TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Thursday, May 15, 2025

Para sa paborito kong sining

4 min readMabilis mangalay ang mga paa ko, ngunit lahat ng museo ay kaya kong lakarin basta’t siya ang kasama ko. At sana, balang araw ay pasilyo na ng simbahan ang lalakarin ko habang naghihintay siya sa dulo nito.
Profile picture of MJ Jadormio

Published 7 months ago on October 08, 2024

by MJ Jadormio

SHARE

Main image of the post

(Photo by Miguel Angelo Sumalinog/TomasinoWeb)

SHARE

“Hindi pa rin ako masyadong appreciative sa mga painting.

Sige, sabi mo, eh.

Isang taon na rin nung huli naming date sa National Museum of Fine Arts. Hindi pa ulit kami nakababalik doon pero marami-rami na rin kaming napuntahan na mga museum at galleries. Bilang pagdiriwang ng anibersaryo ng pagbisita namin sa National Museum o “NatMu” kung tawagin niya, ay binisita naman namin ang Metropolitan Museum of Manila.

Inilabas niya kaagad ang kaniyang telepono para kumuha ng mga retrato. Kinuha ko ang kaliwang kamay niya para gabayan siya sa paglalakad sa mga sulok ng museo dahil ito ang unang beses niyang makapunta rito.

Nang makapasok kami, hinila ko kaagad siya sa paborito kong sining na naroon. Isa itong art ng pinagtagpi-tagping mga tela na nakahugis parisukat. Iba’t iba ang kulay ng mga ito ngunit hindi magugulo ang isip mo sa pagtingin dito.

“Anong meron dito?” tanong niya saakin.

“‘Yan ang favorite ko rito,” sagot ko naman.

“Hindi ako?”

Nakatitig lang siya saakin at naghihintay ng sagot mula sa’king mga labi.

Mula noon, hindi nagbago ang istilo niya sa pagtatanong. Hindi mo malaman kung seryoso ba siya o hinuhuli lamang ang iyong kiliti. Kahit ano pa man, ang mga tanong niya ang paborito kong sagutin.

At siya pa rin ang pinaka paborito kong sining.

Mula sa kaniyang buhok na nahuhulog hanggang sakanyang kilay, ang kanyang mga singkit na matang tila naglalakbay saaking sistema sa tuwing tititigan ko ang mga ito, sakanyang ilong na paborito kong pisilin sa tuwing masyado na siyang nagiging makulit, sakanyang labing mas gumaganda kapag nakakurba sa katatawa na may bonus pang dimple sa kanang pisngi, sakanyang isipang tila ikaw na lang ang maliligaw sa dami ng kaalaman, hanggang sakanyang pusong sa awa ng Diyos ay saakin niya ipinagkatiwala.

Tinawanan ko lang siya, dahilan para sumimangot naman siya.

Ang gwapo, tyL at sa’kin ‘to.

Pinagpatuloy namin ang paglalakad hanggang sa may kumuha ng kanyang atensyon. Dali-dali niyang nilapitan ang isang painting na tila retrato na sa pagkakapinta rito.

“Ang ganda nito, oh.”

“‘Yan na ang favorite mo?” tanong ko.

Nilingon niya ako at tinitigan nang maigi. Sa bawat segundong lumipas na nakatitig lang siya sa mga mata ko ay siya namang pagsabay ng bilis ng tibok ng puso ko. Inangat niya ang kanyang kanang kamay at hinawi ang buhok ko para ilagay ito sa likod ng kanang tenga ko. Unti-unti siyang lumapit hanggang sa isang hakbang na lang ang pagitan namin.

Hindi na ako mapakali.

Ilang saglit pa ay sinarado na niya ang puwang sa pagitan naming dalawa. Pinikit ko ang aking mga mata at naramdaman ang lambot ng kanyang mga labi saakin. Kumalma ang puso ko. Mula sa mga kabayong tila naghahabulan sa loob ng sistema ko, napalitan ito ng ginhawa na tila ba kahit nasa ibang lugar ako, pakiramdam ko ay nakauwi na ako.

Matapos ang ilang segundong magkalapat ang aming mga labi ay agad ko siyang hinampas nang pabiro sakanyang balikat.

“Baka may makakita sa’tin!” saway ko sakanya.

Practice ‘yon. Sa susunod, sa harap ng mas maraming tao na. Sa harap ng pinaka importanteng mga tao sa buhay natin, sa harap ng Diyos.”

Napangiti ako habang nangingilid naman ang luha ko.

