"Kahit siguro ang langit magdidiwang kapag pumasa ako." Yan ang mga katagang ibinulong ko sa aking sarili pagtapos ng exam.
Mahigit isang minuto rin akong tumulala matapos ipasa ang answer sheet, nag-iisip, nagdarasal at nagluluksa.
Nag-iisip, sa kung ano ba talaga ang dapat kong sinagot. Nagdadasal, sa Maykapal na sana magkaroon ng himala at tumama ang mga sagot ko. Yun ay baka sakali lang naman. Nagluluksa, para sa scholarship na tila malapit nang pumanaw. Sumalangit nawa.
Marami pa pala ‘kong gagawin. Parang gusto kong magkape.
Sakto at mabigat ang termos. Tinaktak ko ang isang stick ng kape sa tasa at ibinuhos ang mainit na tubig. Yung sakto lang.
Hindi naman ako matalino. Hindi rin bobo. Saktuhan lang. Yung tipong may ibubuga lang kapag talagang nag-aral.
Pero siguro nga, hindi talaga araw-araw ay araw ko.
Hindi talaga ‘ko magaling magtimpla pero salamat naman at okay ang lasa.
Eto na nga at pumasok ako ng silid dala ang kakarampot na ni-review para sa major subject. Hindi na kaya ng lumilipad kong isip at bumabagsak kong mata na aralin ang dalawang buwang dami ng mga leksyon kagabi, lalo na’t pagod din ako sa pagiging student assistant.
Ilang minuto ang lumipas at medyo nakakapaso pa rin ang init ng kape ko. Kaunting hintay pa.
Dalawang quiz na rin pala ang nabagsak ko at isang recitation ang na-65 ko. Babawi sana ‘ko ngayong Prelims kaso…
Unang item, alam ko nang may isa na agad akong mali.
Pangalawa, sinuwerte at kasama ‘yon sa ni-review.
Pangatlo, hindi ako sigurado pero sana tama ang hula ko.
Apat hanggang limampu ay ipinagpasa-Diyos ko nalang.
"Pass your papers" sabi ng professor namin dahil tapos na ang isang oras. Wala nang review-review ng sagot, nagpasa na 'ko.
Balak ko pa sanang bawiin ang papel ko pero huwag na lang. Baka wala nang matira ‘pag binago ko pa.
Umupo nalang ako at tumulala.
Pudpod na pala ang kuko ko sa kakangatngat habang nagsasagot. Pudpod na rin ang utak ko sa pagpupumilit na may maisagot.
Kahit sa horror movies ay hindi ako pinagpapawisan at kinakabahan ‘di gaya ng pagsagot sa mga tanong na wala akong alam.
Lumabas ako ng kwarto na tanggap ko na. Balisa? Oo. Kinakabahan? Medyo.
Ngayon palang dinig ko na ang sermon ng aking nanay at ang dabog ng aking tatay. Naiintindihan ko naman dahil sila ang nagbibigay ng baon sa ‘kin sa araw araw.
Takot akong bumagsak sa major exam, sino ba namang hindi? Lalo na 'pag may grades kang kailangan i-maintain para sa scholarship.
"Bawi nalang sa Finals."
Makakabawi pa ba? Sana. Siguro naman maiipon pa ang swerte ko bago mag-Finals.
Ay talaga naman! Kahit siguro ang langit magdiriwang 'pag talagang nakabawi ako.
Nako lumamig na pala ang kape ko.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment