TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Tuesday, April 29, 2025

Liham para sa isang batang Tomasino

3 min readHindi ko muna sasabihin sa iyo kung ano ang mangyayari, pero ito lang ang ibibigay ko sa'yo: Lahat ng pagdadaanan mo ay may dahilan.
Profile picture of Larraine Castillo

Published over 1 year ago on August 17, 2023

by Larraine Castillo

SHARE

Main image of the post

(Litrato ni: Larraine V. Castillo/TomasinoWeb)

SHARE

Raine, kumusta ka na? Pagbati mula sa bersyon mo mula sa 2023. 2020 pa lang para sa’yo ngayon at wala ka pang ideya kung ano haharapin mo sa kinabukasan.

Taray naman ng hitsura mo ngayon! Nag-gradweyt bilang batch salutatorian kahit nagkapandemya, may malaki na kumpiyansa, at nananatili pa rin ang pangarap para sa sarili na kasing-taas ng bundok.

Minsan, gusto kong bumalik sa’yo. Ikaw ay isang blanko na papel, inosente at ligtas sa kasalanan. Gusto kong ilipat sa’yo lahat ng alam ko ngayon para wala ka nang pagdadaanan na dalamhati o pagsisisihan.

Gayunpaman, hindi pareho ang buhay sa hayskul at ang buhay sa kolehiyo. Mayroon kang bagong simula muli. Wala naman ding makakatanggi na sa ibang aspeto, ang dali-dali ngayon sa panahon ng teknolohiya kung kailan hindi mo kailangan gumising nang maaga para lang makapasok sa klase. Kailangan lang na malakas ang tunog ng alarma na kinaiinisan mo tuwing umaga.

Akala mo na gagawin mo lang kung ano ang gumana para sa’yo nang ilang taon at makukuha mo rin ‘yong pinapangarap mong resulta, ngunit hindi ito madali. Bago na ang lahat – kapaligiran, kaklase, at kultura.

Harang talaga ang mga klase kapag hindi kayo nagkikita ng mga taong dapat nakakatrabaho mo, ‘noh? Iniisip mo pa lang siguro ang pagpasok sa eskweluhan gamit ng kompyuter lamang, nanghihinayang ka na dahil nararamdaman mong nasisira ng paunti-unti ang identidad mo bilang estudyante na nakakabit sa’yo halos buong buhay.

Bago ka sumugal sa gyera ng kolehiyo, dapat patalasin mo ang iyong mga espada at ihanda ang pinakamahiwaga mong armas – ang mga selula ng utak dahil madudurog at madudurog din sila.

Huwag mong pakawalan ng kasiyahan at motibasyon para sa darating na taon. Kasing bilis ng hangin, papalitan ‘yan ng pagdududa sa sarili at ang paborito nating lahat, impostor’s syndrome. Ang mga pinakamasamang emosyon na puwedeng maranasan ng isang tao ay pagdadaanan mo rin. Wala talagang paraan para iwasan natin iyon. Minsan, ibibigay mo lahat ng iyong makakaya, pero tatanggap ka ng iskor na parang sumisigaw sa’yo na hindi ka pa rin sapat.

Kakailanganin mong gawin lahat ng mga bagay na kinatatakutan mo bilang isang mahiyaing tao. Video call kasama ng mga kaklase na hindi mo pa nakikilala, pakikipagusap sa mga pasyente at ang kanilang mga pamilya, at pagsusuri ng mga kaso sa ospital na dating nakikita mo sa telebisyon lamang.

Subalit, wala dapat konklusyon sa una hangga’t wala ka pa sa aktwal na klinika o ospital. Wala naman talagang perpekto sa una, at hindi naman kumpleto ang iyong pag-aaral kapag nasa loob ka lang ng apat na pader ng silid-aralan.

Huwag kang mag-alala kapag nakikita mong nagtatagumpay ang mga kasabay mo na parang walang kailangan na kahit anong sikap. Huwag kang magulat na hinahamon ka para lang makahabol sa kanila, kahit ibang tao ang humahabol sa'yo dati lang. Gusto kong tandaan mo lamang na may dahilan kung bakit nandoon ka sa posisyon mo. Kayang-kaya mong magtagumpay tulad nila, kailangan lang siguro ng onti pang panahon. Malay mo, baka sila naman ang magugulat sa’yo, ngunit hindi mo malalaman hangga’t hindi mo pa nasusubukan.

Malalaman mo rin na sobrang hirap makipagkaibigan lalo na sa harang ng teknolohiya. Parang nag-iisa ka lang sa napakalaking mundo ng kolehiyo dahil hindi mo na kasama ang mga kaklase at kaibigan na kilala mo simula noong bata ka. Nakakatakot, pero ang pangako ko sa'yo ay mahahanap mo rin ang mga tao na sasamahan ka sa mga kalokohan mo at tutulungan kang makaligtas sa digmaan.

Sa kabila ng lahat na ito, kahit gusto mong bumalik sa kaginhawaan na naranasan mo noong hayskul, gusto ko lang malaman mo na hindi ka mag-uunlad kung hindi ka umalis doon. Kahit komportable ka, kailangan mong pagdaanan lahat ng mga ito para makarating ka kung saan ka ngayon: isang Tomasinong estudyanteng nars.

Ang bigat bigat ng mga hamon mo ngayon at baka hindi mo makikita ang ilaw sa dulo ng tunel ng ilan pang buwan, ngunit nandoon lang iyan at hinihintay ka na.

Hinding-hindi ka nag-iisa. Hindi magiging isang malaking pagdusa ang apat na taon sa Narsing. Gagaling ka sa lahat – sa komunikasyon, sa pagsusulat, at sa pagiging lider. Ituloy mo lang iyan, at magugulat ka kung paano magiging pabor sa iyo ang mga pangyayari. Magugulat ka kung paano pinalitan mo ang iyong lumang balat upang tanggapin ng buong-buo ang buhay sa kolehiyo.

Hindi ko muna sasabihin sa iyo kung ano ang mangyayari, pero ito lang ang ibibigay ko sa'yo: Lahat ng pagdadaanan mo ay may dahilan.

Napakasakit, nakakadurog ng puso, ngunit mahalin mo ang pagbabago. Ganoon ka mananalo.

FRESHMAN

TOMASINO

ESTUDYANTE

NARS

KOLEHIYO

Profile picture of Larraine Castillo

Larraine Castillo

Blogs Writer

Larraine Castillo was a Blogs Writer at TomasinoWeb. From writing poetry for her high school paper to doling out life advice for her university’s publication, you won’t catch Larraine dead without some passionate ideas that she probably thought of on a random Tuesday afternoon. Larraine loves listening to Taylor Swift, eating ramen every chance she gets, dancing her heart out, and traveling the world.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*