TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Sunday, December 08, 2024

Maligayang pagtatapos, Tomasino

2 min readGusto ko ring ipasa ang isa sa mga paborito kong natanggap na mensahe mula sa isa sa inyo, “At sana, kahit may pagkakontrabida ang tadhana minsan, hindi mo maisipang sumuko.”
Profile picture of MJ Jadormio

Published 6 months ago on June 03, 2024

by MJ Jadormio

SHARE

Main image of the post

(Photo by Josh Hocate/TomasinoWeb)

SHARE

Siguro, makasariling pakinggan kung sasabihin kong sana isang taon pa.

Ang pinaka mahirap tanggapin ay ang lahat ng bagay ay mayroong hangganan. Hindi naman pwedeng habang buhay tayo sa kolehiyo. Pagkatapos ng ilang taon, lahat tayo ay lalabas sa arko at magsusuot na rin ng toga kalaunan.

Nitong mga nakaraang buwan, simula nang magsimula ang second semester, marami ang natuwa. Syempre nga naman, malapit nang matapos ang taon. Lahat ay nagdiriwang dahil sa wakas ay makababawi na ng tulog at makapagpapahinga na rin pagkatapos ng isang buong taon ng pagpupuyat para mag-aral at gumawa ng tambak-tambak na school works. Pero habang nagsasaya ang lahat, unti-unting lumalagpas sa paningin ko ang mga bagay. Unti-unting bumibigat ang puso ko dahil papalapit na naman tayo sa dulo. Bilang isang second year student, kinailangan ko ng mga taong maniniwala sa akin sa mga panahong hindi ko kayang maniwala sa sarili ko. Ito namang mundo, kung makapagbiro ay wagas. Binigyan niya nga ako ng mga ito, graduating naman.

Pero, hindi naman ito tungkol sa akin.

Kung sakaling maalala mong minsan tayong nagsalo sa tanghalian o hapunan na binili natin gamit ang huling P150 sa wallet natin, ngiti ka lang. Mabubulunan naman ako sa tuwing maaalala mo ako. Iisipin ko na lang na nangingilid ang mga luha mo sa tuwing maaalala mo ang mga araw na ikaw pa ang nag e-edit ng mga gawa ko at ngayo’y wala ka ng magawa sa tagi-tagilid kong pangungusap. Pwera biro, malayo ka na. Higit sa lahat, malaya ka na. Habang may natitira pa akong dalawang taon sa unibersidad na ito at hinahamak mo na ang totoong mundo ay ipagdarasal kitang palagi. Kung sakali namang masyado ng nakakapagod ang trabaho, bulabugin mo lang ako at ititigil ko ang pagre-review ko.

Gusto ko ring ipasa ang isa sa mga paborito kong natanggap na mensahe mula sa isa sa inyo, “At sana, kahit may pagkakontrabida ang tadhana minsan, hindi mo maisipang sumuko.”

Ako ang literal na malayo pa, at kayo ang ay nasa malayo na. Madalas akong gumawa ng mga bagay na hindi ko naman talaga alam gawin nang tama. Parang paggamit lang ng lenggwaheng tayo lang din ang nakaiintindi, mga birong tayo lang ang matatawa, at mga kwentong tayo lang ang nakaaalam.

Habang binabasa niyo ito, sana ngumiti man lang kayo. Sana maalala niyo ang bawat segundo na inilagi niyo sa unibersidad na ito. Mapait man ang ibang araw, sigurado akong tumamis din naman ito bandang dulo. Kahit na hindi ko na kayo makukulit na lumabas pagkatapos ng klase, alam kong nariyan pa rin kayo para gabayan ako. Hindi matatapos ang paniniwala niyo sa akin at ang pagtitiwalang binigay niyo ay mananatili pa rin.

Hindi ko alam kung kailan ako masasanay na hindi na kayo ang mga ate at kuya na tatawagin ko rito. Hindi ko rin alam kung hanggang kailan ako malulungkot. Ang alam ko lang, masaya akong naitawid niyo na ang kolehiyo. Masaya akong naging parte ako ng mga araw na inilagi niyo sa paaralang ito.

Katulad ni Carson sa ‘I’m Drunk I love you’, graduate ka na. At katulad ng sabi ni Jason Ty, “Time check,” tapos na ang pagiging mag-aaral niyo.

Salamat sa mga pangaral, ako na mismo ang pipingot ng tenga ko sa tuwing magpapasaway ako. Salamat sa mga toga photo, ang popogi at ang gaganda niyo rito. ‘Yan ang paborito kong OOTD niyo.

Babalik kayo, ha?

Graduation

Pagtatapos

Kolehiyo

Toga

Profile picture of MJ Jadormio

MJ Jadormio

Executive Editor

MJ Jadormio is the Executive Editor of TomasinoWeb. Being a journalism student, she is interested in writing about people, politics, and sports. She is also exploring the world of writing fictional horror stories. Away from being a writer, MJ has also been devoting her time into media production. You may find her pondering upon wrong answers and making them the right answers in search of another bunch of questions or just catching up with old friends when not working.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*