Walong Tomasino ang pasok sa top 10 ng August 2023 Board Licensure Exam para sa mga Psychometricians at Psychologists (BLEPP), ayon sa inilabas na resulta ng Professional Regulation Commission (PRC) ngayong Miyerkules, Agosto 9.
Pinangunahan ni Earl Mallari ang bagong pangkat ng Tomasinong Psychologist matapost nitong pumangatlo na may iskor na 86.00 porsyento.
Samantala, sina Krizzia Bautista, Joseph Dillague, at Mary Mark Loba ay pare-parehas na nakakuha ng 88.00 porsyento dahilan upang masungkit nila ang ika anim na pwesto.
Sinundan naman ito ni Khim Panaguiton na nagkamit ng ika-walong pwesto na may 87.60 porsyento. Hindi naman nagpahuli sina Andre Oliveros, Ezekiel Saligumba, at Mary Joy Serafin na pinagsaluhan ang ika-sampung pwesto matapos makakuha ng iskor na 87.20 porsyento.
Sa kabuuan, pitong Tomasino ang nakasungkit ng pwesto sa August 2023 Psychometrician licensure examination habang isa naman para sa Psychology Licensure Examination.
Ang Unibersidad ay itinanghal na pangalawa sa mga top-performing schools para sa mga Psychologist na may 93.55 porsyento at pangatlo naman sa para sa mga Psychometrician matapos makapagkamit ng average na 98.88 porsyento.
Si Jessica Dee ng Ateneo De Manila University-Q.C. ang nanguna sa Psychology Licensure Examination. Samantala, si Bianca Reyes mula sa Bulacan State University-Malolos naman para sa Psychometricians Licensure Examination.
Ayon sa PRC, tinatayang nasa 6,133 ang itinanghal na mga bagong Psychometrician, habang 339 naman ang bilang ng mga pumasa na kumuha ng pagsusulit sa Psychology.
Ang BLEPP ay ginanap sa syudad ng Metro Manila, Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Koronadal, Legazpi, Lucena, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao, Zamboanga, at Palawan noong Agosto 1-2.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment