TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Saturday, April 19, 2025

Nakakakaba, handa ka na ba?

5 min readMatagal kong nilaban ang kursong ito para lang hayaan ang kaba na ilugmok ako at sirain ang pangarap na matagal ko nang inukit sa mga alapaap.
Profile picture of Shane Quiachon

Published 6 months ago on October 09, 2024

by Shane Quiachon

SHARE

Main image of the post

(Photo by Shane Quiachon/TomasinoWeb)

SHARE

Isang linggo na lang ang natitira…

Pakiramdam ko’y kalahok ako sa isang staring contest habang nakaharap sa kalendaryong nakasabit sa likod ng aking pinto. Kanina ko pa tinititingan ang mga numerong magdidikta ng mga nalalabing araw. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko…kung makakapante ba ako dahil may isang linggo pa o kakabahan dahil isang linggo na lang ang palugit ko bago tapusin ang mga natitirang tasks na nakatambak pa sa aking tracker.

Kung tutuusin nga’y parang ukay-ukay lang din ang mga gawain ko dahil kung hindi man sari-sari, sangkaterba naman ito sa dami.

Nakakalula. Hindi ko alam kung ano ang uunahin. Dugdug…dugdug..Heto na naman ang puso kong gustong kumawala mula sa loob. Hindi ba dapat ay katamtaman lang ang bilis nito ngunit bakit ang akin ay parang nakikipagkarera sa daan-daang mga sasakyan sa kalsada? Kasabay ng pagtibok nito ay ang pagdaloy ng lamig sa aking sistema, hinahanap ang sulok na maaari nitong pasukan upang sakupin ako ng tuluyan. Dahan-dahan ding tumutulo ang malamig pawis mula sa aking ulo pababa sa aking leeg na nagdudulot ng aking pagkabalisa dahil alam ko na may mali sa mga nangyayari.

Imbes na harapin ang laptop at simulan ang mga gawain ay mas pinili ko na lamang na bumalik sa aking kama at humiga upang magmuni-muni. May mga araw naman talagang ganito na mas pinipili kong takasan ang lahat kaysa harapin ito ng may pag-aalinlangan. Siguro ‘yung iba kaya nila dahil matapang sila eh paano naman ako na di hamak ay isang langgam lamang sa mundong ito? Kailangan ko pang ipalagay at kapain ang sarili kung kaya ko na bang harapin ang hamon. Mas mabuti pa sigurong itulog ko na lang ito kaysa pilitin ang sarili.

Isa pa lang ang nasisimulan pero ubos na ako, hindi na kaya pang mapiga.

Kusang tumulo ang luha mula sa aking mga mata. Ang aga-aga pero tinatantiya ko na kung aabot ba ako mamayang gabi o sa mga susunod pa na araw. Hindi ko na rin magamit ang kumot na niregalo ni mama noong pasko dahil hindi na nito kayang tapalan ang naipong lamig sa aking katawan. Ultimo ang mga paborito kong kanta ay hindi na ako kayang pakalmahin dahil pilit na silang itinatanggi ng aking tainga at isipan. Tila ba’y isa na lang ang namamayani sa aking utak at ‘yun ay ang prelims exam, ang gumugulo sa aking sistema.

Hindi ko na rin namalayan na lumipas na ang isang araw pero wala pa ring nagbago sa akin. Pinapangunahan ako ng pangamba ngunit wala naman akong magagawa kundi harapin ang mga gawain na hindi ko na alam paano pa gagawin. Kanina ko pa tinitingnan ang laptop kong nakaunay sa charger, mga readings at highlighters na nagkalat sa aking lamesa, basong walang laman, basang mga tissue, at pudpod na katingko. Wala na rin akong balak pang ligpitin ang mga ito dahil sila pa rin naman ang kaharap ko mamaya pag-uwi ng bahay.

Magulo, ito ang naging takbo ng mga araw ko bago sumapit ang exam.

Kung tutuusin, wala naman talaga akong nilatag na plano sa prelims, hindi gaya noong una at pangalawang taon ko sa kolehiyo na dalawang linggo bago sumapit ang exam ay nakatala na sa utak ko ang balangkas ng aking mga aaralin. Malayong-malayo sa dating ako.

Hirap na ring tanggapin ng utak ko ang ingay na naririnig ko sa aking mga kaibigan sa tuwing palabas na kami ng campus. Marahil ay alam na rin nito ang magiging usapan kung kaya’t sumisikip ito sa tuwing nagpapatong-patong na ang boses ng aking mga kasama. Para nga akong ligaw na kaluluwa kapag kasama silang naglalakad, may sariling mundo. Hinahayaan ko na lang sila na magbatuhan ng mga tanong at sagot habang ako’y patuloy lang sa paglalakad.

*“Nagbago raw schedule ng exam sa……”

“Inuna ko pa naman aralin ‘yun…hays”

“Lumabas na raw kanina ‘yung pointers sa course ni Ma’am…” *

Lahat ng mga lumalabas sa kanilang mga bibig ay tumatagos lang din sa aking mga tainga, hindi dumederetso sa isipan. Mas lalo lang akong maguguluhan kung pilit kong isisiksik ang mga usapan nila sa aking utak. Isa pa, ubos na ubos ako ngayong araw dahil bumagsak lang naman ako sa news test kaya wala na akong panahon para makipagtalastasan pa. Bawi na lang talaga sa exam.

“Ikaw naman, Saige. May mga reviewer ka na ba?” tanong ni Anika kaya agad akong napahinto sa paglalakad.

Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko o kung sasagutin ko ba siya.

Simple lang naman ang tanong niya pero hindi ko mahanap ang sagot. Maaraw naman ang panahon pero pakiramdam ko’y tinamaan ako ng kidlat. Biglang nagsabay ang paninikip ng aking dibdib at sikmura. Damang-dama ko na rin ang panlalamig ng aking mga kamay at talampakan, nangnginig pa nga. Oo nga naman, bakit wala pa rin akong reviewer gayong sa Miyerkules na magsisimula ang exam week. Nagiging pabaya na ba ako? Hindi naman ako ganito noon. Achiever ako eh, lahat ay kinakalkula ko kahit mahina ako sa ganoong usapin. Baka kailangan ko nang magising? Baka kailangan ko nang simulan muli ang pagtatantsa.

Nilingon ko siya dahil nasa likod ko siya, ako kasi lagi ang nauuna sa paglalakad.

“Hindi ko pa nagagawa, pero sisimulan ko na mamaya,” nakangiting sagot ko sa kanya.

Tila ba’y gumaan ang lahat, unti-unting nawala ang pasan kong krus, naririnig ko na rin ang huni ng mga ibon, tumatagos na rin ang init ng araw sa aking balat, nagiging malinaw na rin sa aking isipan ang mga usapan. Hindi ko maipaliwanag ang lahat pero isa lang ang natitiyak ko, tao na ulit ako.

Unti-unting bumagal ang aking mga hakbang, hinihintay na maabot ng kanilang mga paa ang pwesto ko nang makasabay ako sa kanilang agos….na kanina ko pa pilit na iniiwasan. Buong akala ko’y makabubuti sa akin ang piliing mapag-isa, magtago, at lumayo sa mga taong nasa paligid kapag oras na ng delubyo. Pinili kong lunurin ang sarili sa mundo ng mga akala.

“Salamat sa paalala,” sabi ko kay Anika nang marating namin ang Gate 2. Puno ng pagtataka ang kanyang mga mata nang tumitig siya sa aking mga mata.

Magsasalita na sana siya nang biglang may bus na dumaan kaya agad akong kumaway sa kaniya. Bago ako umakyat sa bus ay nilingon ko siya. “Ingat ka pauwi! Good luck sa atin next week!”

Wala rin akong ideya kung paano nabigyan ng boses ang mga katagang sinabi ko sa kanya. Sa palagay ko’y ginising niya ang diwa kong malapit nang sumalangit. Baka nga…

Baka nga, mas mabuting makaramdam ng kaba kaysa mamanhid at wala ng madama.

Heto na naman ako, kaharap ang listahan ng mga aaralin at gawaing kailangang tapusin bago sumapit ang lunes. Pansamantala akong tumigil sa pagtipa upang silipin kung ilan pa ang aking hahabulin. Nagsisimula nang lumabo ang aking paningin kaya marahan kong sinampal ang sarili, hindi lang para magising mula sa antok kundi para na rin matauhan sa lahat ng bagay.

Ang tanging ilaw ko lang ngayon ay ang liwanag na nagmumula sa screen ng laptop. Hindi na rin sumagi sa aking isipan na buksan pa ang bentilador dahil nabalot na ng lamig ang aking katawan. Oo, nanlalamig ako dahil sa kaba at taranta. Alam kong malabo na itong mawala sa aking sistema, susulpot pa rin ito kahit anong iwas ko. Ang maaari ko na lang gawin ay harapin ito ng buong loob at sumugal kahit nababalot ng takot dahil wala rin naman akong choice.

Bilang na lang ang araw ko, hindi pwedeng magpetiks-petiks ako rito. Matagal kong nilaban ang kursong ito para lang hayaan ang kaba na ilugmok ako at sirain ang pangarap na matagal ko nang inukit sa mga alapaap. Oo, magiging mahirap ang mga susunod na araw pero alam kong may kapalit din ito, ang kaginhawaan at kapayapaan.

Biglang nabuhay ang aking katawang lupa nang tumunog ang aking alarm. Linggo na. Isa lang ang ibig sabihin nito, kailangan ko nang tapusin ang aking mga nasimulan. Wala nang puwang ang pangamba at pagdududa sa mga sandaling ito. Kailangan ko nang makipagsabayan sa mga kamay ng orasan. Handa na ba ako? Siguro? Ewan ko.

Isa lang ang natitiyak ko, mayroong mga tanong na sa dulo lang mabibigyan ng kasagutan.

Prelims

College

Exams

Profile picture of Shane Quiachon

Shane Quiachon

Stories Writer

Shane Quiachon is a Stories Writer at TomasinoWeb. She loves writing stories that the public can relate to. She is interested in writing fictional stories and reading romance books. If not busy, Shane cleans her room while listening to 90s music hits to unwind. She also treats digital note-taking as one of her stress-relieving activities.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*