Sa nakaraang taon, ipinatupad ang online classes upang maiwasan ang pagtigil ng panuruang taon. Nang walang maayos na transisyon, ang mga mag-aaral, guro, at mga institusyon ay mabilisang umayon sa estilo ng online learning habang pilit na isinisiksik ang kanilang sarili sa hindi pamilyar na hulma, kasama ng presyur na sumunod sa batas at magpatuloy na para bang walang nangyayaring krisis.
Ang pagputok ng isang pandemya sa panahon ngayon ay nakakagulat. Subalit, kumpara noon, mas maganda na ang ating teknolohiya at kakayahan ng mga healthcare workers. Sa kabila nito, walang bansa o tao ang nakaisip sa posibilidad na maaring pa palang lumala ang krisis na ito at humantong sa ating kasalukuyang sitwasyon.
Noong ika-30 ng Enero 2020, iniulat na isang 38 anyos na babaeng galing Wuhan, China kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa bansa. Dahil dito, mabilis na hiniling ng mga Pilipino ang travel ban upang maiwasan ang pagtaas ng mga kaso. Ngunit nagpatupad lamang si Pangulong Rodrigo Duterte ng temporary travel ban. Noong ika-7 ng Marso 2020 naman nakumpirma ang unang local transmission ng virus na nagtulak kay Mayor Isko Moreno na suspindehin ang klase sa lahat ng antas sa Maynila nang isang linggo.
Ang inaasahang maikling pahinga para sa mga estudyante at guro ay madaling nauwi sa panahon na walang katiyakan at pagod.
Kahit na umapela ang mga Pilipino ng mass testing, pinili ng DOH na hindi ito ipatupad dahil ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergerie, mauuwi lamang ito sa ‘indiscriminate testing’. At kahit marami na rin ang mga aral at ulat tungkol sa bisa nito, hindi pa rin sila nakinig.
Buhat ng kawalan ng mass testing at nararapat na patakaran maliban sa lockdown, nagkaroon ng mga araw na umaabot ang mga kaso ng COVID-19 sa mahigit 15,000.
Ang pagdating ng mga bakuna ay hindi lamang isang hakbang tungo sa pagbabalik natin sa normal, kundi isa ring tagadala ng pag-asa sa lahat, lalo na sa mga mag-aaral na naghahangad ng #LigtasNaBalikEskwela. Ngunit, dahil sa kakulangan ng supply, ang agarang pagpapabakuna sa buong populasyon ay aabot nang mas matagal pa sa ating inaasahan.
Sa 26.1 milyong doses ng bakuna na kasalukuyang ipinapamigay, 12 milyong mamamayan o 11.1 porsyento lamang ito ng buong populasyon pa lamang ang nakatanggap nito.
Base sa kasalukuyang sistema ng mga vaccination sites, nakakadismayang sabihin na malayo pa tayo sa ating hangarin na mabakunahan ang lahat bago matapos ang taon at mukhang malabo pa rin ang pagbabalik sa paaralan ng mga mag-aaral sa simula ng taong 2022.
Maraming isyu ang naiulat tungkol sa online classes katulad na lamang ng mahinang internet, kakulangan sa kagamitan, dagdag gastos, at ang pagod ng estudyante at guro. Kung tutuusin, hindi biro na magpokus sa pag-aaral habang ang mundo ay nasa kalagitnaan ng isang problemang mahirap na solusyonan.
Mahigit isang taon na ang lumipas matapos unang ipatupad ang online classes. Ang linya na humahati sa hangganan ng pag-aaral at pagpapahinga ay lalong lumalabo habang dumadaan ang mga araw. At kadalasan, ang tungkulin ng isang mag-aaral, isang anak, isang kapatid, at isang tao ay nagiging mahirap nang panghawakan. Sa katunayan, hindi nakikita sa isang maliit na parihaba ang lungkot, pagod, at kalagayan ng isang estudyante pati na rin ng mga guro.
Malapit na ba tayo? Oo. Palapit nang palapit ang lahat sa punto ng burnout. Hindi tayo binigyan ng sapat na panahon para magluksa, umiyak, at matakot. Subalit, dire-diretso tayong inilagay sa posisyon kung saan dapat ituloy ang mga nasimulan. Sa halip na maging masaya ang karanasan ng pag-aaral, marami na ang nagdadalawang-isip kung dapat pa ba nilang ipagpatuloy ito.
Ang kanilang mga pangangailangan ang dapat unahin, lalo na pagdating sa kanilang pag-aaral. Dahil paano sila matututo nang matiwasay kung ang kalagayan ngayon ay palala nang palala? Paano nga ba masisigurado na nahahasa ang kanilang mga abilidad? Paano sila magkakaroon ng pokus sa pag-aaral kung bigla silang nakulong sa maliit na espasyo malayo sa paaralan at kanilang nakasanayan?
Para maibsan ito, kailangang magkaroon ng mas mainam at matalinong desisyon ang mga namumuno. Hindi na uubra ang pagpilit sa paggamit ng face shield, pag-implementa ng lockdown, at pagsagawa ng press conference tuwing madaling araw.
Dapat na mamulat ang administrasyong Duterte sa totoong isyu na kinakaharap ng bawat Pilipinong mag-aaral at guro sa ilalim ng pandemya. Ang kaligtasan ng mga kabataan ay dapat gawin ding prayoridad sapagkat sila ang magpapatakbo ng kinabukasan ng ating bayan.
Comments
Loading comments...
Leave a Comment