Sa pakikipagpanayam sa isang guro mula sa Departamento ng Filipino ng Unibersidad ng Santo Tomas-Kolehiyo ng Edukasyon, inilarawan niya ang tamang pagsulat ng karatulang may "O" o pagsulat mula sa ibang alpabeto ng “C. Gonzales Drive” at “O. Osmeña Drive” sa Baybayin, matapos umani ng batikos mula sa social media noong nakaraang Linggo, ika-28 ng Hulyo.

(Retrato mula sa Facebook page ng The Flame)
Ibinahagi ni Jamil Carvajal, nagtuturo ng Panimulang Pagsasalin at Kontekstuwalisadong Komunikasyon sa Filipino, na kailangang gamitin ang modernong uri ng Baybayin at wastong katumbas ng salita mula sa Ingles upang makasulat ng tamang transliteration.
Ganito isinulat ni Inst. Carvajal ang wastong bersyon ng teksto sa karatula:

(Retrato mula kay Jamil Carvajal)

(Retrato mula kay Jamil Carvajal)
Ginamit ang babang kudlit sa “Go” na pantig dahil ang pagbasa ay “O” o “U;” habang ginamit naman ang itaas na kudlit sa “Le” na pantig dahil ang pagbasa nito ay “I” o “E.”
Nilagyan ng pamudpod o krus-kudlit sa ilalim ng katinig sa salita upang matanggal ang patinig at mapag-isa ang katinig.
Alphasyllabary o papantig ang pag babaybay ng Baybayin na hindi katulad sa nakasanayang Alpabeto Romano na paletra o patitik.
“Para madaling maalala, iyong Abakadang Tagalog natin ay isang magandang halimbawa ng alphasyllabary (magkasama sa iisang yunit ng tunog ang vowel at consonant, patinig at katinig, sa iisang pantig). Halimbawa, kung babaybayin ang salitang bahay, hindi ito B-A-H-A-Y (paletra), kundi BA-HA-Y (papantig),” dagdag ni Carvajal.
Nang tanungin ang opinyon sa orihinal na karatula, iginiit ni Inst. Jamil na “ayaw nating mapanghinaan ng loob ang mga may idea sa likod ng Baybayin sa UST. Need lang talaga i-educate.”
Nilinaw ng dean ng Faculty of Arts and Letters Prof. Melanie Turingan sa TomasinoWeb na ang Baybayin signage ay ikinabit ng Facilities and Management Office (FMO) bilang “prototypes” kung tama ang taas at laki ng karatula.
Pinangasiwaan ng isang research assistant mula sa pakuldad na marunong sa Baybayin ang pagsasalin nang humingi ang FMO ng tulong patungkol dito.
“Maraming puwedeng lapitan na guro hinggil sa tamang pagsulat sa loob mismo ng UST,” iminungkahi ni Carvajal.
Kinuwento ni Inst. Jamil na “napaka-promising ng goal kung preservation ng ancient script [ang layunin]."
“Very evident naman na maraming mga Baybayin enthusiast ang gumawa na ng preserbasyon, may ilan pa nga diyan ay mambabatas. Mula sa Philippine Peso bills at logo ng government agency… This is not just gimik, obviously,” dagdag pa niya.
Pinaalalahan ni Carvajal na i-apply ang Baybayin sa mga edifice ng mga kilalang institusyon at sumangguni sa mga marunong magsulat ng ancient script.
“Pangit ang layunin kung aesthetics o gimik lang. Basta kung accuracy lang ng mga ancient script, huwag kalilimutang sumangguni, magpakonsulta. Pro bono ang consultation,” ani pa ni Jamil.
Kinumpirma ni Prof. Turingan na layunin ng FMO na pahalagahan ang kasaysayan ng Pilipinas at alalahanin ang “cultural identity” ng Unibersidad.
Kilala ang Unibersidad na tagapangalaga ng deed of sale ng lupang nakasulat sa Baybayin noong 1613 at 1625. Idineklarang national cultural treasure ito sa pamamagitan ng Presidential Decree 374 noong Agosto 2014.
Hiningi ng TomasinoWeb ang opinyon ng Komisyon ng Wikang Filipino, ngunit hindi pa ito sumasagot sa aming mensahe.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment