TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Saturday, April 19, 2025

Tagong Huramento

5 min readTila ba’y isa akong tagahanga na handang makipagsiksikan sa madla, maghintay sa gitna ng walang kasiguraduhan, at tiisin ang init ng araw at buhos ng ulan makita lang ang aking iniidolo. Kahit makipag patintero pa ako sa mga bantay ay gagawin ko masilayan at malapitan ko lang siya.
Profile picture of Shane Quiachon

Published 7 months ago on September 14, 2024

by Shane Quiachon

SHARE

Main image of the post

(Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb)

SHARE

Kaunti lang naman ang mga hahakbangin ko palapit sa kanya pero hindi ko pa rin magawang ikilos ang mga paa ko,dahil pakiramdam ko’y libo-libong dipa ang layo naming dalawa.

Heto ako, nakasandal sa poste ng Gate 2 sa may waiting shed habang sinusubukan kong hulihin ang pigura niya gamit ang lente ng camera ko, kung saan nakaimbak pa rin ang mga retrato niya na kuha ko noong kami pa. Nakatalikod siya mula sa pwesto ko kaya’t hinihintay ko ang pagharap niya sa direksyon ko.

Nangangalay na ako pero walang-wala ‘yon kung makikita ko naman siyang muli….

Tila ba’y isa akong tagahanga na handang makipagsiksikan sa madla, maghintay sa gitna ng walang kasiguraduhan, at tiisin ang init ng araw at buhos ng ulan makita lang ang aking iniidolo. Kahit makipag patintero pa ako sa mga bantay ay gagawin ko masilayan at malapitan ko lang siya.

Kasabay ng kanyang pagtagilid ay ang sandaling pagtigil ng ikot ng aking mundo. Tumahimik ang paligid at naging malabo na ang ibang tao sa aking paningin, maliban sa kanya. Para akong binubulungan ni Tadhana na sa kanya ko lang ituon ang aking buong atensyon, na siya lang dapat ang nakikita ng aking mga mata at wala nang iba pa.

Kitang-kita ko mula sa aking lente ang pagtaas-baba ng dibdib niya. Nanginginig pa ang kanyang mga kamay habang tinatanggap ang inaabot na rosaryo mula sa kaniyang mama. Hindi rin siya matigil sa paghagod ng mahaba niyang buhok na dati kong tinatali sa tuwing nagbabasa siya ng mga case studies. Ngunit may isang bagay na nakasabit sa leeg niya ang mas pumukaw sa aking atensyon at….puso.

Suot niya pa ang niregalo kong scale of justice na kwintas.

Hindi ko na rin napagilang manginig. Pakiramdam ko’y binabalot ng lamig ang aking buong katawan na ultimo ang shutter button ay hindi ko na maramdaman. Ngunit naglaho ang lahat ng kaba at panlalamig nang bigla na siyang nagpaalam sa kanyang mga magulang, kapatid, at kaibigan. Kailangan ko nang kumilos.

Kasabay ng kanyang paghakbang papunta sa gate ay ang paglabo ng aking lenteng ginagamit.

“Pindutin mo na.”

Bago pa magdilim ang lente ay ipikinit ko na ang aking mga mata.

Unang click, siya na nagbabasa ng libro habang nakayuko.

Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb

(Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb)

“Oh, nakuhaan mo na ako?,” tanong niya sa akin habang nakatutok ang kanyang mga mata sa binabasa niyang Taxation Law Reviewer.

Hindi ko napagilang matawa sa kanyang tanong. Sa totoo lang, nahihiya pa nga akong tumawa dahil baka makaistorbo ako ng mga law student dito sa Civil Law Section ng library. Sa sulok ng silid ko siya niyayang pumwesto para malaya ko siyang makunan ng retrato.

“Opo, Attorney. Kahit ano pang anggulo mo’y guwapo ka pa rin sa paningin ko,” bulong ko habang itinututok pa rin ang camera sa kanya.

Napailing na lang siya sabay umayos ng upo. Pinagpagan niya pa ang kanyang uniporme para lang masiguro na maayos ang kanyag itsura.

“Sige nga, isa pa. ‘Yung nakaharap naman ako sayo.”

Pormal siyang umupo at seryosong tumingin sa akin.

“1, 2, 3, smile!,” bulong ko sabay pindot.

Pangalawang click, siya na nakatulog habang nagsusulat.

Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb

(Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb)

“Hay, nako hanggang sa pagtulog nakasimangot pa rin,” kanina ko pa siya pinagmamasdan pero hindi man lang nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha. Siguro napapanaginipan niya na ‘yung mga kasong isinusulat niya kanina sa index card.

Lord, ilayo mo ang law student na ito sa bangungot, please…

Nagkalat din sa lamesa ang mga libro at kaso na kanina niya pa binabasa. Mahilig naman akong magbasa pero hindi ko ito maintindihan kaya nga hanga rin talaga ako sa tibay niya. Hindi ko alam kung paano niya nakakayang pagsabayin sa kanyang utak ang mga kaso at librong binabasa niya araw-araw. Pero kahit anong tibay niya, may mga panahon pa rin namang pinanghihinaan siya. Normal naman iyon diba? Ang maging mahina pansamantala? Ang mahalaga ay pinipili mong bumangon upang tapusin ang laban na matagal mo nang sinimulan.

Natigil lang ako sa pag-obserba nang gumalaw siya. Kuhanan ko kaya siya habang tulog? Para naman may compilation siya ng “puyat moments” niya kapag naging abogado na siya.

Kinuha ko sa lamesa ang camera na ginamit ko rin sa coverage kanina. Zinoom ko ito sa kanyang mukha. Para akong nakatunghay sa isang anghel na handa akong dalhin sa langit kahit na isa akong makasalanang nilalang, mailayo lang ako mula sa gulo at kasamaan ng mundo at maiparamdam lang sa akin ang kapayapaan na tanging siya lang ang makakabigay.

“Sana sa bar exam pics mo nakangiti ka na,” bulong ko, “1, 2, 3!”

Pangatlong click, siya habang nakasuot ng toga.

Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb

(Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb)

“Love, bagay ba sa akin?,” tanong niya habang sinusukat ang toga sa harap ng salamin. Kanina pa inooverthink kung babagay sa kanya ang suot.

Hindi ako kumibo sa kanyang tanong. Ang tanging ginawa ko lamang ay pagmasdan siya na suot ang apat na taong pinaghirapan niya. Basta ang alam ko lang ay bago ka pa tumuntong sa unang araw mo sa law school ay nakatakda na ‘yang bumagay sayo.

Hinayaan ko lang siyang tumalak sa harap ng salamin. Ibibigay ko sa kanya ang pagkakataon na namnamin ang mga umaapaw na emosyon na nadarama niya ngayon. Matagal din ang panahon na kanyang hinintay para sa tagpong ito.

Alam kong kakayanin mo ang bar exams. Kung kailangang paluhod akong maglakad papunta sa altar ng Santisimo Rosario ay gagawin ko madinig lang ng Diyos ang panalangin ko para sa pangarap mo.

“Love,” tawag niya sa akin kaya natigil ako sa aking mga iniisip.

Bago pa ako makasagot ay inunahan na niya ako. “Tatlo lang ang regalong gusto kong matanggap mula sayo: ang samahan mo ako na umakyat sa stage, ang ihatid mo ako sa gate sa bar exams, at sabayan mo akong alamin ang bar exam results,” seryoso niyang hiling.

Hindi ako mangangako sa ngayon, pero alam ko sa sarili kong tutuparin ko ang kahilingan mo nang patago.

“Ito naman! Ang aga mangontrata,” nilapitan ko siya at marahang hinila papunta sa gilid ng bintana.

Kinuha ko ang camera mula sa aking bag at agad itong binuksan. “Give me your best pose, love!” itinutok ko sa kanya ang camera, “1, 2, 3! Say, future attorney!”

Pang-apat, pang-lima, pang-anim click, hindi ko na nabilang.

Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb

(Artwork by Angeline Mae Villanueva/TomasinoWeb)

Naidilat ko na ang aking mga mata.

Agad kong binaba ang camera nang hindi ko na siya nakita mula sa lente. Nakapikit lang ako habang kinukuhanan siya dahil ayaw kong masaksihan ang kanyang pag alis, ang paglaho niya mula sa aking paningin.

Matagal na akong campus photojournalist pero sa dami ng pinagdaanan ko habang kumukuha ng mga retrato, ito ang pinakamahirap sa lahat. Para akong tinanggalan ng lakas, hindi ko alam kung makakaya ko pa bang mag-ikot mamaya para sa coverage.

Hindi ko man siya naihatid sa gate pero nandito pa rin naman ang presensya ko, wala nga lang siyang ideya. Iisa pa rin ang lupang tinatapakan naming dalawa kahit wala ako sa kanyang tabi.

Tinupad ko pa rin naman ang hiling niya diba?

Ang mahalaga na lang sa akin ngayon ay makita ang aking pinangarap na tinutupad ang sarili niyang pangarap. Mas mabuti na rin na hindi ko na hawak ang kanyang puso nang sa ganoon ay maibigay niya ito sa bayan nang buo.

Muli kong binuksan ang camera para tingnan ang kanyang mga retrato. Ang una at pangalawang ay kalahati lang ng kanyang mukha ang nakuha ngunit pagdating sa pangatlo ay bahagyang nakatagilid na ang mukha niya hanggang sa pang-apat ay nakaharap na siya, nakangiti at ang mga mata’y mapungay.

Hindi ko na nasilip pa ang ibang kuha dahil nag-vibrate ang aking cellphone.

From: Lex

Salamat dahil nagpakita ka.

Bar exams

camera

photojournalist

Profile picture of Shane Quiachon

Shane Quiachon

Stories Writer

Shane Quiachon is a Stories Writer at TomasinoWeb. She loves writing stories that the public can relate to. She is interested in writing fictional stories and reading romance books. If not busy, Shane cleans her room while listening to 90s music hits to unwind. She also treats digital note-taking as one of her stress-relieving activities.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*