TomasinoWeb logo
TomasinoWeb logo

Friday, October 11, 2024

Muerto

6 min readMadapa man ako ngayon, maka salubong ang ayaw kong maka salubong, o maubusan man ako ng ulam sa hapag, ay hindi hihintong saglit ang oras para lang umayon ang lahat sa bagal o bilis ng takbo ng araw at buhay ko.
Profile picture of MJ Jadormio

Published over 1 year ago on May 18, 2023

by MJ Jadormio

SHARE

Main image of the post

(Artwork by MJ Jadormio/TomasinoWeb)

SHARE

First time kong makakita ng multo.

Nag sisimula nang sumilip ang araw at lumiwanag ang langit nang magising ako. Naramdaman ko ang malambot na kama at niyapos nang mahigpit ang kumot. Tumayo ako at binuksan ang bintana. Napaka ganda ng pagkaka pinta ng mga kulay sa itaas.

Dali-dali akong kumilos dahil baka iniintay na niya ako. Mabilis 'kong kinuha ang tuwalya ko at pumasok sa banyo para maligo. Nang matapos, tumungo ako sa kusina. Napatigil ako dahil may malamig na hangin na humaplos mula sa aking mukha tungo sa buong katawan. Huminga ako nang malalim sapagkat hindi ko na maramdaman ang puso ko. Biglang nanlabo ang mga bagay sa paningin ko, ang sahig na kinatatayuan ko ay naging sing lamig ng yelo, at parang nanlalambot na ang buong katawan ko.

Kailangan kong pumasok sa school, kaya pinilit kong gumalaw papunta sa kalan at nag salang ng sinaing na siyang babaunin ko para sa pananghalian. Nang maihanda ang mga kailangan kong dalhin ay nag madali akong lumabas ng dorm para umabot sa klase ko. Malapit lang naman, hindi ko na kailangan pang sumakay. Kaya namang lakarin. Nasaan kaya siya? Siguro nandoon sa palaging pinaghihintayan niya sa akin. "Uy!" sigaw sa akin ng kaklase ko. Sabay na kaming pumasok dahil kapwa naman kaming walang kasabay parati.

Nang makarating sa school ay lumakad kaming dalawa tungo sa building namin. Marami kaming nadaanang madilim na mga eskinita, mga taong tila balisa, at mga punong hindi alintana ang pagbabago ng panahon. Naiinip na kaya siya? Sana naman ay hindi pa.

Wala siya sa Plaza Mayor. Doon naman kami parati nagkikita, pero bakit ngayong araw pa na ito siya nawala? Unang araw ko pa naman na makakapasok sa classroom pagkatapos ng ilang taon na nasa kwarto lang o 'di kaya'y sa kusina ako dumadalo sa klase. Sabik na sabik pa naman akong isa-isahin sa kanya ang magiging bawat detalye ng araw ko. Umaga pa lang tuloy pero parang nawalan na ako ng gana.

Nang matapos ang klase ko ay pumunta akong mag-isa sa library. Hindi para mag basa, kundi para sa tahimik na paligid at makapag isip-isip ako. Hindi ko rin namalayan na narito pala ako sa *Science and Technology *na bahagi ng library. Tinanong ko pa yung kaklase ko kung paano ba umakyat papunta rito dahil nga ito ang unang beses kong makapasok din dito.

Sinubukan kong mag hanap ng pwede kong basahin na libro, pero naalala ko na hindi naman swak sa kurso ko ang mga librong narito. Lumabas ako sa isa sa mga pasilyo ng mga libro nang may bigla akong nakabangga. Sumakit ang kanang braso ko dahil tumama ako sa bakal ng shelf at parang umalingawngaw sa tenga ko ang tunog ng pagkaka bangga ko rito. Nakarinig ako ng mga tawa, mga hagikhik na hindi ko naman dapat marinig sa lugar na ito. Nakita ko pa sila, napakunot ako ng noo dahil sa inis. Bakit naman dito pa nag tatawanan at kwentuhan? "Ate, excuse me," sabi sa akin ng isang estudyante at para bang kanina pa siya nasa likod ko. Nawala ang hagikhikan, pati na rin ang mga humahagikhik kanina lang.

Bumaba na ako para pumunta ulit sa tagpuan namin pero wala pa rin siya roon. Ang upuang bato ay malamig at malapit na ring matuyo dahil sa sikat ng araw. Sana hindi na umulan ulit. Ang simoy ng hangin ay unti-unti na ring umiinit. Ang mga puno ay malago at ang mga bulaklak nito ay pinupuno ng halimuyak ang hangin. Magandang araw sana ito para mag kwentuhan habang kumakain ng sorbetes. Miss ko na siya.

Ito ang unang araw namin sa campus. Sa loob ng halos tatlong taon ay araw-araw kaming nagkikita sa mga online video conferencing applications para makapag kwentuhan. Madalas nag iiyakan at sinasabing gusto na sumuko dahil sa dami ng gawain. Sa bawat araw ng dalawang taon namin sa high school ay kami na ang magkasama mula pa noong umpisa. Noong mga panahong mahirap intindihin ang mga gawain, mga araw na hindi naging maganda ang sagot namin sa recitation, at mga pagkakataong pula na naman ang mga marka namin sa Blackboard. Sa lahat ng umpisa, gitna, at pagtatapos ay siya ang parati kong kasama. Ako ang unang babati sa kaniya, "Congratulations, bagsak na naman tayo!". Kung sa iba manggaling iyon ay siguradong mapipikon kami pareho.

Siyaang mga alaala ko noong senior high school. Best friends kami. Mga alaala ang bitbit ko sa araw-araw na biyahe ko papunta't pauwi. Nasa kolehiyo na ako ngayon at ang mga alaala ko ay hindi na napalitan ng mga bago. Ang mga hagikgikan sana namin ng mga kaibigan ko noon sa *library,*ang hintayan at pagtambay sana namin sa Plaza Mayor kung saan kami unang nagkita kita bago magtapos, at ang mga sorbetes na hindi namin nabili't napag saluhan. Ang hirap kalimutan at ang hirap palitan. Sayang ang dalawang taon pero kailangan naming magpatuloy.

Parang mga tren sa LRTtuloy-tuloy ang biyahe. Hindi ka nito hihintayin kahit pa nakapila ka na para bumili ng ticketmo, kahit pa isang hakbang na lang ang layo mo mula sa mga bagon nito. Hindi hihinto ang tren para sa iyo. Ang bawat patak* tik tok* ng orasan ay tanda na hindi titigil ang mundo para intayin ako. Madapa man ako ngayon, maka salubong ang ayaw kong maka salubong, o maubusan man ako ng ulam sa hapag, ay hindi hihintong saglit ang oras para lang umayon ang lahat sa bagal o bilis ng takbo ng araw at ng buhay ko. Iyon ang hindi ko naitatak sa isipan ko bago ako tumuntong sa kolehiyo.

Matatakutin akong tao, pero ako mismo sa sarili ko, hindi ko alam kung ano ba talagang pinaka kinakatakot ko. May ibang takot sa matataas na lugar, may ibang takot sa ipis, sa dilim, at sa marami pang mga bagay. Napaisip tuloy ako, ano ba talagang kinatatakutan ko? Pinagmasdan ko ang mga punong tila hindi naiistorbo ng pagbabago ng panahon. Simula noong mag kolehiyo ako mas madalas ko nang marinig itong tanong na ito, "kumusta ka?". Hindi ko lang naririnig mula sa iba kundi pati mula sa sarili kong mga labi. Paulit-ulit kong itinatanong sa mga kaibigan ko kung ano na bang ganap sa mga araw nila. Paulit-ulit ko ring itinatanong sa sarili ko kung kumusta na ba ako. Madalas ang mga daliri'y nasa keyboard, ang mga mata'y sa screen, at ang tainga'y may salpak na earphones.

Iba naman ngayong araw. Iba sa mga araw na nakasanayan. Ang mga daliri'y nakakapit nang mabuti sa strap ng bag, ang mga mata'y hinahanap ang mga kaklase para maka sabay sa pag akyat, at ang tainga'y malaya mula sa earphones. "Uy, totoong tao ka pala," biro ko sa kaklase kong parati kong pinag tatanungan kung may kailangan bang gawin dahil minsan nakakabalisa kapag hindi ko kaharap ang *laptop *ko. Ito na ang kasalukuyan ko, hindi ang mga sandaling nasa mga alaala ko. Hindi pala siyaang nag iintay sa akin, kundi ako ang nag iintay para sa kaniya.

Hindi ako hihintayin ng mundo. Kailangan kong gumising at bumangon para sa kasalukuyan ko at hindi dahil gusto kong magtagpo muli kami ng mga alaala ko.

First time kong makakita ng multo.

Naestatwa ako mula sa kinatatayuan ko. Nanlamig ang buong katawan ko at hindi ko maigalaw kahit pa ang mga daliri ko. Matatakutin akong tao. Malamig na haplos ng hangin lang ay kumakabog na agad ang dibdib ko. Matatakutin akong tao kaya't gusto kong lumuha nang makakita ako ng multo. Alam ko na ang kinatatakutan ko, pagbabago. Ang multo ng pagbabago.

Tumakbo ako. Ayaw ko nito. Ayaw ko sa mga pagbabago. Paano ko haharapin ang mga hindi ko naman nakasanayan? Paano ako mag titipa ng mga letra sa hindi ko pa naman nahahawakan? Paano ako maliligo sa tubig na hindi ko pa napakiramdaman kung malamig o tama lang para sa akin? Ayaw kong alamin, pero may mga boses na bumubulong sa akin at sinasabing kailangan ko itong harapin at yakapin.

Welcomesa kolehiyo. Kung saan walang sigurado at napakaraming pagbabago. Tara, tuloy tayo. Sa bawat umpisa, mayroong mga pagbabago. Ito ang karanasan ng bawat baguhan sa kolehiyo. Ang pagpasok sa bagong yugto ng buhay ay hindi madali, ngunit ito ay isang pagkakataon upang magpakita ng determinasyon at kahandaan sa mga hamon na darating. Ang kolehiyo ay hindi lamang tungkol sa pag-aaral ng mga akademikong konsepto at mga teorya. Ito ay isang panahon ng pagtuklas ng sarili at pagpapakilala sa mundo. Sa kolehiyo, makakatagpo ka ng iba't ibang tao at magkakaroon ka ng mga kaibigan na magiging kasama mo sa iyong paglalakbay.

Nag sisimula nang sumilip ang araw at lumiwanag ang langit nang magising ako. Niramdam ko ang malambot na kama at niyapos nang mahigpit ang kumot. Tumayo ako at binuksan ang bintana. Ngunit 'di tulad noong nakaraan, sabay ng sikat ng araw ay ang pagbuhos ng ulan at biglaang pagdilim ng kalangitan.

Hindi na ako nagmamadali. Marahan kong inihanda ang mga gagamitin kong damit at kinuha ang tuwalya ko para maligo na. Pagkatapos ay pumunta na ako sa kusina para ihanda ang babaunin kong pananghalian. Napahinto ako nang may malamig na hangin ang dumaloy mula sa tuktok ng ulo ko hanggang sa dulo ng mga daliri ko. Huminga ako nang malalim para ramdamin ang bigat ng puso ko. Malinaw na ang lahat, ang sahig ay hindi lumamig na tila yelo, at nanatiling kalmado ang katawan ko. Welcome sa kolehiyo kung saan hindi ka hihintayin ng mundo at hindi mo malay ang takbo nito.

Profile picture of MJ Jadormio

MJ Jadormio

Executive Editor

MJ Jadormio is the Executive Editor of TomasinoWeb. Being a journalism student, she is interested in writing about people, politics, and sports. She is also exploring the world of writing fictional horror stories. Away from being a writer, MJ has also been devoting her time into media production. You may find her pondering upon wrong answers and making them the right answers in search of another bunch of questions or just catching up with old friends when not working.

Comments

Loading comments...

Leave a Comment

*

*

(will not be displayed)

*