o araw pa iyan. Mayak sinigang din na laging mag-aabang sa pagbalik mo,” sabay kaming natawa nang banggitin niya ang sinigang, iyon kasi ang paborito kong ulam.
Hindi rin nagtagal ay narating na namin ang terminal. Kumpara kanina ay medyo gumaan na ang aking pakiramdam.
Tinulungan nila akong ibaba ang aking mga bag. Isa-isa nila akong niyakap at pinayuhan ng mga bagay-bagay. Matapos ang pamamaalam ay dahan-dahan ko nang binuhat ang aking mga bag.
Bago ako tumalikod ay may pinahabol si Nanay. Agad siyang lumapit sa akin at pinupulot ang dala niyang balabal sa aking balikat sabay bulong ng “Mag-ingat ka at palaging mag-dasal.” Tinapik niya ang aking balikat, hudyat na kailangan ko nang humakbang palayo sa kanya… sa kanila.
Kasabay ng aking paghakbang ay ang pagpatak ng aking mga luha sa lupang aking tinatapakan. Mahirap ang mag-isa ngunit mas mahirap kung bibiguin ko sila. Tama si Nanay, kakayanin ko dahil may tahanan na umaasa sa kakayahan ko.
Darating din ang panahon na hindi ko na kailangan pang mawalay sa kanila, kaunting kapit na lang.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment