Nagpasiklab ang UST Tiger Spikers ng isang nag-iinit na bounce-back performance para pabagsakin ang defending champions, NU Bulldogs, sa apat na set, 25-22, 25-16, 18-25, 28-26, at makamit ang kanilang unang panalo sa V-League Collegiate Challenge nitong Miyerkules sa Paco Arena.
Pabor sa Tiger Spikers ang unang dalawang sets matapos nilang pasiklaban ang Bulldogs sa kanilang floor defense at net defense na bumasag agad sa momentum ng NU.
Matapos ang error-filled na ikatlong set para sa UST, bumawi ang Tiger Spikers matapos mag-init ang kanilang attacking game at ma-kontrol ang pinakitang opensa ng Bulldogs.
Nagpamalas ng 27 puntos si Josh Ybanez mula sa 24 attacks. Si Ybanez, na rookie-MVP ng nagdaang UAAP season, ang naging sandalan ng UST sa buong laro, kasama na ang huling dalawang kills na tumapos ng laban.
“Ang naging inspirasyon namin ngayon ay yung ma-motivate kami lalo nung natalo kami ng La Salle. Ayun yung [nag-motivate] sa amin na manalo kami ngayon,” ani ni Ybanez matapos ang masaklap na pagsisimula nila sa torneo laban sa DLSU noong nakaraang linggo.
Nag-ambag naman si Gboy De Vega ng 12 puntos, habang ang setter na si Dux Yambao ang nanguna sa blocks para sa Tiger Spikers matapos magtala ng tatlo.
Naging malaking tulong din ang anim na digs at 15 receptions ni Van Prudenciado sa panalo ng UST na nag-angat sa kanila sa 1-1 bentahe.
Susunod na makakalaban ng Tiger Spikers ang Perpetual help Altas sa Biyernes ng hapon sa parehong venue. –mula sa mga ulat ni Rishna Maglinao
Comments
Loading comments...
Leave a Comment