Bumawi ang UST Golden Tigresses sa mapait na pagkatalo sa semi-finals laban sa DLSU Lady Spikers nang kanilang pataobin ang Perpetual Help Lady Altas sa tatlong sets, 25-15, 25-22, 25-15 upang masungkit ang 1-0 lamang sa battle-for-third serye ng Shakey's Super League, noong Miyerkules, August 9, sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan.
Nagpamalas ng mga pamatay sunog na opensa laban sa Altas si sophomore Regina Jurado na nagtala ng 19 puntos sa laro, habang nananatiling kahanga-hanga pa rin ang naging performance ng rookie na si Angeline Poyos na nag-ambag ng 13 puntos.
Sinimulan ng UST ang nagliliyab nilang opensa sa unang set nang makalamang sila agad ng 7-3 na nagpatuloy hanggang makuha nila ang set na may malaking pagitan, 25-15.
Mainit naman ang laban sa ikalawang set nang lumamang pa ang Lady Altas sa iskor na 19-16, ngunit bumawi naman ng 9-3 run ang Tigresses at tinapos ang set sa iskor na 25-22 upang makalamang ng 2-0 sa laro.
Pinagpatuloy ng UST ang kanilang mainit na atake sa ikatlong set na pinangunahan ni Jurado upang umiskor ng 10 puntos sa set lamang na iyon. Natapos ang set sa iskor na 25-15 upang magwagi sa laro, 3-0.
Nang tanungin si Coach Kung Fu Reyes ukol sa kanilang nakaraang laro laban sa DLSU, nasabi naman niyang masaya siya sa kanilang naging “performance” ngunit kaniyang nabanggit naman na kailangan nilang matutong tumapos ng laro na agad namang napakita sa larong ito laban sa UPHSD.
“Ini-instill lang namin yung disiplina (ng team). Unti-unti na naming binubuo yun para sa mga players,” wika ni Reyes.
Mangyayari ang Game 2 ng serye sa Sabado sa parehong venue.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment