Ilang beses na akong nakakakita ng multo.
Ilang buwan na rin ako sa kolehiyo, halos isang taon na nga ata akong andito.. Naiintindihan ko na nang lubusan na hindi ako hihintayin ng mundo at hindi palaging alam ko kung ano ang magiging takbo nito. May mga araw na bagong bagon ng LRT ang nasasakyan ko, may mga araw na nakakapagluto ako ng pananghalian bago ako pumasok, at may mga araw din namang pakiramdam ko ay nalulunod na naman ako kahit wala naman sa mga hilig ko ang lumangoy.
Madilim ang paligid, hindi gaanong maliwanag ang buwan. Ang mga daliri ko’y nakalapat na naman sa teklado ng aking laptop. Ang yelo ng iced coffee ko ay halos wala na sa tagal kong nakikipag titigan sa screen sa harap ko. Tila sumasayaw na ang mga numerong aking tinitipa kasabay ng pag ikot ng aking mga ngin. Alas dose na ng madaling araw. Pangalawang alas dose na ‘to na gising pa rin ako. Dalawang araw ko ng hindi nailalapat ang likod ko sa malambot na kama, dalawang araw na ring bukas ang aking mga mata.
Pagod na ako.
Tila nagkakakalyo na ang mga daliri ko sa bawat pagtipa. Nag-desisyon akong sumandal muna saglit at ipikit ang aking mga mata. Wala na rin namang pumapasok sa utak ko kahit paulit-ulit ko pang i-play lahat ng video lectures na ito. Ilang minuto rin akong napapikit. Nagising ako dahil sa sunod sunod na malalakas na katok. Para akong binuhusan ng isang timbang ng nagyeyelong tubig sa bawat hampas niya sa pintuan.
“Sino ‘yan?”
Walang sumasagot. Mas lalong bumilis ang kabog ng aking dibdib.. Mag isa lang ako rito sa inuupahan kong bahay. Kahit kailan ay hindi ko binalak na makihati ng tutuluyan dahil aminado akong hindi ako madaling pakisamahan. Ako lang ang tao rito. Ako lang ang tao rito…
“BUKSAN MO NA KASI!” sigaw nito kasabay ng lalong palakas nang palakas ang mga hampas.
Ipinikit ko nang mariin ang aking mga mata at tinakpan ko ang aking mga tenga. Gusto ko nang umuwi sa amin. Gusto ko na lang yakapin ang aking mga magulang at mga kapatid. Gusto ko nang matigil ang lahat ng ‘to. Tama na.
“Tama na!”
Nawala ang mga katok, pero hindi pa rin kumakalma ang aking loob. Para bang nararamdaman ko pa rin ang bawat katok niya sa sistema ko. Namatay din ang lahat ng ilaw pati na rin ang electric fan sa tabi ko. Nawalan ng kuryente. Maya maya naman ay tumunog na rin ang alarm ko. Dahan-dahan kong inabot ang aking telepono para patayin ang alarm nito. Hindi ko na namalayan ang oras. Kailangan ko na palang maghanda para pumasok.
Kinuha ko na ang aking tuwalya at ang uniporme kong pampasok. Nagsindi rin ako ng kandila ngunit ilang beses itong namatay. Paulit-ulit ko rin naman itong sinisindihan dahil wala akong ibang mapagkukunan ng ilaw. Kinakabahan pa rin ako na baka nandito pa rin siya pero mas kinakabahan akong baka wala akong maisagot sa exams ko mamaya. Kahit anong aral ko ay wala talagang pumapasok sa aking isipan. Nawa’y hindi sumama sa daloy ng tubig ang lahat ng inaral ko kapag nagsimula na akong maligo.
Pagkatapos kong maligo ay ginawa ko na ang mga seremonyas para sa aking mukha. Humarap ako sa salamin kahit na takot ako rito. Mas pipiliin ko pang tumitig sa araw kesa makakita ng kahit anong repleksyon sa salamin. Hinilamusan ko munang muli ang aking mukha. Sa pag angat ko ng aking ulo ay may nahagip ang aking mga mata.
Agad akong lumingon sa aking likuran. Sa repleksyong nakita ko sa salamin ay nagbukas ang pintuan ng banyo ko ngunit nang lingunin ko ito ay nakasarado’t nakakandado pa rin naman tulad ng sa pagkakatanda ko.
“Huwag ngayon. Tigilan mo na ako, may exams pa ako,” pakiusap ko sa kung ano o sino mang umaaligid ngayon sa apartment na ito.
Kaya ba mura lang ang nakuha kong renta rito ay dahil may kasama akong umuukupa sa espasyong ito? Hindi ko naman ito aangkinin at gustong gusto ko na rin namang umalis dito. Wala siyang dapat na alalahanin. Hindi ko gustong magtagal dito.
Mabilis ang takbo ng oras. Ang kaninang langit na halos wala kang makita na pati ang buwan ay tila gusto ring magtago sa likod ng madilim at maitim na ulap, ngayon ay nagkakaroon na ng kulay— ibang klase rin siyang magpinta, lahat ng kulay ay nagkakaisa—ang araw ay nagsisimula na ring magpakita.
Tinanggal ko na ang lahat ng mga nakasaksak kong appliance at siniguradong mahigpit ang pagkakasara ng tangke ng gasul. ‘Di bale, may nagbabantay naman dito. Sa lakas ng pwersa ng kaluluwang ligaw na narito ay duda akong may magtatangkang pasukin ang unit ko.
Habang naglalakad ako patungo sa eskwelahan ay may nadaanan akong naninigarilyo sa tapat ng convenience store malapit sa aking inuupahan. Dati ay iwas na iwas ako sa amoy nito. Ayaw na ayaw kong makakalanghap ng sigarilyo, ngunit ngayon ay hinahanap hanap na ito ng katawan ko. Simula noong masubukan ko ito ay nahirapan na akong itigil. Saglit akong pumikit para burahin ito sa isipan ko at ipinagpatuloy ang paglalakad ko.
Patawid na sana ako nang bigla akong mahagip ng isang kotseng pula. Iyon ang aking huling alaala sa araw na ‘yon. Sa pagkakataong ‘yon ay kasabay ng pagdampi ng katawan ng kotse sa akin ay para bang nahulog ako sa malalim na karagatan. Wala akong maramdaman. Sinusubukan kong iahon ang aking sarili.
Kumampay ako nang kumampay at pilit kong inaangat ang aking katawan mula sa karagatang ito pero hinihila lamang ako nito pailalim. Mas lalong bumibigat ang aking bawat kampay kaya hindi rin nagtagal ay hinayaan ko na lamang na malunod ako.
“Joy!”
“Joy, gising na!”
“Joy, please. Gumising ka na!”
Maraming tumatawag sa’kin. Sa tantya ko’y parang nasa malayo sila pero unti-unting lumalakas ang kanilang mga tinig. Binuksan ko ang aking mga mata at nakita ang mga kaklase at kaibigan ko na narito.
“Anong meron?” nagtataka kong tanong.
“Hindi ka raw magising ng landlord mo, Joy. Akala niya hindi ka na magigising kaya tinawagan niya ako,” sagot sa’kin ng isa.
Panaginip lang ang lahat ng ‘yon? Pero parang totoo. Sa pakiramdam ko ay totoo ang mga iyon. Naramdaman kong bumigat ang aking dibdib habang inaalala ang mga pangyayari sa aking panaginip.
“Pasalamat ka wala tayong pasok sa dalawang courses. Maligo ka na at mag-ready! Hihintayain ka namin,” pag-anyaya sa akin ni Aya.
Narinig ko pa silang nagtatawanan habang nasa banyo ako. Binilisan ko na lang ang pagligo ko para hindi na rin sila gaanong maghintay sa akin.
Sa España kami pumasok dahil gusto raw nilang medyo mapahaba ang aming paglalakad. Nasa kabilang sulok pa ng paaralang ito ang building namin ngunit hindi ko alintana ang pagod kapag sila ang kasamang maglibot. Nadaanan namin ang dati kong building. Katulad noon ay nahihilo pa rin ako sa tuwing makikita ito. Pakiramdam ko ay hinihigop nito ang lahat ng enerhiya ko. Masaya ako dahil hindi ko na kailangang makipag titigan sa mga sumasayaw na numero.
Ang isang buong taon na pag aaral ng kursong hindi ko naman gusto ay tila isang buong taon ng paglalakad sa mabatong daan nang nakayapak. Lunes ang pinakakong ng araw at tuwing Biyernes naman ay tila gumagapang na lang ako. Ang Sabado at Linggo ay parang dumaraan lamang ng ilang minuto. Mabilis ang takbo ng oras ngunit parang lagi lang akong naiiwan sa bawat kahapon. Hindi ko gusto ang ginagawa ko. Nakakapagod ito.
Noong bata ako ay napakarami kong pangarap kapag lumaki na ako. Naaalala ko pa noon na ginusto kong maging fashion model, ice skater, fashion designer, architect, lawyer, pulis, newscaster, accountant, at marami pang iba na hindi ko ngayon maalala pa. Hindi man lang sumagi sa isip ko noon na maging isang manunulat katulad ng kung ano ako ngayon. Salungat sa lahat ng mga trabahong naisip kong tatahakin ko ay dinala ko ang mga pakpak ko sa pagsusulat at dito ko nahanap ang kapayapaan ng aking puso at diwa.
Dati akong upos na kandila. Nadurog at nagdurugo sa bawat araw na nagdaraan. Ang sabi nila kasi noon ay matututuhan ko ring mahalin ang kursong una kong tinahak pero mali sila. Kahit ano pang gawin ko ay naiwan na ang puso ko sa bawat pahina, panulat, at talata ng isang manunulat. Ang akala ko’y hindi na ako masisindihang muli at hindi ko na mahahanap ang kinang pero narito ako ngayon at tinatahak na kung ano ba talaga ang gusto ko.
Hindi biro ang mga pagkakataong nauubos ako. Ang paglalakbay patungo sa panibagong kurso ay hindi rin naging madali katulad ng inaakala ko. Ilang buwan kong inihanda ang aking sarili para makalipat na ako ng kurso pero hindi ako pinatatahimik ng multo ng dati kong gusto. Bumagsak ako roon at ito ang nagpapababa ng aking kumpyansa. Pinag dudahan ko na ang aking sarili dahil dito at hindi ko na alam kung kaya ko pa bang iahon ito.
Noong nasa proseso ako ng paglilipat ay gutom ang naging agahan ko sa bawat araw na ako’y gigising. Hindi na ako ang naghahabol sa oras bagkus ako na ang hinahabol ng deadlines ko. Pahinga ko’y hindi ko matanaw-tanaw sa dami ng kailangang aralin para sa exam. Kaya pa ba? Kakayanin para sa wakas ay tuluyan nang maging masaya. Noong mga panahong iyon, kahit sa pagtulog ay hindi ko na rin madama ang pahinga.
Araw bago ang exam ay umiyak ako buong gabi. Sa tindi ng luha ko ay kinailangan kong ibilad ang aking mga unan sa arawan kinabukasan. Noong araw ng exam ay kampante akong maipapasa ko naman ito. Para akong nabunutan ng tinik sa aking lalamunan nang matapos ito, pero agad din akong nabulunang muli nang maalala kong kailangan ko pang maghintay sa resulta nito.
“Congratulations!”
Iyon ang salitang hinihintay ko nang isang buong taon. Sa wakas ay aaralin ko na rin ang kursong gusto ko talagang tahakin. Hindi na ako ligaw na kaluluwa sa gusaling hindi naman ako belong. Hindi na ako upos na kandila. Hindi na ako muling madudurog at magdurugo sa mga araw ko sa gusaling punong puno ng kaalamang nag hihintay na mapag-aralan ko.
Para sa pagsusulat ako. Ito ang hindi ko naisip na tahakin noon ngunit dito ako dinala ng tadhana at pagkakataon. Natakot ako at lumaban ako nang takot. Ikaw na hindi sigurado, sundin mo ang isinisigaw ng iyong puso. Huwag mong masyadong pansinin ang sasabihng iba. Ikaw ang nakakakilala sa iyong sarili at hindi sila. Huwag kang matakot na tahakin ang kursong alam mong magpapasaya sa iyo. Ilatag mo ang tadhana mo. Ikaw lang ang makakaguhit nito. Ito ang kolehiyo, kung saan mabilis ang lahat ng minuto at hindi ka hihintayin ng mundo.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment