TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Tuesday, April 29, 2025

Yakapin ang bawat sandali, Tomasino!: Mga payo para sa unang taon sa kolehiyo

4 min readSa pagtawid sa ilalim ng arko, dalhin ang mga payong ito para sanggain ang bawat patak ng ulan at kayanin ang unang taon sa kolehiyo.
Profile picture of Denise Julianne Pangan

Published over 1 year ago on August 11, 2023

by Denise Julianne Pangan

SHARE

Main image of the post

(Likha ni Mikaela Gabrielle de Castro/TomasinoWeb, Litrato nila: JiBaeksung/Twitter, Miguel Angelo Sumalinog, Nielle Ver, Ashanna Villaruz/TomasinoWeb)

SHARE

Isa sa mga paborito kong kanta ay Yakapin Natin Ang Gabi ng Orange & Lemons. Paulit-ulit ko itong pinapatugtog no’ng freshman ako. Para kasing itinadhana na inilabas ang kantang ito noong unang taon ko sa kolehiyo.

Kung kailan mula araw hanggang gabi akong namamalagi sa apat na sulok ng aking kwarto dahil ipinagkait sa’kin ng pandemya ang mga bagay na ngayo’y naranasan at mararanasan ninyo bilang freshman.

Kung kailan walang katapusan akong nagsusulat ng mga saloobin sa’king talaarawan, lumilikha ng sandamakmak na liham kung saan tinatanong ko ang sarili sa hinaharap kung napagtagumpayan niya ba ang mga bagay na bumabagabag sa sarili ko sa kasalukuyan.

Dahil sa pagbubukas ng panibagong kabanata, samu’t saring emosyon ang mararamdaman.

Nariyan ang pagkagalak sa unang pagtapak sa ilalim ng makasaysayang Arch of Centuries. Ang pagkamangha sa lawak at hatid na nakakaginhawang ganda ng unibersidad. At ang pagkasabik sa mga taong makikilala, pagkakataong matatamasa, at mga landas na tatahakin pa sa susunod na araw, buwan, at taon.

Ngunit nariyan din ang pagkatakot sa mga maaaring magbago. Pagkabalisa sa mga paparating na hamon. At pag-aalinlangan sa paglabas mula sa kahon ng nakasanayang kaginhawaan. Dahil sino ba’ng hindi makakaramdam ng mga ito kung sa pagbuklat ng blankong pahina, hindi ka sigurado kung ano ang kahihinatnan ng sinimulan mong kabanata?

Sumabay sa huni ng mga pipit at ako’y ‘yong hintayin

Kuha ni Art Dominic Brual/TomasinoWeb

(Kuha ni Art Dominic Brual/TomasinoWeb)

“Ayos lang sa’kin kung kayo lang ang mga kaibigan ko habangbuhay.”

No’ng freshman ako, ‘yan ang palagi kong sinasabi sa mga taong simula hayskul ay kasa-kasama ko na. Dahil sa loob ng halos anim na taon, sila ang naging kakampi, karamay, at takbuhan ko sa tuwing gusto ko nang takasan ang lahat. Mga tawa lamang nila ang nakasanayan kong pakinggan. Mga biro lamang nila ang nakasanayan kong sakyan. At sa piling lamang nila ako nasanay na maging komportable na ipakita kung sino ako.

Sa loob ng halos anim na taon, sabay-sabay kaming humakbang nang pasulong. Hanggang sa isang iglap, napagtantuan namin na patungo na pala kami sa kaniya-kaniya naming landas—kung saan wala kaming kakilala at hindi kami kilala.

Hindi ko maipagkakaila na sa simula, nakakatakot at nakakapanibago. Lalo na kung hindi ka sanay makipagkaibigan. Ngunit wala namang mawawala kung hahayaan mo ang ‘yong sariling magpakilala o hahayaan mo ang iba na kilalanin ka. Kasi, sa totoo lang, pare-pareho lamang kayong nangangapa sa tinatahak n’yong landas. Pare-pareho lamang kayong naghahanap ng mga magiging kakampi, karamay, at matatakbuhan.

Kung wala pa sa ngayon, ayos lang. Kasi mayro’n at mayro’ng darating na mga bagong kaibigan sa buhay ninyo. Maaring sila na pala ‘yong pinagtanungan ninyo tungkol sa readings sa Philosophy. O ‘di kaya ‘yong kapwa mong mahiyain na minsa’y nagtanong kung maari ka bang makapareha sa prelims ninyo sa Theology.

Ika nga nila, walang hanggan ang mga posibilidad. Ang kailangan ninyo lamang gawin ay maging bukas at hintayin, o ‘di kaya’y unahan, ang pagkakataon na simulan ang dapat n’yong ituloy.

May panibagong yugto na sa’yo’y nag-aabang

Kuha ni Lance Bernardino/TomasinoWeb

(Kuha ni Lance Bernardino/TomasinoWeb)

“Sumali ka sa mga orgs!”

Sa lahat ng makakausap n’yong sophomores, juniors, at seniors, ‘yan ang hindi mawawala sa listahan ng mga payo nila. Ang payong hindi ko sinunod no’ng freshman ako.

Wala kasi akong ideya kung gaano kabigat ang mga gawain sa unang taon ko sa kolehiyo kaya ginusto ko munang tantsyahin ang abot ng aking makakaya. Testing the waters first, ika nga nila sa Ingles. No’ng una, hindi ko inalinta na wala akong sinalihan na org. Ayaw ko naman kasing simulan ang isang bagay na hindi ko kayang panindigan hanggang dulo.

Ngunit nang lumampas na sa bilang ng daliri ko ang mga “Congratulations!” na nasabi ko sa mga blockmates kong natanggap na sa mga sinalihan nila, hindi ko naiwasang maramdaman na para bang nahuhuli na ako. Na para bang malaya na nilang hinahango ang kanilang kakayahan habang ako, nakakulong pa rin sa kahon ng kaginhawaan.

Pero hindi ko pinagsisisihan ang naging desisyon ko noong freshman ako. Dahil, gasgas man pakinggan at minsa’y mahirap paniwalaan, hindi karera ang buhay. Walang nahuhuli. Walang nauuna.

Kaya kung hindi ka pa handang sumali sa mga orgs, ayos lamang. Kung nangangapa ka pa, ayos lamang. Kung gusto mo munang tantsyahin ang mga bagay-bagay, ayos lamang. May kaniya-kaniya tayong oras, diskarte, at daanan. Minsan malubak, minsan banayad. Pero palaging tandaan na lahat tayo’y may patutunguhan.

Lahat tayo’y may panibagong yugto na nag-aabang para sa’tin.

Damhin ang bawat sandali, sisikat din ang haring araw

Kuha ni Miguel Angelo Sumalinog/TomasinoWeb

(Kuha ni Miguel Angelo Sumalinog/TomasinoWeb)

“Mami-miss ninyo maging hayskul!”

Uunahan ko na kayo, totoo ‘yang sinasabi nila. Hindi magiging madali ang unang taon sa kolehiyo. Maraming pagbabago ang maaaring mangyari.

May mga kakailanganing lumayo pansamantala sa kani-kanilang pamilya at nakagisnang tahanan. May mga pagsasabayin ang pag-aaral at pagtratrabaho. May mga hindi mapipigilang kwestyunin ang kanilang kakayahan at kung sigurado ba sila sa kursong pinili nila.

May mga mangungulila sa mga matatalik nilang kaibigan. May mga mangangamba sa mga gawain nilang parang walang katapusan, mga profs na masungit at mahilig magpa-recit, at may mga mangangamba sa araw-araw na kalbaryo ng pagkokomyut.

Sa pagtungtong ninyo sa kolehiyo, marami kayong ikakabahala. Ngunit marami rin kayong kasasabikan.

Bukod sa mga bagong kaibigan, magbubukas na pinto ng mga oportunidad, at mga landas na tatahakin, nariyan din ang pagsisigaw ng iconic na “Go, USTE!” tuwing UAAP season, pagsusuot ng yellow t-shirt tuwing Yellow Day, pagsasagawa ng picnic sa may Parade Grounds tuwing Agape, at panonood ng fireworks tuwing Paskuhan—mga simpleng bagay na maaaring nagpasimula sa inyong mangarap na maging Tomasino.

Oo, hindi magiging madali, pero magiging masaya. Hindi maiiwasang mahirapan, pero may darating na ginhawa kinabukasan.

Ang kailangan ninyo lamang gawin ay maging bukas sa lahat ng bagay. Huwag magpakain sa takot at pangamba. Magpursigi sa abot ng inyong makakaya. At higit sa lahat, lawakan ang pag-intindi at pasensya sa sarili sapagkat hindi biro ang pagsisimula ng panibagong kabanata sa isang malaking unibersidad na matagal ninyo nang pinangarap.

Ika nga sa kantang Yakapin Natin Ang Gabi:

Kalimutan lahat ang mga pighati Damhin ang bawat sandali, sisikat din ang haring araw May panibagong yugto na sa’yo’y nag-aabang

Sa pagtawid sa ilalim ng arko, dalhin ang mga payong ito para sanggain ang bawat patak ng ulan at kayanin ang unang taon sa kolehiyo.

Yakapin ang bawat sandali, mga Tomasino!

Personal Essay

Freshman Year

Orange & Lemons

UST

Thomasians

Profile picture of Denise Julianne Pangan

Denise Julianne Pangan

Blogs Writer

Denise Julianne Pangan was a Blogs Writer at TomasinoWeb. Denise is a journalism major exploring the many faces of popular culture and its intertwinings with society. Though she has yet to discover her beat as a newbie blog writer, she writes easy-to-read listicles and social commentaries. When she's not drinking too much coffee, she watches anime and EN-O'CLOCK vlogs, reads fiction novels and Twitter seryes, and romanticizes cleaning her bookshelf.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*