“Wala naman akong wish, eh.”
Ako, meron.
Inabot ko ang kanyang kamay noong Ama Namin na. Nginitian pa niya ako bago lagyan ng panyo ang kamay ko at saka hinawakan ito. Kilala na niya talaga ako, alam niyang pawisin ang mga kamay ko. Sabay namin itong inawit at hindi ko na binitawan pa ang kamay niya kahit natapos na ang awitin. Ang makasama siya at mahawakan ang kamay niya ay tila isang panaginip na hindi ko na gugustuhing tapusin. Kakaiba ka talaga, ibang iba ka.
Natapos din ang siyam na araw ng simbang gabi, pero hindi ito ang huli. Hindi iyon ang huling Ama Namin na aawitin namin nang sabay at magkahawak ang mga kamay. Hindi ito ang unang Misa de Gallo na ngingitian namin ang isa’t isa sa tuwing makakaramdam kami parehas ng antok.
Nang matapos na ang misa ay pinisil niya ang kamay ko.
“Maligayang pasko, Raven,” sabi niya sabay ang halik sa aking kaliwang pisngi.
“Maligayang pasko,” nginitian ko lang siya dahil tila naestatwa ako sa ginawa niya.
Hindi na nga talaga niya binitawan ang kamay ko. Sumabay kami sa agos ng mga tao papalabas ng simbahan. Sinasalubong na kami ng pamilyar na amoy ng bibingka’t puto bumbong, natatanaw ko na rin ang mga lobong umiilaw, pati na rin ang mga bubbles na laruan ng mga bata.
“Hello Kitty!” sigaw niya sabay bitaw sa kamay ko.
Hello Kitty? Na lobo? Yun lang pala ang makakapagpabitaw ng kamay niya sa akin? Tinalo ako ng lobo? Napa iling na lang ako sa aking naiisip. Kanina ko pa rin naman naiisipang bumili nung transparent na lobong bilog na umiilaw ang loob, pero hindi yun sapat para bitawan ko ang kamay niya. Aanhin ko naman ang lobo sa kamay ko kung hawak ko naman na ang nagpapaliwanag ng bawat araw ko?
“Raven!”
Tignan mo ‘to, naalala rin ako. Napangiti na lang din ako nang makitang napakalawak ng kanyang ngiti habang hawak-hawak si Hello Kitty. Sinesenyasan niya pa ako kung gusto ko rin daw ba ng lobo. Umiling ako. Ikaw lang naman ang gusto ko, kung ano ano pang inaalok mo sa akin. Pero pwede rin yung umiilaw na balloon, please.
“Halika na rito, umuwi na tayo,” aya ko sa kaniya.
Tumakbo siya papalapit sa akin at agad na ipinagyabang ang nabili niyang lobo. Sa lahat ng pagseselosan ko, si Hello Kitty ang pinaka hindi ko inaasahan. Ano bang laban ko sa lobo na ‘to? Eh kung butasin ko kaya ‘to? Cute rin naman ako, ah.
“Huy,” kinalabit niya pa ako sa balikat ko, “ano bang iniisip mo?”
Si Hello Kitty!
‘Yon talaga ang gusto kong sabihin pero hinawakan ko na lang ulit ang kamay niya para tangayin siya papunta sa pila ng bilihan ng bibingka. Habang nakapila kami, nagulat ako nang hawiin niya ang buhok ko at inilagay ito sa likod ng aking tenga. Pagkatapos nito ay dahan-dahan niyang pinunasan ng panyo ang aking mukha. Habang ginagawa niya ang lahat ng ito ay nakatitig lang ako sa kaniya.
Alam kaya niya ang sabi-sabi na kapag nakumpleto mo ang siyam na araw ng simbang gabi ay matutupad ang anumang hilingin mo?
“Nag wish ka ba?” tanong niya sa akin.
“Oo,” sagot ko naman.
“May wish ka pa rin? Kasama mo na nga ako,” umakto pa siyang parang nalulungkot.
Natawa tuloy ako nang bahagya.
Ilang minuto pa ang nagdaan at nakabili na rin kami ng bibingka. Pagkatapos nito ay hinanap namin ang kotse namin para doon na lang kainin ang aming pinamili. Doon na lang din kami mag kukwentuhan tungkol sa mga bagay na hindi pa namin alam sa isa’t isa. Iba kasi siya, kahit na makuwento siya ay hindi mo agad siya makikilala. Kailangang makibagay ka sa kanya, maging pantay kayo ng mga paa sa lupa, at mag pakiramdaman ng tibok ng puso ng isa’t isa.
Nang makarating sa parking ay ibinaba niya ang mga bibingka sa hood ng kotse ko. Sumandal na rin siya rito. Nakatali na rin sa kaliwang kamay niya si Hello Kitty. Sinimulan na niyang kumain habang ako ay nakatitig lang sa kaniya. Lahat ng ipnagdarasal ko, nasa iisang tao lang pala. Siya ang laman ng bawat dasal ko.
“So, anong wish mo at bakit hindi ako?” tanong niya na may halong pagtatampo pa rin sa boses.
Inilagay ko ang kamay ko sa ulo niya at bahagyang ginulo ang buhok niya. Ikaw nga pinagpalit mo ako kay Hello Kitty, hay.
“Hindi mo naman sinasagot, eh. ‘Di ba kapag nakumpleto yung siyam na araw matutupad ang wish?”
“Oo nga,” sagot ko habang nakangiti pa rin sa kaniya.
“Kaya ka lang nagkumpleto para maka hiling, eh! Tapos hindi pa ako yung wish mo.”
Kinuha ko sa bulsa ko ang cellphone ko para kunan siya ng litrato.
Pamaya maya naman ay nagliwanag ang langit dahil sa mga fireworks. Iba’t iba ang mga kulay nito, sobrang ganda. Tumingala siya habang hawak-hawak sa kamay ang hindi na natuloy kaining bibingka. Tila naging salamin ang mata niya dahil kita ang kinang ng mga paputok dito.
Mula simula hanggang sa matapos ang fireworks ay sa kanya lang ako nakatingin. Tama siya, ano pa nga ba ang hihilingin ko dapat bukod sa kaniya?
Niyakap ko siya nang mahigpit.
“Sabi mo wala kang wish, hindi rin ba ako?” tanong ko sa kaniya.
Ang hiling ko lang kasi ay manatili akong malakas para mahawakan ko palagi ang mga kamay niya. Ang hiling ko ay hindi sana ako matakot na ipaglaban siya sa kahit ano, dahil ang pag-ibig ay ipinaglalaban sa kulay man, sa mga matang mapanghusga, at kahit pa laban sa panahon.
Matatakutin ako, pero kung ang mahalin sya ay isang digma o pagtapos ng isang tula, para sa kanya ay magiging matapang ako. Kahit ano pa man, mananatili ako rito, sa tabi o kung saan man niya ako matatanaw.
Hindi lang mga museo ang lilibutin namin nang magkasama, pati na rin ang siyam na araw ng simbang gabi, at lahat ng araw ay sisiguraduhin kong tahakin nang kasama siya.
Hinarap niya ako at tinitigan nang mabuti. Hinawakan niya ang kanang pisngi ko bago sagutin ang kaninang itinatanong ko.
“Hindi ko kailangang kumpletuhin ang siyam na araw ng simbang gabi para hilingin ka sa Kanya.”
‘Yon ang sabi niya.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment