TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Friday, January 24, 2025

Sixth Man

6 min readAng aking takot ay biglang napalitan ng tuwa dahil sa wakas, may kasama na ‘kong mag training at hindi ko na kailangang umakyat nang mag-isa sa tuwing mage-ensayo ako nang patago.
Profile picture of Johann Coronel

Published 3 months ago on October 31, 2024

by Johann Coronel

SHARE

Main image of the post

(Photo by Selyn Santos/TomasinoWeb)

SHARE

Isa akong graduating basketball player ng UST, sa limang taon ko sa team, masasabi kong marami akong pinagdaanang pagsubok upang makamit ko ang aking pangarap na makapag laro sa UAAP.

At habang kasama dun ang aking usual training, gym, at recovery sessions, masasabi kong ang may pinakamalaking naiambag sa aking galing ngayon ay galing sakanya.

Noong freshman ako, hindi ako madalas pansinin ng aking mga teammates at mga coaches, hindi ko rin alam kung bakit pero sa tuwing mag-aaya ako ng mga scrimmage o magpapatulong sa aking mga drills ay wala silang imik.

Nalungkot at nainis ako sa totoo lang, pero sinabi ko na lang sa sarili ko na mas gagaling ako sa kanila balang-araw.

Dito ko naisip na gumising nang madaling araw para tumakas sa aming team curfew para mag-isa akong makapag training sa QPAV.

Pagtunog ng aking alarm na naka set tuwing alas kwatro ng umaga ay agad akong babangon at maghahanda para ako ay makapag training sa training center sa taas ng QPAV.

Ngunit dahil naka-lock ang mga pintuan nito ay pasimple muna akong dumadaan sa office ng security guard upang aking makuha ang mga susi ng training center, aaminin ko hanggang ngayon di ko pa rin alam kung paano ako hindi nahuli.

Nung una kong punta rito ay natakot ako dahil walang ilaw sa itaas kaya sa tuwing umaakyat ako rito ay napapakanta na lang ako nang malakas para hindi ako lamunin ng aking takot pero nung tumagal ay unti-unti ko na ring nakasanayan ang dilim.

Ginawa kong habit ang aking early morning workout at nung isang araw na yon ay biglang may nakisali sa aking mga secret sessions.

Natakot ako at kinabahan dahil baka may nakahuli saakin at sinundan ako para pagalitan at isumbong sa aming coach.

Dahil madilim at isang ilaw lamang ang nakasindi upang hindi ako mahuli ay agad-agad akong tumigil sa pag-eensayo at nag-impake para tumakas, ngunit pumasok at nakita na ako ng lalaki na ito.

“Pasensya na po kuya, gusto ko lang po makapag training, bababa na po ako wag nyo nalang po sabihin kay coach,” sabi ko noong pumasok siya.

“Huh? Anong sinasabi mo? Magshoshooting lang din ako, tara sumama ka na rin!” sabi nya saakin.

“Ako nga pala si Vincent ng juniors team ng men’s basketball. Nice to meet you!” pakilala nya.

Dahil bago pa lang ako at hindi namin nakakasama makipag training ang mga nasa juniors team namin ay hindi ko ito nakilala sa kanyang mukha at katawan, pero agad kong napansin na siya ay lagpas 6-feet ngunit medyo payat.

Sinabi niya rin sa akin na sikreto lang din siyang nagttraining dahil gusto nyang makapag laro sa senior team pag sya ay naka tungtong na sa kolehiyo.

Ang aking takot ay biglang napalitan ng tuwa dahil sa wakas, may kasama na ‘kong mag training at hindi ko na kailangang umakyat nang mag-isa sa tuwing mage-ensayo ako nang patago.

Dahil kasama ko na si Vincent mag-training ay madalas kaming magtulungan sa aming mga workout, drills at minsan pa nga ay naghahamon pa kami ng one-on-one para malaman kung sino ang mas magaling sa aming dalawa.

Pagkatapos ng aming practice ay naliligo kami ni Vincent para fresh naman kami bago pumasok sa aming mga klase.

Ngunit sa tuwing ako ay natatapos maligo, tila nawawalan ako ng kasama sa paliguan. Nang lumabas ako mula sa shower area ko ay wala na siya ngunit tuloy-tuloy pa rin ang agos ng tubig mula sa shower stall na pinagliguan niya.

Hinahanap ko nang maigi si Vincent ngunit ang aking mga sigaw ay sinasagot lamang ng ingay na lumalabas sa shower na kanyang pinagliguan.

“Lakas ng batang 'to! Masyadong nagmamadali, nakalimutan pang isara yung shower,” reklamo ko.

Pinabayaan ko na lang siya dahil 6:30 ng umaga na rin kami natatapos at si Vincent ay bumabalik pa raw sakanyang dorm sa may Dapitan upang magbihis at mag-almusal para sa kanyang klase.

Matapos ang ilang mga buwan ay napansin ng aking coach na malaki ang aking pinagbago ng galaw ko mula nung sumali ako sa team at dahil dito ay ako ay kanyang pinalaro sa isang UAAP game namin kontra UE.

Kinabahan ako ngunit inisip ko na lang ang aking mga pinractice sa tuwing ako ay nag-eensayo ng madaling araw kasama si Vincent.

Dito ko nakuha ang aking rhythm at pagtapos ng game ay nakuha ko pa nga ang player of the game award.

Hanggang ngayon ay naaalala ko ang napalaking ngiti ni Vincent noong nakwento ko sakanya ang nangyare sa laro na iyon at para lalo lang siyang naganahan mag-training mula non.

Tuloy-tuloy ang aming training ni Vincent at tumaas din ang aking playing time para sa team hanggang sa ako ay nasama na nga sa starting lineup.

Mas naging mabait na rin ang aking mga kuya, pinapasama na nila ako sa mga drills nila, at paminsan-minsan pa nga ay inaaya nila ako mismo na gumala o kumain kasama sila tuwing rest day namin.

Isang araw ay sinabi ng aming coach na magkakaroon kami ng joint training kasama ang aming junior team, agad akong na-excite dahil makakasama ko si Vincent sa training.

Excited na excited din si Vincent ng malaman nya ito habang kami ay nag-eensayo nang maaga dahil maipapakita nya na rin ang kanyang mga galaw sa senior team.

Hindi kami masyadong nag-ensayo nang umaga na iyon dahil nga magkasama ulit kami mamaya kaya agad kaming naligo, at parang hindi pa rin ata natututo ang batang ito dahil iniwan nya na namang naka bukas ang shower.

Matapos niyang maiwan ulit ito ay nagtaka na ako, nasabihan ko naman na siya nung isang araw, at wala pa namang 6:00 ng umaga.

Bakit kaya biglaan nalang nawawala tong batang ito? Ang nakakatawa pa ay hindi ko naririnig na wala na pala siya sa kanyang shower stall. Ayos sa ninja moves itong bata na 'to.

Dumating ang oras ng aming joint training noong gabi at dito kami binigyan ng assignment ng aming coach na maghanap ng pairing sa junior team upang mag one-on-one drills, at dahil nga magkaibigan na kami ni Vincent ay hindi na ako nagdalawang-isip na piliin siya.

Noong nakapili na kami ng aming partner, ay tinawag ako ng aming team captain.

“Bakit wala ka pang partner? Maghanap ka na!” ang kanyang sinigaw.

“Ito na meron na oh, di nyo ba nakikita kuya? Ang tangkad tangkad na nga eh,” aking sinigaw pabalik.

Paglingon ko ay nawala nga si Vincent, napa-isip na naman ako kung saan ito pumunta pero upang makaiwas sa gulo ay sinabi ko na lang na nagbanyo siya.

Lumipas ang ilang minuto at bumalik nga si Vincent na umihi nga lang. Tinawag ko siya palapit at dito na namin sinimulan ang aming training

Sa aking saya na makasama si Vincent ay hindi ko napigilang mapatawa habang kami ay gumagawa ng mga drills.

Maya-maya habang kami ay nagttraining ay nagtatawanan na rin ang mga kasamahan ko, wala daw akong kasama mag-drills at kinakausap ko lang daw sarili ko.