Hinila niya pa ako para ikulong sa yakap nya bago kami nagpatuloy sa paglalakad. Inaya ko siyang bumaba sa unang palapag ng museo. Imbis na sumakay ng elevator ay bumaba kami gamit ang hagdan. Nauna siyang humakbang saakin at napansin kong maganda ang tama ng natural na ilaw na nagmumula sa kisame ng gusali sakanyang pigura kaya naman dali-dali kong inilabas sa bulsa ko ang telepono ko para kunan siya ng retrato.

Nakatalikod siya sa unang mga kuha ko kaya naman tinawag ko siya para humarap siya sa camera.

“Love!”

Lumingon siya nang may malaking ngiti sakanyang mukha.

“Yes, love?”

Sa paglingon niya ay agad ko siyang kinunan ng retrato habang nakangiti pa siya.

Crush mo na naman ako,” pagbibiro niya. May hindi pa ba nakakahalata?

“Baka ikaw ang may crush sa’kin,” pagbalik ko sakanya ng biro.

May malalambot na mga upuan sa unang palapag ng museo kaya’t kinuha ko na ang oportunidad para makaupo naman. Nangangalay na kasi ang mga paa ko, medyo pagod na rin sa kalalakad.

Nagpatuloy lang siya sa pagkuha ng retrato sa mga sining na narito. Napansin kong hindi na nakatali ang sintas ng sapatos niya sa kaliwang paa niya kaya tumayo ako mula sa kinauupuan ko kahit napaka lambot nito para iluhod ang isa kong tuhod at itali ang sintas niya.

Umakto pa siyang nagulat at talaga namang inilagay pa ang kanyang mga kamay sa bibig niya sabay ang pagbibiro ng pagpupunas ng luha mula sa gilid ng mata niya.

Pambihira naman talaga.

“Sabi ko kanina practice lang, love. Bakit naman nag po-propose ka na?”

Bahagya kong hinampas ang paa niya at tinapos na rin ang pagsisintas dito.

Nang tumayo ako ay biniro ko pa siya, “ang tagal mo kasing grumaduate. Bilisan mo na nang maikasal na tayo.”

Umiling iling pa siya habang tumatawa.

“Uwi na tayo,” pag-aaya ko.

“Pagod na, baby?”

Tumango naman ako.

Naglalakad na kami palabas ng museo nang maisip kong ayain siyang mag-ice cream.

Ice cream tayo!”

“Sus, sige na nga. Ayaw ko sana, pero sige. May alam akong may masarap na matcha ice cream,” sabi pa niya.

Ewan ko sa’yo, hindi ka naman tumatanggi sa mga pag-aaya ko. Pero, matcha? Hindi naman siya mahilig doon. Isa siya sa mga nagsasabing lasang damo raw ang matcha. Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig.

Kabisado ko na siya, hindi niya hilig ang matcha. Ngunit parang mas kinikilala niya ako nang husto dahil mula sa pagtatanong lang ng paborito kong kulay noon, sinusubukan niya na rin ang mga hilig ko ngayon.

“Ayaw mo kaya ng matcha,” sabi ko.

“May mga bagay na magugustuhan mo rin dahil gusto yun ng taong mahal mo,” sagot niya.

Hindi pa rin ako relihiyoso, pero ikaw ang paborito kong sining na Kaniyang hinulma.

Hindi pa rin ako relihiyoso, pero nais kong hawak ang kamay mo sa pag-awit ng Ama Namin tuwing linggo.

Laman ka ng bawat dasal ko at ng bawat tula at istoryang itinitipa ng mga darili ko na hinugot ko mula sa puso ko.

Mabilis mangalay ang mga paa ko, ngunit lahat ng museo ay kaya kong lakarin basta’t siya ang kasama ko. At sana, balang araw ay pasilyo na ng simbahan ang lalakarin ko habang naghihintay siya sa dulo nito.

Sa wakas, hindi ko na lilibutin ang mga museo nang mag-isa.

“Ikaw ang paborito kong sining, na sana ang susuotan ko rin ng singsing.”

‘Yon ang sabi niya.

Museums and Galleries Month

National Museum

NatMu

Metropolitan Museum of Manila

Profile picture of MJ Jadormio

MJ Jadormio

Executive Editor

MJ Jadormio is the Executive Editor of TomasinoWeb. Being a journalism student, she is interested in writing about people, politics, and sports. She is also exploring the world of writing fictional horror stories. Away from being a writer, MJ has also been devoting her time into media production. You may find her pondering upon wrong answers and making them the right answers in search of another bunch of questions or just catching up with old friends when not working.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*