Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Pagbilang ko ng tatlo, nakatago na ang feelings ko.
Tahimik ang magkabilang pasilyo ng aming gusali. Ang lahat ay nasa kani-kanilang mga klase. Ako? Napaaga ata ako ng dating. Ala una pa naman ang klase ko pero pinipili ko talagang pumasok nang maaga dahil iniiwasan kong mahuli sa klase. May pagka-bagal din kasi ang elevator dito sa building namin. Kaya naman hindi ko rin maintindihan kung bakit may mga nakukuha pang maglaro at pindutin ang lahat ng button ng elevator.
Naghanap ako ng bakanteng lamesa. May iilang dumaraan upang bumaba dahil wari ko’y tapos na ang kanilang klase. Mayroon din namang lumalabas ng mga classroom para pumunta sa palikuran. Kakaiba nga lang ang araw na ‘to. Tahimik, kakaiba ang lamig. Malamig naman talaga sa floor na ito, ngunit ngayong araw ay tila dumadaloy ang temperatura ng palapag mula sa dulo ng aking daliri patungo sa mga sulok ng sistema ko.
Isa.
Aaminin kong matatakutin ako. Kaunting kwento mo lang sa akin ng karanasan mong nakakatakot ay agad akong iiwas sa usapan. Kinakabahan na rin ako ng mga oras na ito. Ang malamig na hangin na umiikot sa buong palapag ay nararamdaman ko na ring bumubulong sa magkabilang tenga ko.
Nag-desisyon akong kunin mula sa bag ang aking laptop. Dali-dali ko itong inilapag sa lamesa at binuksan. Tinignan ko ang Canvas kung may dapat pa ba akong gawin na hindi ko pa naipapasa o baka naman mayroon pa akong hindi pa nababasa.
“Ano ba ‘to, bakit wala?”
Kung kailan naman kailangan kong libangin ang utak ko mula sa bulong ng malamig na hangin ng pasilyong ‘to, ay saka naman ako walang kailangang gawin.
Ayaw ko namang salpakan na lang ng earphones ang aking mga tenga. Mas lalo lang akong matatakot. Pakiramdam ko kasi may bigla na lang huhugot nito mula sa tenga ko at saka bubulong sa akin ng kung ano. Ay, nako. Huwag na, ‘di bale na lang.
Maya maya’y nagsidatingan na rin ang iba kong mga kaklase pati na rin ibang mga mag aaral na mula sa kabilang block.
Napag desisyunan kong mag scroll na lang sa Facebook.
Sakto at may nakita akong paligsahan sa pagsulat. Siguro ay dito ko na lang muna itutuon ang atensyon ko. Kailangan kong libangin ang sarili ko para matigil na ako sa kakaisip sa mga bagay na hindi ko naman nakikita at pinaniniwalaan ko lang base sa pakiramdam.
Nagtingin na rin ako ng mga hindi ko pa nabubuksang notification sa aking Twitter pati na rin sa Instagram. Pinusuan na naman niya ang IG story ko, ni-like niya rin ang bagong tweet ko.
Hay, ano ba tayo?
Dalawa.
Ilang saglit pa’y nakaramdam akong kailangan kong pumunta sa banyo. Hindi na ako nag abalang iligpit ang mga gamit ko o itupi man lang ang laptop ko. Hinayaan ko lamang ang mga ito sa lamesa kung saan ako naka pwesto. Tumayo ako at agad na dumeretso sa banyo.
“Corrie,” tawag sa’kin ng isang babae nang makapasok ako sa banyo.
Si Seth pala. Dati kong kaklase bago pa kami magka watak-watak pagdating ng second year. Nginitian ko siya at saglit na kinumusta habang parehas kaming nag hihintay na may mabakanteng palikuran. Medyo mahaba pa ang pila.
Nang bumukas ang dalawang palikuran ay iniluwa nito ang dalawa ko pang dating mga naging kaklase na mga kaibigan din ni Seth. Katulad ni Seth, ay kinumusta ko rin sila at niyakap isa-isa. Hindi na kami masyado nakakapagkwentuhan simula noong magka hiwalay kami ng klase. Madalas ay sa pasilyo na lamang kami nagkikita at dito sa banyo sa pagitan ng mga klase namin.
Ilang saglit pa ay nawalan na rin ng mga naghihintay na mabakante ang bawat palikuran. Lahat ng ito’y okupado na. Nakapasok na rin ako.
Tatlo.
Sa paglabas ko ay nakaramdam ako ng kakaibang presensya. Tila may mga kabayong nag uunahan sa loob ng aking dibdib. Parang gusto kong biglang mahimatay para lamang hindi ko na lang maramdaman ito. Nakaharap lang ako sa salamin at tila na estatwa ako.
Ramdam ko ang saglit na paghinto ng daloy ng aking dugo sa katawan. Hindi ko malaman ang gagawin ko. Iniyuko ko ang aking ulo habang nanlalamig pa rin ang aking buong katawan. Kahit pa marinig ko lang ang unang tibok ng puso niya’y na-e-estatwa na agad ako.
Bumukas ang isa sa mga okupadong palikuran.
Kasabay ng yabag ng paa niya ay ang kabog ng dibdib ko.
Dug dug, dug dug. Dug…dug. Dug…DUG! DUG DUG! DUG DUG!
Habang papalapit siya sa akin ay mas lalong lumalakas ang tibok ng puso ko. Parang may gustong kumawala mula sa sistema ko.
Sinusubukan ko na lang na habulin ang aking bawat hininga.
