“Hindi naman ako masyadong appreciative sa mga painting, eh.”
Sabi mo, eh.
Inabutan ko siya ng panyo para punasan man lang niya ang pawis na tumatagaktak mula sa kanyang noo. Pinagmasdan ko siyang haplusin ang mukha niya gamit ang panyong dinala ko talaga para sa kanya. Noong una’y ayaw niya pang tanggapin dahil baka raw kailanganin ko rin. Kung alam niya lang, dalawang panyo ang palaging lakip ng bulsa ko. Isa para sa’kin at isa para sa taong bumabiyahe nang oras oras makita’t makasama lang ako.
Ang mga oras ng pagsakay ko sa LRT ay ang paborito kong eksana ng araw ko. ‘Yon ang mga oras kung saan nakakasalubong ko ang iba’t ibang storya ng mga tao base sa mga ekspresyong nakapinta sa mga mukha nila. Ang ilang minutong biyahe mula Bambang patungong UN ay ang pinaka paborito kong LRT ride. Syempre, siya ang kasama ko, eh.
Nang tuluyan nang makarating sa pakay naming lugar, agad-agad akong pumila para mag register bago pumasok. Noong maging okay na ay lumakad na kami papasok sa naglalakihang mga pasilyo ng National Museum of Fine Arts.
“Ito pala yung Spoliarium.”
“Ang ganda, ‘no?” tanong ko habang kinukuhaan ko ng litrato ang pagkagandang likhang sining na ngayo’y nasa harapan ko.
“Sobrang ganda,” pag sang-ayon niya.
“Dito yung scene nina-,” ‘di ko naituloy ang dapat kong sasabihin.
Malalim ang titig niya sa akin noong nilingon ko siya. Para bang nangungusap ang mga mata niya at sinusubukang maglakbay sa sistema ko. Naramadaman ko ang pagbilis ng kabog ng dibdib ko. Kinakabahan ako.
“Raven,” pagtawag niya, na siya ring nagpabalik sa’kin sa kasalukuyan naming eksena.
Sinubukan kong habulin ang mga nawalang hininga sa akin. Noong maramdaman kong kalmado na ako kahit papaano ay nginitian ko siya at hinawakan ang kamay niya. Nagpatuloy kami sa paglalakad at pagbabasa ng mga impormasyon patungkol sa mga sining na narito.
Ilang beses naman na akong nakapunta rito pero hindi ko rin alam kung bakit dito ko pa rin siya dinala.
“Favorite ko na ata ‘to,” turo niya sa makulay na painting sa harapan niya.
“Pwede naman pala, ‘no?”
Nagtataka siyang tumingin sa akin, “ang alin ba?”
“Pwede naman palang kahit anong kulay o kahit anong paraan ka magpinta. Maganda pa rin naman. Mukhang yung mga ganitong istilo nga ang pinaka magandang mga sining. They all came together even if there would be whispers saying they’re not fit for each other,” sagot ko sa kanya.
Wala namang nakasulat na palatuntunin na dapat sundin sa pag pipinta. Siguro ay mga gabay lamang na pwedeng pagbasehan pero hindi nito mariing sinasabi kung ano ang nararapat. Ano mang kulay ay pwede naman palang pag haluin. Kahit na pataas o pa-ekis man ang istilo ng pag kumpas mo sa iyong pinsel ay painting pa rin naman ang kalalabasan. Sana ganoon din sa pagmamahal. Sino man ang piliin mo, sino man ang itibok ng puso mo, maganda pa rin sa paningin ng karamihan. Kaya lang, hanggang ngayon ay namimili pa rin ang kanilang mga mata ng tamang kulay.
Nagpatuloy kami sa paglalakad. Sa ibang kwarto ng mga sining ay mayroong mga upuan. Paminsan ay nakararamdam na kami ng sakit ng paa at saglit na umuupo para makapag pahinga. Nang mapunta kami sa lumang Senate Hall, naupo muna kaming saglit para masdan ang makabuluhang kasaysayang dinanas ng bansa.
Tumayo siyang bigla para libutin ang dating bulwagan na ngayo’y punong puno na ng mga sining sa kanilang mga dingding. Inilabas ko ang cellphone ko para kuhaan siya ng litrato. Sakto ang paglingon niya sa’kin. Napangiti siya nang wari ko’y muntik nang umabot sa kanyang mga tenga.
“Crush mo ba ako?” tanong niya sa’kin nang pabiro.
Ay, nako, sobra.
“Sus, ako? Baka ikaw ang may crush sa akin,” balik kong biro sa kanya.
Mukhang ayaw niya pang umalis sa pasilyong ‘to. Parang dito siya pinaka natuwa kahit na sabi niya ay may favorite siyang painting doon sa kabila. Mapupuno na ang storage ng telepono ko. Pagkaganda naman kasi nitong nilalang na ‘to. Gusto kong kuhaan ng litrato ang bawat galaw niya, ang bawat paglitaw ng maliit na lubog sa kanang pisngi niya, ang bawat pag abot ng mga kurba ng labi niya sa kanyang mga tenga, at kung maaari ay ang araw-araw niya.
“Para kang estatwa, kamukha mo yung nakita natin kanina,” pang aasar niya sa akin pagkatapos niyang libutin ang buong bulwagan.
“Ikaw para kang painting,” pero wala kang kamukha. Nag iisa ka. Kahit pag sama-samahin pa lahat ng sining na narito sa museyong ‘to, wala pa rin silang panama sa gandang tinataglay mo.
“Ewan sa’yo. Kinukuhaan mo ba ako ng pictures pa? Patingin nga!”
Hinablot niya sa kamay ko ang telepono ko. Wala akong nagawa. Tinignan niya rito ang mga litratong kuha ko sa kanya. Nalaman na niya tuloy na sa bawat sulok na puntahan namin ay may kuha siya. Ang laki ng ngiti niya, kumikinang rin ang mga mata niya.
Bago kami magpunta rito ay may isang hiling ako, nawa’y matupad man lang ito.
Pinagpatuloy namin ang paglilibot at napunta kami sa pasilyo ng mga eskultura ng mga santo at iba pang arkitekturang halaw sa simbahan. Hindi na ako ‘sing relihiyoso tulad noong nasa high school ako, hindi na ako gaanong nagdadasal, ngunit sa paniniwala ko’y nilikha ka Niya para sa’kin.
Ang mga kulay at piyesa mo ay tugma sa bawat isa. Sa lahat ng pasilyo ng museyong ito, ikaw ang perpektong naihulma Niya.
Hinawakan mo ang kamay ko at hinila na ako patungo sa labasan. Pagod na yata ‘to.
Narito muli tayo sa pasilyo kung nasaan ang Spoliarium. Hawak mo pa rin ang kaliwang kamay ko sa kanan mo naman. Mariin mong tinititigan ang sining. Sinuri mo ang bawat detalye nito at tila nakipag usap ang kaluluwa mo sa kwento ng larawan. Sinusubukan niya yatang bumalik sa nakaraan para lubusan niya itong maunawaan.
Ilang minuto rin kaming nakatayo sa harap ng Spoliarium.
“Tara, ice cream?” pag-aya niya.
Sinagot ko siya ng ngiti at hinila na rin siya palabas.
Isa lang ang hiling ko bago kami magpunta rito.
Hiling kong makita niya ang sarili niya sa kung paano ko siya nakikita. Ito ang pinaka malapit at pinaka posibleng paraan. Dinala ko siya sa museyong ito para maramdaman niya ang pagka mangha ko sa mga ngiti niya. Ang bawat painting na narito ay maaaring maihalintulad sa mga ngiting ipinipinta ng mga labi nya at ang mga eskultura ay ang mismong siya. Ang bawat piyesa ng mga sining na ito ay ang bumubuo sa isang napaka gandang museo. Ang bawat piyesang bumubuo sa kanya ay ang siya ring mga piyesang bumubuo sa bawat araw na nasisilayan ko siya.
“Akala ko ba hindi ka masyadong appreciative sa mga painting?” tanong ko sa kanya.
Niyakap niya ako ng pagkahigpit.
“Hindi nga,” bulong niya habang yakap pa rin ako.
“Eh bakit pumayag kang libutin ang National Musuem of Fine Arts?”
“Syempre, ikaw kasama, eh.”
“Sus, galing mo talaga mambola!” sabay kurot ko sa pisngi niya.
“Seryoso,” hinawi niya ang buhok ko para ilagay ito sa likod ng aking tenga, “kahit saan, basta kasama ka.”
Nagtawanan kami ng bahagya sa palitan namin ng matatamis na salita. Lumakad na kami para maghanap ng ice cream na inaasam niya.
Hindi ako relihiyoso, pero Diyos ko, siya ang paborito kong likha mo.
Mabilis mangalay ang mga paa ko, pero lahat ng museo kaya kong lakarin kung siya ang kasama ko.
Sa wakas, napagtagpo ko na rin sila ng mga kapwa sining niya.
“Appreciative ako sa mga sining na tulad mo.”
‘Yon ang sabi niya.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment