Connect with us

Literary

Mga Tomasinong manunulat, pinakilala ang mga bagong kalakaran sa panitikan

Published

on

Magakakasamang inilunsand nina (mula sa kaliwa) Chuckberry Pascual, Agay Llanera, John Jack Wigley at Ricky Lee ang kanilang mga aklat sa ikalawang araw ng Philippine Readers and Writers Festival sa Raffles Makati, Sabado, ika-26 ng Agosto. Kuha ni Von Ozar/TomasinoWeb.

Dalawang Tomasinong manunulat ang nagpakilala ng mga bagong istilo ng pagsusulat kasabay ng paglunsad ng kanilang mga aklat sa Philippine Readers and Writers Festival sa Raffles Makati noong ika-26 ng Agosto.

Para sa manunulat ng dula at maikling kwento na si Chuckberry Pascual, napili niyang paglaruan ang iba’t-ibang kategorya ng genre fiction literature, partikular na ang “cozy mystery” sa kanyang ikalawang koleksyon ng mga maikling kwento na Ang Nawawala.

Nilalagdaan ni Pascual ang isang kopya ng kanyang aklat na “Ang Nawawala.” Kuha ni Von Ozar/TomasinoWeb.

 

“Ang genre fiction ay mayroong pa ring rules — part nito na mareresolve siya sa dulo upang maipakita na buo ang mundo. Pero, hindi ko pa rin siya lahat sinusunod. Hindi lahat ng nawawala ay nawawala talaga at hindi lahat ng nawawala ay natatagpuan, [so may mga ganun akong ] pagsubvert ko sa genre” wika nya.

Dagdag ni Pascual, madalas itinatampok sa “cozy mystery” ang mga kwentong magkaka-ugnay sa isang maliit na pamayanan, at dahil sa mga nasabing elemento nito, madali niyang maibabahagi ang kaniyang sarili sa akda tulad ng lugar na kaniyang kinalakhan.

“Attempt ito na mas makipag-usap kaysa ako lang yung kinakausap ko”, aniya.

Batid ni Pascual na hindi biro ang kanyang napiling genre sapagkat ang mga kategoryang nakapailalim dito ay may iba-ibang patakaran at paraan ng pagsulat, kung kaya pinapahalagan niya ang opinyon ng kanyang mambabasa upang mas mapaganda ang mga isinusulat na akda.

Tinalakay ni Wigley ang komedya at pagpapatawa sa panitikan. Kuha ni Von Ozar/TomasinoWeb.

 

Pagsulat ng pagpapatawa

Samantala, pinakilala naman ni John Jack Wigley ang paggamit ng pagpapatawa sa Pilipinong panitikan sa paglunsad ng kaniyang librong Lait (Pa More) Chronicles.

Idiniin niya na may kaakibat na hamon ang pagsusulat ng mga kwentong nakakatawa.

“Mahirap magsulat, period. Ang mag-isip pa na magsulat ng nakakatawa ay isa nang death-defying act.”

Ani nya, hindi kailangang palaging “tulo-laway” ang akda, sapat nang mayroong halong ibang emosyon ang nakalakip dito.

Dagdag pa niya, dapat gawing katawa-tawa ng isang manunulat ang kaniyang sarili at isipin na hindi ito nakakababa ng pagkatao dahil mas paniniwalaan ng mga mambabasa na nagsasabi ang manunulat ng katotohanan.

“[…]madaming posibilidad sa humour writing. Pwede mong isulat ang truth sa bersyong nais mong isulat. Tandaan: Ang humor ay culture dependent, so dapat maging sensitibo sa mambabasa ang manunulat sa ganitong klaseng sulatin.” paalala ni Wigley

Hindi lamang ginagawa ang pagpapatawa upang magbigay saya ngunit, isa rin itong paraan ng paghahatid ng mensahe tulad ng ibang uri ng panitikan.

“Bago maging magaling na manunulat ng humour, maging isang magaling na manunulat muna. At bago isang magaling na manunulat, maging magaling na mambabasa muna,” ani Wigley. — D. Arcegono

Comments

Literary

Huwag Mo Kaming Salingin

Pagkat habang may laban,
Patuloy ang sigaw namin:
Huwag mo kaming salingin.

Published

on

Dibuho ni Jomari Robiso/TomasinoWeb.

Noong sinauna,

Bago man daw lumaya,

Ang sigaw ni Rizal

Sa Inang Espanya:

Huwag Mo Akong Salingin.

 

Nang dakipin ang Supremo,

Nang sa likod ay tumuhog ang bolo,

Ang sigaw ni Bonifacio

Sa kapwa Pilipino:

Huwag Mo Akong Salingin.

 

Nang dumating ang estrangherong Kano,

Sa pag-aastang Diyos ng mundo,

Ang sigaw ng rebolusyonaryong Pilipino

Nang agawin ng Kano ang panalo:

Huwag Mo Kaming Salingin.

 

At ginapi, pinatay, iniwan sa Hapon,

Ang perlas ng silangan ay inulan ng dugo,

Sumigaw sa kanayunan ang hukbong bayan

At tumindig, itinaas: Huwag Mo Kaming Salingin.

 

Ngunit ngayo’y sa’n nanggagaling

Ang mga katagang gasgas na rin,

Sa lansangan, sa nayon,

sa syudad, sa pabrika,

Maging sa pamantasan din.

 

Panahon na para mamulat,

Panahon na para magising,

Pagkat habang may laban,

Patuloy ang sigaw namin:

Huwag mo kaming salingin.

Comments

Continue Reading

Literary

Pagsasalin, napakalawak ng pangangailangan

Binigyang-diin ng isang propesor sa Departamento ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon ang “malawak na pangangailangan” sa larangan ng pagsasalin ng wikang Filipino noong Huwebes, ika-30 ng Agosto.

Published

on

wennielyn fajilan presenting
Kuha ni Alexa Taay/TomasinoWeb.

Binigyang-diin ng isang propesor sa Departamento ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon ang “malawak na pangangailangan” sa larangan ng pagsasalin ng wikang Filipino noong Huwebes, ika-30 ng Agosto.

Sa ginanap na Siyasik 2018: Pagbabasa ng mga Saliksik-Papel, iginiit ni Asst. Prof. Wennielyn Fajilan, Ph.D. na “napakalawak pa ng pangangailangan” sa translation studies, translation criticism at translation history.

“Yung translation of meaning from one text to another ay batayan ng pagsasalin. Kapag tiningnan sa ibang lipunan, makikita na hindi lang pala iyon ang value niya,” wika ni Fajilan

Sa saliksik-papel ni Fajilan na pinamagatang “Pananalig sa Bata: Kasaysayan at Panunuri ng Muling Pagsasalaysay at Pagsasaling Pambata sa Filipino,” inilahad din niya ang kasulukuyang kalagayan ng pagsasalin dito sa ating bansa partikular na sa mga panitikang pambata.

“Kapag nagsasalin ng panitikang pambata, nagsasalin din ng pagkabata. Bitbit ng tagasalin ang ating pagkabata” at makapangyarihan ang mga ilustrador bilang tagasalin ng panitikang pambata, ani Fajilan.

“Hindi mo titingnan yung bata ng tabularasa. Mayroon na siya kaalaman. Kapos siya sa karanasan pero hindi ibig sabihin na kapos siya sa kaalaman,” dagdag pa niya.

Nabanggit din ni Fajilan na ang pagsasalin ay “migration” at walang pagsasalin na parehas dahil “magkakaiba ng pokus.”

Ang programang Siyasik ay naglalayong hindi lamang maibida ang mga saliksik-papel ng mga guro kundi mas makatulong pa sa pagpapaunlad ng wikang Filipino at makapag-ambag sa pag-aaral nito.

Ginanap ang nasabing programa sa Gusaling Albertus Magnus kahapon, sa pangunguna ng Departamento ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad. John Aaron Pangilinan

 

Comments

Continue Reading

Literary

Isang liham para sa bagong, ganap na Tomasino

Naalala mo pa ba ang mga panahong halos maiyak ka na sa kahahabol sa mga dokumentong kailangang mong ipasa para makapasok?

Published

on

walking thomasian art
Likhang-sining ni Kaye Iral/TomasinoWeb.

Naalala mo pa ba ang mga panahong halos maiyak ka na sa kahahabol sa mga dokumentong kailangang mong ipasa para makapasok? O ‘di kaya yung mga sandaling halos mabaliw ka na sa kahihintay sa pasukan? Naalala mo rin ba yung mga gabing paikot-ikot ka lang sa kama at wala ka nang ibang magawa kung hindi ang pumikit at taimtim mong ipagdasal na sana kayanin mo ang lahat?

Pumipintig. Sumisigaw. Tiyak naramdaman mo rin ang pagbilis ng tibok ng iyong puso noong tumawid ka sa makasaysayang Arko. Sa wakas, isa ka nang ganap na Tomasino. Sa karagatan ng dilaw at ginto, naramdaman mong kabilang ka rito.

At ngayo’y nag-uumpisa na muli ang mga klase. Mararanasan mo na ulit ang mga sandaling tinatamad kang bumangon dahil kulang ka sa tulog, ngunit kailangan mo pa rin pumasok sa kabila ng pagod. Minsan, hindi ka na kakain ng almusal at gagawin mo nalang ang natitirang mga gawain bago ka pumasok. Mararanasan mo na ulit ang pagmamadali sa pagtakbo bago pa magsimula ang Angelus. Babalik nanaman tayo sa paghiling sa kung sino mang nakikinig na sana hindi nanaman sira ang LRT at mabilis ang daloy ng trapiko.

Sa mga darating na linggo ay mararamdaman mo na ulit ang bigat na dinadala ng isang estudyante. Mas uunahin mo ang pagtapos sa iyong mga takdang aralin o pag-aaral sa isang pagsusulat kaysa sa pagtulog. Tila biglang bumibilis ang takbo ng oras habang ikaw ay natataranta sa sobrang dami ng iyong mga gawain. Mapapaisip ka nanaman kung para saan at para kanino mo ba ito ginagawa?

Lagi mong tandaan na hindi lahat ng kaalaman ay nasa PowerPoint slide ng iyong guro, ito ay iyong mapupulot sa iba’t ibang uri ng tao na iyong makakasalamuha sa loob at labas ng Unibersidad.

Ang tunay na kaalaman ay iyong makukuha sa mga panahong bumagsak ka at tinalikuran ka ng mga taong inakala mong sasamahan ka hanggang sa dulo. Ang tunay na kaalaman ay iyong makakamit kapag minulat mo ang iyong mga mata. Ang tunay na kaalaman ay iyong mapupulot sa pagmamahal hindi lamang sa iyong ginagawa para sa pangarap, kung ‘di para rin sa bayan.

Lagi mo ring tandaan na lahat ng iyong mga paghihirap ay may kapalit. Kahit gaano pa kahirap o kabigat ang bawat gawain ay magiging maganda at masagana ang bunga nito. Huwag ka lang sumuko dahil magiging maayos rin ang lahat.

Kaya kung napapagod ka na, bigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili na magpahinga. Kung sa tingin mo na ikaw ay naliligaw sa lawak ng daan at hindi mo na alam kung ipagpapatuloy mo pa, bigyan mo ng oras ang iyong sarili para makapag-isip.

Ang aking pagpasok sa Unibersidad ng Santo Tomas ay isa lamang sa mga mararaming kahilingan na aking natupad. Bukod dito, ito ay ang aking pangalawang tahanan, at sa tahanang ito ay nakilala ko ang mga taong tinuring kong pangalawang pamilya. Kahit malayo layo pa ang daang tatahakin, masasabi kong lubos na akong napamahal dito. 

Nagbabago na ang lahat, at kasama na ako dito. J. B.

Comments

Continue Reading

Trending