Nakapagtatakang hindi naman na kami iisa ng klase ngunit kabisado ko ang ginagamit niyang panali sa buhok. Hindi naman siya madalas magsalita pero kilala ko ang unang pantig ng tawa niya.
“Corrie.”
Ano ‘to sahig? Salamin? Lababo?
Apat.
Isa, dalawa, tatlo, apat… dalawampu. Hindi ko na alam kung pang ilang lunok ko na ‘to. Nauubusan na ata ako ng laway rito at tila ba nakain ko na ang dila ko. Hindi man lang ako makapagsalita. Blangko ang utak ko.
Napatingin ako sa aking relo.
Tik. Tok. Tik…tok. TIK! TOK! TIK…TOK!
Kasabay ng patak ng oras ay ang patak ng mga butil ng pawis na dumadaloy mula sa aking noo, nararamdaman ko rin ito pumapatak sa bandang leegan ko. Pati ang kamay ko’y tila lawa sa pawis. Bawat patak ng pawis ko’y patak din ng bawat minuto sa aking relo.
“Corrie!”
Para akong pinitik. Agad ko siyang nilingon at pinilit na ikurba ang mga labi ko para ngitian siya. Ito na naman siya. Hinawakan niya ang kamay ko sabay tanong kung kumusta na ba ako. Pinaikot-ikot ko ang usapan namin para medyo magtagal naman kaming magkasama. Niyakap niya pa ‘ko. Lalong hindi mapakali ang sistema ko.
Lima.
Ewan ko. Dati naman takot lang akong mag-exam nang walang alam. Takot lang akong mag earphones sa tuwing maghuhugas ng pinggan sa kusina dahil baka may humila nito’t bulungan ako. Takot ako sa mga aninong hindi ko maaninag ang katawang pinang gagalingan. Takot ako sa mga sinasabi nilang balang ligaw, pati na rin sa mga kaluluwang ligaw.
Ewan ko. Sa’yo, biglang nawala ang takot ko. Ang kaluluwa mo ang minsang nagpangiti sa’kin bago ako mag sagot ng pagsusulit namin. Ang kaluluwa mo ay nagliliwanag sa mga pasilyo ng gusali. Ang presensya mo ang may tamang init para balansehin ang pagkalamig-lamig na mga sulok ng silid.
Anim.
Kabado pa rin ako kapag nakikita ko’t nakakasalubong ang mga kaklase o kaibigan mo. Aaminin ko, sa bawat pagbukas ko ng pinto at paglabas ko rito ay ikaw ang hanap ng mata ko. Tauhin man ang mga pasilyo o mabingi man ako sa katahimikan nito, ang kaluluwa mo ang siyang hahanap-hanapin ko.
Ikaw naman kasi. Panay ang ngiti mo sa’kin kapag nagkakasalubong tayo. Panay ang kaway mo kapag nakikita mo ako. Kulang na lang ay ipagdasal kong huwag ka muna sanang makasalubong, pero parang pinaglalaruan ako ng mundo. Sa labas ng ating mga classroom, sa banyo, sa elevator sa ground floor. Sa lahat ng sulok ng gusaling ‘to, parang ikaw ang multong nagbabantay rito.
Pito.
Sa ilang mga tagpong ito, panay ang guhit ko sa utak ko ng mga senaryong wari ko’y papasang pelikulang romantiko. Para kang multo, hindi mo na tinigilan ang isip ko. Para kang kaluluwang ligaw, kahit saan ika’y laging natatanaw. Panay na ang iwas ko, pero talagang ang mga lugar na ‘to ay parang ibinubulong sa akin nang paulit-ulit ang pangalan mo.
Ilang dasal at ritwal na ang sinubukan ko lubayan lang ako ng kaluluwa mo. Isang “may pinopormahan na siya, beh” lang pala ng kaibigan ko ang kailangan para matigil ang pelikulang binubuo ko sa imahinasyon ko.
Aray ko.
Walo.
Parang sa mga nakasanayang laro tulad ng spirit of the glass, kung saan sinusubukang kilalanin ang kaluluwa, sinusubukan ko pa lang ding kilalanin ka. Mula sa mga paborito mong banda na minsan tugma sa pinakikinggan kong mga kanta, sa paborito mong kulay at bihis, hanggang sa kung pano ka mag reklamo sa social media.
Pambihira, tinamaan.
Minsan, pinagdududahan ko pa rin ang aking mga kakayahan. Sabagay, naiwan ko nga sa classroom ang aking tubigan, ang ilaw sa banyo, at ang kutsara sa lababo. Sa lahat ng naiwan ko, ‘tong mga bilang na alaala natin naman sana ang sunod na malimutan ko.
*Drama, crush lang naman. *
Siyam.
Ayos lang. Matatapos na rin naman ata ako. Matatapos na akong hanapin ka sa bawat sulok ng gusaling ‘to. Matatapos na akong kilalanin ang mga paboritong kanta at banda mo. Matatapos na akong kilalanin ang bawat pantig ng tawa mo at pintig ng puso mo.
“Umamin ka na lang kaya,” suhestiyon ng tropa ko.
“Sige, kapag naging pink ang black shoes.”
Hindi ako nabuburot sa tagu-taguan noon. Madalang akong mataya. Sigurado’t panatag ako na hanggang ngayon ay magaling pa rin akong magtago. Kahit pa umabot sa dalawampu ang bilang sa tagu-taguan o maging limang bilang na lang, hindi mo ako mahuhuli.
Sampu.
Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Pagbilang ko ng sampu, nakatago pa rin ako.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment