TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Friday, January 24, 2025

Mataya-taya, balik tayo sa simula?

6 min readAng tanging gusto ko na lang ngayon ay makita ang kanyang pangalan at malaman na naabot niya ang kanyang inaasam na pangarap.
Profile picture of Shane Quiachon

Published about 1 month ago on December 22, 2024

by Shane Quiachon

SHARE

Main image of the post

(Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb)

SHARE

Please….sana lumitaw ang pangalan niya…

Umaga pa lang ay aligaga na ako kaka-abang sa youtube account ng Supreme Court, inaantay ang kanilang livestream para sa release ng bar results 2024. Kaunting tiis na lang….

Kung tutuusin, hindi naman ako nag-take ng bar exam pero parang papanawan ako ng ulirat sa sobrang kaba. Hindi na matigil ang panginginig ng aking mga daliri kakapindot ng screen ng iPad, pakiramdam ko nga’y lumulusot na rin ang aking hintuturo dito dahil sa pamamanhid gawa ng paulit-ulit na pagpindot.

Kanina pa ako nakikipagtitigan sa “Please stand by,” na naka-flash sa aking screen. Sa sobrang inip ay tumingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding, 12:40 p.m. na pero bakit wala pa rin?

Iniyuko ko na lamang ang aking ulo sa sobrang inip. Ramdam ko na rin ang pagsakit ng aking ulo dahil wala rin akong tulog kagabi kakadasal para sa kanya. Hindi ko alam kung ilang Ama Namin, Aba, Ginoong Maria at Luwalhati sa Ama na ang aking nadasal para sa araw na ito.

“A moment we have all been waiting for. Let us all welcome the 2024 Bar Examinations Chair…”

Bigla akong napatigil sa panandaliang pagmumuni at napatingin sa aking iPad nang marinig ‘yun. Kitang-kita sa livestream ang nagkukumpulang mga media na nag-aabang din sa release ng results, gaya ko. Ang kaibahan lang ay ginagawa nila iyon para sa trabaho samantalang ako ay para sa taong linggo-linggo kong iniluhod sa Santisimo Rosario.

Sinimulan na ng chair ang kanyang opening remarks na hindi rin naman nagtagal dahil agad din siyang dumako sa ibang agenda. Madami-dami rin ang kanyang tinalakay na hindi ma-aabsorba ng aking isipan dahil sa labis na kaba at pagkasabik sa paglabas ng resulta.

Biglang umayos ang magulo kong diwa nang sinimulan na ang pag-announce ng mga Top 20. Pakiramdam ko’y nahipnotismo ako ng aking pinapanood, hindi ko na magawang ipaling ang aking atensyon sa pagbubukas ng pinto at pagpasok ng aking mga kaklase sa aming silid.

“Ayan nanaman si Alethea!”

“Umusad na ang mga buwan pero siya hindi pa rin!”

Kaliwa’t-kanan ang reklamong naririnig ko mula sa kanila pero wala na akong pakialam. Ang tanging gusto ko na lang ngayon ay makita ang kanyang pangalan at malaman na naabot niya ang kanyang inaasam na pangarap.

Iba’t-ibang mga mukha at pangalan na ang lumabas sa presentation at habang paliit nang paliit ang mga numero, mas lalo akong kinakabahan. Unti-unti nang namamasa ang aking mga palad, ramdam ko na rin ang pagkalat ng lamig sa aking buong katawan, hindi ko na rin magawang buoin ang aking paghinga. Paano ba kumalma?

Pansamantala kong ipinikit ang aking mga mata na sinabayan ko naman ng malalim na paghinga. Kahit sampung segundo lang……makahinga lang ako ng maayos…. Hihinga pa ulit sana ako nang malalalim ngunit bigla itong naputol nang binigkas ng chair ang pangalang pinakahihintay ko….

“For 5th place, Sarmiento, Lex Gideon Lim, of the University of Santo Tomas, 88.250%”

Kasabay ng pagkabigkas sa kanyang apelyido ay ang paghinto ng aking mundo. Nawala ang ingay ng paligid, rinig ko rin ang mabilis na pagtibok ng aking puso na para bang gustong kumawala mula sa hawla. Bakit parang biglang nablanko ang utak ko? Anong nangyayari?

Naramdaman ko na lang na may humigit sa akin patayo at niyugyog ang katawan ko. Niyayaya nila akong tumalon pero nananatiling nakadikit ang aking mga talampakan sa aking sahig.

“Top notcher ang Lex mo! Ay mali, ex mo pala!”

Puro ingay na lang ang naririnig ko pero hindi rin naman iyon nagtagal dahil biglang pumasok ang aming prof. Bumalik na rin ako sa tamang wisyo. Hindi pwedeng malunod sa kahibangan dahil finals exam na next week. Naging smooth naman ang daloy ng mga klase at nakabalik naman ako tamang wisyo, pero hindi pa rin siya maalis sa isipan ko…


Uwian na. Palabas na ako ng silid nang biglang may humarang sa akin, si Atlas, kasamahan ko sa org na photojournalist din, gaya ko. Naku, paniguradong may ipapasalo ito…..

“Alethea, okay lang ba kung ikaw muna ang mag-cocover sa event ngayon ng Civil Law? Nandyan sila ngayon sa field. May quiz kasi kami, hindi ako pwedeng mag-excuse. Ipapahiram ko na lang sayo camera ko,” nanghihina niyang sabi habang hinahabol ang paghinga.

“Sige, ayos lang,” sagot ko habang tumatango. Tatanungin ko pa sana siya kung tungkol saan ‘yung event ngunit bago ko pa siya matanong ay agad na siyang tumakbo pabalik sa kanyang silid. Dali-dali na rin akong naglakad papunta sa elevator dahil baka mahuli ako sa sinasabi niyang event. Habang pababa ay hindi ko maiwasang isipin kung tungkol saan iyon. Bakit parang biglaan naman yata?

Nang marating namin ang first floor ay kumaripas na ako ng takbo papunta sa field. Naabutan kong nagkukumpulan ang mga tao, marami sa kanila ay naka long-sleeve samantalang ang iba naman ay naka-suit. Napansin ko rin na ang iba sa kanila ay may suot na lei at hawak na bulaklak. Ah, gets ko na….

Sinimulan ko nang kuhanan sila ng retrato. Palipat-lipat ako ng puwesto, may sa gilid, sa likod, at sa harap, sinisikap na kuhaan sila sa lahat ng anggulo. Matapos silang kunan at sinilip ko muna ang mga kuha ko, tinitingnan kung maayos ba ang lahat ngunit sa gitna ng pagsilip ay bumungad sa akin ang isang pamilyar na mukha. Matagal na rin ang huli naming pagkikita…

Natigil ako sa pagtitig sa kanyang retrato nang bigla akong nakarinig ng isang malakas na drumbeat, sunod-sunod ang naging paghampas sa tambol hanggang sa sinabayan na ito ng mga palakpak. Napatingin ako sa paligid at napansin kong nakatingin silang lahat sa kalangitan kaya itinutok doon ang camera. Hindi nagtagal ay biglang sumulpot na ang mga fireworks. Sabay-sabay na naghiyawan at nagpalakpakan ang mga taong nakapaligid sa akin. Kahit na gusto kong makisabay sa kasiyahan ay patuloy pa rin ako sa pag-video hanggang sa matapos ang fireworks.

Habang ako’y nakatingin sa kalangitan, hindi ko maiwasang hindi isipin ang mga pangalan ng ibang mga bar examineers na hindi lumitaw kanina. Kumusta kaya sila? May nangumusta rin ba sa kanila? Sana meron…sana’y may nakaalala rin sa kanila sa gitna ng selebrasyong ito. Gayunpaman, hindi naman humihinto ang pag-ikot ng mundo. Dadating din ang araw nila. Kung hindi man ngayon, marami pa namang bukas at hindi naman tayo mauubusan ng bukas hangga’t patuloy tayong bumabangon. Ang mahalaga ay pinipilit nating harapin ang mga hamon kahit napupuno tayo ng pangamba at takot. Naniniwala akong ipagkakaloob din ito sa kanila ng langit….nawa’y dinggin.

Ibababa ko na sana ang camera nang bigla akong mapatigil dahil sa isang pamilyar na boses.

“Alethea...”

Napalingon ako, hinahanap ang boses na matagal ko nang hindi naririnig, ang boses na nagturo sa akin na mapagpalaya ang pagmamahal, ang boses na hinimok akong tumaya sa lahat ng bagay kahit walang kasiguraduhan. Ayun, tumambad sa akin ang maamo niyang mukha at mapupungay niyang mga mata na direktang nakatingin sa akin. Kahit pa hindi ko makita ang ngiti sa kanyang mga labi ay halata naman sa kanyang mga mata ang kaligayahan.

Uy, Lex! Congrats! Sa wakas, abogado ka na at top notcher pa!” masigla kong sabi sabay tapik sa kanyang braso.

Nahihiya siyang napahawak sa kanyang batok. “Salamat sa pagbati…”

“Bilib talaga ako sayo. Kaya nga hanggang ngayon ay ipinagmamalaki pa rin kita sa mga kaklase ko…kahit hindi na tayo,” mahinang tugon ko sa kanya.

Kailangan ko nang umalis dahil bukod sa may ibabalik akong camera ay hindi ko kayang magtagal na kasama siya dahil nanghihina ako….parang may humihigit sa puso ko..

Matamis ko siyang nginitian bago naisipang magpaalam. “Uhm..sige, mauuna na ako may ibabalik pa kasi ak-”

“Pwede ba kitang makausap ulit? Kahit saglit lang? Kahit lima o sampung minuto lang?” mabilis niyang sabi na parang bang may hinahabol siya.

Napakunot ang aking noo sa kanyang sinabi. “Usap? Tungkol saan?” nagtataka kong tanong.

“Tungkol sa…ating dalawa.”

Halata sa kanyang mga mata ang pagsusumamo, nagmamakaawa na pagbigyan ko siya sa kanyang gusto. Kung tutuusin, wala na dapat pa kaming pag-usapan pa pero ibibigay ko pa rin sa kanya ang pagkakataong ito. Hindi naman siguro masama ang hindi tumanggi, diba?

Tumango na lang ako sa kanya at lumakad papunta sa Plaza Mayor. Agad naman siyang sumunod sa akin. Umupo kaming dalawa sa isang bench na katabi ng lamp post. Napatingin ako sa ilaw, kaya ba nitong bigyan ng liwanag ang mga nakatago naming katanungan para sa isa’t-isa?

Kapwa kaming nakaharap sa Main Building, pinagmamasdan ang pagdaan ng mga tao sa aming harapan. Ganito rin kami noon kapag hinihintay ko siyang matapos ang klase niya.

“Kumusta ka?” tanong niya.

Napatingin ako sa kanya. “Ayos lang naman, bakit mo natanong?”

Dahan-dahan niyang hinawakan ang aking kaliwang kamay. “Natupad na ang isa sa mga pangarap natin noon, ang maging abogado ako. Baka pwede nating ituloy ‘yung iba…na magkasama tayo?” tanong niya.

Napangisi ako sa sinabi niya. Hindi naman siya nawala sa puso ko. Buwan man ang lumipas, siya pa rin ang laman ng aking sistema pero hindi ko alam kung kaya kong tumaya…sa ngayon.

“Lex, hindi ko alam. Wala akong maisasagot sayo pero gusto kong malaman mo na hindi ka naman nawala, nandito ka pa rin. Siguro kailangan lang muna natin ng mas mahabang oras para kilalanin ulit ang mga sarili bago tayo muling magpakilala sa isa’t-isa,” sagot ko sa kanya.

Naramdaman kong humigpit ang kanyang pagkakahawak sa aking mga kamay. “Hanggang kailan natin gagawin iyon?” tanong niya.

Umiwas ako ng tingin sa kanya. “Kapag buo na ulit tayo. Kapag kaya na ulit nating itaya ang lahat ng mayroon tayo,” mahina kong sagot.

Hindi na siya muling nagtanong. Itinuon na lang namin ang aming mga mata sa langit, inaasa sa mga tala ang aming mga puso na muling pagtagpuin kapag pumabor na ang tadhana.

Nawa’y matupad.

Dumako ang aking paningin sa malaking orasan, lumipas na ang sampung minuto. Dahan-dahan kong binawi ang aking kamay mula sa kanyang pagkakahawak. Inayos ko muna ang aking uniporme bago tumayo.

“Paano ba yan, tapos na ang sampung minuto, Lex. Next time na lang ulit!” paalam ko sa kanya. Hahakbang na sana ako palayo mula sa kanya nang bigla niyang hawakan ang aking pulso.

“May kasama ka ba sa Paskuhan?” pahabol niyang tanong.

Umiling ako. “Wala kasi may coverage ako sa araw na ‘yun,” tugon ko sa kanya.

Tumango-tango siya. “Sige, hahanapin na lang kita sa field,” nahihiya niyang sagot.

“Ikaw bahala,” sagot ko. Paano niya ako hahanapin eh madaming tao ang dadalo sa event na ‘yun? Saka paniguradong magkakasalisihan lang kami pag tinuloy niya iyon. Good luck na lang.

Bago ako umalis ay may bigla akong naisip. Inilahad ko ang aking kamay sa kanyang harapan. “Nagagalak akong makita kang muli, Atty. Lex Gideon Sarmiento,” sambit ko kanya.

Agad niya rin naman itong tinanggap. “Masaya akong pumayag ka sa pakiusap ko,” sagot niya sabay hakbang palapit sa akin upang yakapin ako. Buong akala ko’y ‘yun lang ang gagawin niya ngunit laking gulat ko nang….

“Nakamit ko na ang maging abogado, ang susunod ko namang aabutin ay Ikaw,” bulong niya.

Bar Exams 2024

UST

Civil Law

Main Building

Profile picture of Shane Quiachon

Shane Quiachon

Stories Writer

Shane Quiachon is a Stories Writer at TomasinoWeb. She loves writing stories that the public can relate to. She is interested in writing fictional stories and reading romance books. If not busy, Shane cleans her room while listening to 90s music hits to unwind. She also treats digital note-taking as one of her stress-relieving activities.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*