“Huy sinong kinakausap mo riyan? Nilamon ka na ata ng sistema boy!” Sinabi ng aking teammate.

“Anong sino? Si Vincent kapartner ko rito, kanina pa kami gumagawa ng mga drills, ‘di nyo ba kami nakikita?” aking sinabi pabalik

Matapos ko banggitin ang pangalan na “Vincent” ay mistulang nabura ang mga ngiti at napa tahimik ang tawa ng mga tao sa paligid. Ngunit maya maya, bumalik ang lahat sa normal at hindi na kami pinansin ni Vincent hanggang sa natapos ang aming pag-eensayo.

Dumating ang susunod na umaga at dumikit pa rin ako sa aking scheduled na training ng madaling araw.

Mas maaga akong nagising sa usual ko na gising kaya nauna na kay Vincent umakyat. Llaking gulat ko nang hindi ko siya nadatnan dito.

“Nasaan yun?”

Dahil ayaw kong sayangin ang araw ay sinimulan ko na ang aking usual workout at shooting routines, lalo na’t may parating kaming laban kontra La Salle sa susunod na araw.

Maaga uli akong natapos mag-ensayo at hindi pa sumisikat ang araw kaya’t madilim pa rin noong lumabas ako ng gym para maligo sa shower room sa tapat.

Paglabas ko ng shower room ay may nakita akong tao na parating, “si Vincent siguro yun."

Kinilabutan ako nung team captain pala namin ang pumanhik, dito nya sinabi sinundan niya ako matapos niya akong mahuli na bumangon at lumabas ng aming dorm kaninang madaling araw.

“Anong ginagawa mo rito?” tinanong niya sakin.

“Matagal ko nang ginagawa ito kuya, nag-ttraining ako tuwing umaga tapos may sumasama rin saaking taga junior team na si Vincent,” sabi ko.

“Di ko alam kung baliw ka pero sigurado ka bang tao yang nakakasama mo mag-ensayo?” kanyang tinanong pa na parang pagalit at natatakot.

Napakamot na lang ako sa’king ulo.

“Di mo ba alam?”

“Yung alin kuya?”

“Kasama ko si Vincent sa junior team noong high school ako. Wala na siya, matagal na,” pabulong na sabi ni kuya.

Tumayo ang aking mga balahibo at tila nanlamig ang aking pakiramdam matapos itong sabihin ng aming kapitan.

“Seryoso ka ba kuya!?” tanong ko nang may takot sa'king sistema.

“Oo, ginagawa niya rin yung ginagawa mo ngayon, kaya mo siguro nakakasama.”

“Ano bang nangyari sakaniya, kuya?”

“Pagkatapos niyang mag training naliligo rin siya riyan sa shower room nang madulas siya at mabagok ang ulo. Nakita na lang siya ng isang cleaning staff nung bubuksan niya sana yung room.”

Habang ako ay nanginginig sa takot kakatanong sa aming team captain sa nangyari kay Vincent ay biglang may narinig kaming bumukas na shower sa loob

Pagkatapos ay may narinig kaming yabang ng mga basang paa.

Nagtinginan kami ng aking kuya at dito ko na naramdaman ang malamig na hininga at basang kamay na humawak sa likod ko.

Paglingon ko ay nakita ko ang maputlang katawan ni Vincent. Nakangiti ito saakin habang ang dugo mula sa kanyang ulo ay umaagos.

“Tara mga kuya, game na!” aya niya.

horror stories

basketball

sixth man

one-on-one

Profile picture of Johann Coronel

Johann Coronel

Sports Editor

Johann Coronel is the Sports Editor of TomasinoWeb and a sophomore journalism student from the Faculty of Arts and Letters. His obsession with different kinds of sports has given him the courage to explore the world of writing, and tell the world about the beauty of sports. Although currently practicing as a writer, Johann also has aspirations of being a professional tennis player or a sports analyst one day. When he is not writing or studying, he is constantly training and playing tennis. He also loves to watch clips of his idols like Jannik Sinner and Carlos Alcaraz in hopes of beating them someday. Apart from playing tennis, Johann also loves playing video games, and traveling. From time to time, he also wonders how he can be a TOPGUN pilot.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*