Hanapan niyo naman ako ng date.
Pagod na kasi akong hanapan ang sarili ko. Taon-taon na lang mag-isa kong itinatawid ang mga araw at buwan. Ano ba naman yung may makasama naman ako ngayong taon, ‘di ba? Simple lang naman ang mga hinahanap ko sa date. Hindi naman masyadong marami at hindi rin ito komplikado. Para hindi kayo mahirapan, magbibigay na lang ako ng listahan.
Una, yung flexible sana.
Yung kaya akong sabayan sa mga trip ko sa buhay. Kung hihilingin kong sumakay kami sa mga makapigil hiningang rides sa amusement park, kung sabihin ko mang tumambay kami sa 7/11 nang madaling araw, o magtitigan lang nang tahimik sa pagitan ng aming mga screens mula sa aming mga bahay ay “G lang!” ang tanging isasagot niya.
Pangalawa, yung kaya sana akong intindihin.
Yung kayang tumahimik sa tuwing tatahimik ako at makibagay sa ingay ng utak ko. Hindi niya sana ako tignan nang masama kung tuturuan ko siya bigla kung paano magsulat ng feature o literary articles. Maunawaan sana niya kung bakit marami akong sinasabi at kung bakit ko siya sisitahin kapag hindi niya nagamit nang maayos ang “rin” at “din” o ang “ng” at “nang”. Higit sa lahat, maunawaan sana niya na nakahati sa walo ang oras ko pati na rin ang isip ko.
Pangatlo at ang pinaka importante, gusto ko ng date para makapagpahinga.
Ang mga nagdaang buwan ay hindi naging madali para sa ating lahat. Ang mga ilang linggong walang klase ay hindi pa rin sapat sa dami ng tambak na gawain. Hindi na maubos-ubos ang to-do list natin. Mas nauna pa akong maubos kesa sa mga kailangan kong gawin na sa bawat bawas ko ng isa ay may idadagdag na naman ulit.
Sisisihin ba natin ang paskuhan para sa mediocre outputs natin? O baka pagod na lang talaga tayong lahat. Baka ito rin ang date na hinahanap mo. Date para huminto at huminga, para mabalikan natin ang mga magagandang bagay na nangyari sa pagitan ng masasakit at mabibigat na mga pangyayari.
Sabay-sabay nating hanapin ang date na ito. Sa lahat ng date, ito ang hinihiling kong sana makuha nating lahat. Hindi na mahalaga ang matangkad, pogi, matalino, kayang sabayan ang trip ko, pwedeng photographer, soft-spoken, maganda ang ngiti, at… ay! Sinabi na ngang hindi na mahalaga.
Komplikado mang hanapin, pilitin pa rin natin. Hindi natin ito basta gusto lang kundi isang kailangan para sa ating kabuoan. Huwag tayong huminto sa paghanap ng date. Paskuhan date man ‘yan o date to treat ourselves for all the things, even the smallest ones, that we did or achieved for the past months.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment