Connect with us

Literary

Hapag

Matagal ko ring hinintay ang araw na ito. Matagal-tagal rin akong naghintay.

Published

on

Paikot-ikot ang mga mata ko sa silid-aralan. Unti-unting naglaho ang boses ng guro sa aking mga tainga. Hindi ako mapakali sa bawat pagpatak ng oras. Ilang segundo na lang at makakaalis na ako. Kaunti na lamang at—

Okay class, you are dismissed.

Hindi na ata ako nakapagpaalam kay ma’am, pero hindi ko na rin ito inalintana. Kumaripas na ang aking mga paa paalis ng kuwarto sa unang hudyat pa lamang na uwian na.

“Kailangan kong mauna,” bulong ko sa sarili ko, habang kumukuliling ang orasan at dahan-dahang nilulunod ng mga boses at ingay ang koridor. Paglabas ng gate, tinakbo ko ang kalsada hanggang sa nadatnan ko ang isang tindahan—mga dalawang kanto sa kanan mula sa eskwelahan. Naaalala ko pa nung dinadala ako ni nanay dito para bumili ng sorbetes, yung tindahan na may malaking poster ng Coke sa labas na kumupas na dahil sa init at panahon. Buti na lamang, wala pang tao at nauna ako kahit paano.

***

Hakot dito, hakot doon—kung anu-ano na ata ang nabili ko. Pilit kong tinipid ang pera sa pitaka ko, binibilang bawat barya mapagkasya lamang ang aking naipon mula sa pabaon sa akin ngayong linggo. Kailangan ko rin ng pamasahe pauwi. Nang mamarkahan ko na ang huling gamit sa aking listahan, agad ko nang binayaran ang mga naamili ko at itinago ang sukli sa aking bulsa. Baka mawala pa. Hinakot ko na rin ang mga supot at binitbit ito para iuwi. Palabas pa lamang ako sa tindahan, nakaramdam ako ng pangangatal sa aking bulsa. Nag-text na pala ang kapatid ko.

“Kuya, asan ka na?”

“Pauwi na ako. Magprepare ka na,” tugon ko.

May dumaang tricycle sa harap ng tindahan at pinara ko ito agad. Tinuro ko ang daan patungo sa bahay na madali namang nasundan ni manong drayber. Hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng matindig na pananabik at pagkapawi noong nakarating na ako sa bahay. Matagal ko ring hinintay ang araw na ito. Matagal-tagal rin akong naghintay.

***

Naabutan ko ang kapatid ko na naghahanda sa sala ng mga gagamitin namin para mamaya. Kinakabahan ako. Tumatagaktak pa yata ang pawis mula sa noo ko. Nakakapagod ding mamili at magmadaling umuwi.

“Handa ka na ba?” tanong ko sa kanya.

Tumango lamang siya at ngumiti habang nilabas ko ang napamili ko sa tindahan, na siya naming dinala ko sa kusina: lumpia wrapper, bihon, giniling, kaunting gulay—magdadala naman daw si Nanay ng fried chicken mula sa KFC. Nagsimula na akong magluto. Paminsan-minsan rin akong tumigil para mamahinga, nararamdaman ko pa rin sa kamay ko ang naghahalong kaba at pagkasabik at nanginginig ang mga binti ko. Ngunit hindi ako mapakali at dali-dali ko ring binabalikan ang niluluto ko. Isang oras ang lumipas, at matapos ng isa pa ay natapos din.

“O, anak, tapos na ba ‘yan?”

Hindi ko na pala namalayan na dumating si Nanay.

“Opo, ‘Nay! May dala kayong fried chicken?

“Aba, siyempre naman!”

Nakakatakam. Ngayon ko rin lang naamoy yung chicken pati yung mga niluto ko. Pansit, lumpia—sana kuha ko yung luto ni Tatay. Sana. Dinala ko na ang mga ulam at mga plato sa mesa nang napansin ko na may cake na nakahanda. Nakalimutan kong pakiusapan si Nanay na bumili, buti na lang naalala niya. Apat na plato, apat na pares ng kubyertos, apat na upuan, tatlong tao, at isang laptop.

            Panaupo na kami ni Nanay habang binuksan niya ang laptop sa aming harapan. Tumatawag si Tatay, at binilang ko ang bawat segundo na lumipas bago lumabas ang kanyang mukha sa screen.

One, two, three! Happy birthday to you! Happy birthday to you!

Narinig kaya ni Tatay na sintunado ako sa pagkanta? Narinig niya ata—tawang-tawa siya habang kumakanta kaming tatlo. Isa-isa niya kaming kinamusta: si Nanay sa trabaho, kami ng kapatid ko sa pag-aaral. Kinuwento niya rin ang mga nakakatuwang nangyari sa kaniyang trabaho, tulad noong nakaraan dawn a araw, kinailangan pa nila habulin ‘yung nakatakas na alimango sa kusina ng restawran. Halos maiyak kami sa kakatawa at napalo ko pa ang aking hita kabang pinapahid ko ang aking matang nabasa ng luha. Saka ko lang noon napansin na hindi pa pala ako nakapagpalit ng pambahay. Kinapa ko agad ang bulsa ko at nilabas ang isang medal.

“’Tay, may quiz bee nga pala kami sa school ngayon! Third place ako!”

“I’m so proud of you, anak! Okay lang ‘yan kahit third place. Proud pa rin ako!” At sigurado ako, may nakita akong maliit na luhang pumatak mula sa mata niya—kita ko, kahat medyo malabo ang mukha niya sa screen.

“‘Tay, kami nga po nagluto nito,” sabik kong sinabi habang tinuturo ang mga ulam sa mesa.

“Aba! Mukhang kabisado niyo na yang lumpia at pansit, ah. Sana pwede kong tikman!”

Kahit malabo ang imahe niya sa screen, alam ko, ramdam ko na tila ba nandito pa rin siya sa bahay. Wala akong nakikitang mga balikbayan box o kaya naman ang mga imported na gamit mula sa Amerika: ang nakikita ko lamang ay ang siya, anim na taon na ang nakaraan at mga taon bago pa ang taong iyon. Parang nung kailan lamang, hindi pa kami marunong humawak ng sandok, o kaya nama’y magprito ng kahit ano. Anim na taon na ang nakaraan noong huli siyang umuwi ng Pilipinas, at tanda ko pa ang araw na iyon: pansit at lumpia ang una niyang tinuro sa’kin. Dahil hanggang ngayon, hindi ko pa rin magaya-gaya ang luto ni tatay.

“Oo nga po, ‘tay,” sagot ko, “sana matikman mo.”

 

Dibuho ni Roland Joshua Distor

Comments

Literary

Huwag Mo Kaming Salingin

Pagkat habang may laban,
Patuloy ang sigaw namin:
Huwag mo kaming salingin.

Published

on

Dibuho ni Jomari Robiso/TomasinoWeb.

Noong sinauna,

Bago man daw lumaya,

Ang sigaw ni Rizal

Sa Inang Espanya:

Huwag Mo Akong Salingin.

 

Nang dakipin ang Supremo,

Nang sa likod ay tumuhog ang bolo,

Ang sigaw ni Bonifacio

Sa kapwa Pilipino:

Huwag Mo Akong Salingin.

 

Nang dumating ang estrangherong Kano,

Sa pag-aastang Diyos ng mundo,

Ang sigaw ng rebolusyonaryong Pilipino

Nang agawin ng Kano ang panalo:

Huwag Mo Kaming Salingin.

 

At ginapi, pinatay, iniwan sa Hapon,

Ang perlas ng silangan ay inulan ng dugo,

Sumigaw sa kanayunan ang hukbong bayan

At tumindig, itinaas: Huwag Mo Kaming Salingin.

 

Ngunit ngayo’y sa’n nanggagaling

Ang mga katagang gasgas na rin,

Sa lansangan, sa nayon,

sa syudad, sa pabrika,

Maging sa pamantasan din.

 

Panahon na para mamulat,

Panahon na para magising,

Pagkat habang may laban,

Patuloy ang sigaw namin:

Huwag mo kaming salingin.

Comments

Continue Reading

Literary

Pagsasalin, napakalawak ng pangangailangan

Binigyang-diin ng isang propesor sa Departamento ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon ang “malawak na pangangailangan” sa larangan ng pagsasalin ng wikang Filipino noong Huwebes, ika-30 ng Agosto.

Published

on

wennielyn fajilan presenting
Kuha ni Alexa Taay/TomasinoWeb.

Binigyang-diin ng isang propesor sa Departamento ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon ang “malawak na pangangailangan” sa larangan ng pagsasalin ng wikang Filipino noong Huwebes, ika-30 ng Agosto.

Sa ginanap na Siyasik 2018: Pagbabasa ng mga Saliksik-Papel, iginiit ni Asst. Prof. Wennielyn Fajilan, Ph.D. na “napakalawak pa ng pangangailangan” sa translation studies, translation criticism at translation history.

“Yung translation of meaning from one text to another ay batayan ng pagsasalin. Kapag tiningnan sa ibang lipunan, makikita na hindi lang pala iyon ang value niya,” wika ni Fajilan

Sa saliksik-papel ni Fajilan na pinamagatang “Pananalig sa Bata: Kasaysayan at Panunuri ng Muling Pagsasalaysay at Pagsasaling Pambata sa Filipino,” inilahad din niya ang kasulukuyang kalagayan ng pagsasalin dito sa ating bansa partikular na sa mga panitikang pambata.

“Kapag nagsasalin ng panitikang pambata, nagsasalin din ng pagkabata. Bitbit ng tagasalin ang ating pagkabata” at makapangyarihan ang mga ilustrador bilang tagasalin ng panitikang pambata, ani Fajilan.

“Hindi mo titingnan yung bata ng tabularasa. Mayroon na siya kaalaman. Kapos siya sa karanasan pero hindi ibig sabihin na kapos siya sa kaalaman,” dagdag pa niya.

Nabanggit din ni Fajilan na ang pagsasalin ay “migration” at walang pagsasalin na parehas dahil “magkakaiba ng pokus.”

Ang programang Siyasik ay naglalayong hindi lamang maibida ang mga saliksik-papel ng mga guro kundi mas makatulong pa sa pagpapaunlad ng wikang Filipino at makapag-ambag sa pag-aaral nito.

Ginanap ang nasabing programa sa Gusaling Albertus Magnus kahapon, sa pangunguna ng Departamento ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad. John Aaron Pangilinan

 

Comments

Continue Reading

Literary

Isang liham para sa bagong, ganap na Tomasino

Naalala mo pa ba ang mga panahong halos maiyak ka na sa kahahabol sa mga dokumentong kailangang mong ipasa para makapasok?

Published

on

walking thomasian art
Likhang-sining ni Kaye Iral/TomasinoWeb.

Naalala mo pa ba ang mga panahong halos maiyak ka na sa kahahabol sa mga dokumentong kailangang mong ipasa para makapasok? O ‘di kaya yung mga sandaling halos mabaliw ka na sa kahihintay sa pasukan? Naalala mo rin ba yung mga gabing paikot-ikot ka lang sa kama at wala ka nang ibang magawa kung hindi ang pumikit at taimtim mong ipagdasal na sana kayanin mo ang lahat?

Pumipintig. Sumisigaw. Tiyak naramdaman mo rin ang pagbilis ng tibok ng iyong puso noong tumawid ka sa makasaysayang Arko. Sa wakas, isa ka nang ganap na Tomasino. Sa karagatan ng dilaw at ginto, naramdaman mong kabilang ka rito.

At ngayo’y nag-uumpisa na muli ang mga klase. Mararanasan mo na ulit ang mga sandaling tinatamad kang bumangon dahil kulang ka sa tulog, ngunit kailangan mo pa rin pumasok sa kabila ng pagod. Minsan, hindi ka na kakain ng almusal at gagawin mo nalang ang natitirang mga gawain bago ka pumasok. Mararanasan mo na ulit ang pagmamadali sa pagtakbo bago pa magsimula ang Angelus. Babalik nanaman tayo sa paghiling sa kung sino mang nakikinig na sana hindi nanaman sira ang LRT at mabilis ang daloy ng trapiko.

Sa mga darating na linggo ay mararamdaman mo na ulit ang bigat na dinadala ng isang estudyante. Mas uunahin mo ang pagtapos sa iyong mga takdang aralin o pag-aaral sa isang pagsusulat kaysa sa pagtulog. Tila biglang bumibilis ang takbo ng oras habang ikaw ay natataranta sa sobrang dami ng iyong mga gawain. Mapapaisip ka nanaman kung para saan at para kanino mo ba ito ginagawa?

Lagi mong tandaan na hindi lahat ng kaalaman ay nasa PowerPoint slide ng iyong guro, ito ay iyong mapupulot sa iba’t ibang uri ng tao na iyong makakasalamuha sa loob at labas ng Unibersidad.

Ang tunay na kaalaman ay iyong makukuha sa mga panahong bumagsak ka at tinalikuran ka ng mga taong inakala mong sasamahan ka hanggang sa dulo. Ang tunay na kaalaman ay iyong makakamit kapag minulat mo ang iyong mga mata. Ang tunay na kaalaman ay iyong mapupulot sa pagmamahal hindi lamang sa iyong ginagawa para sa pangarap, kung ‘di para rin sa bayan.

Lagi mo ring tandaan na lahat ng iyong mga paghihirap ay may kapalit. Kahit gaano pa kahirap o kabigat ang bawat gawain ay magiging maganda at masagana ang bunga nito. Huwag ka lang sumuko dahil magiging maayos rin ang lahat.

Kaya kung napapagod ka na, bigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili na magpahinga. Kung sa tingin mo na ikaw ay naliligaw sa lawak ng daan at hindi mo na alam kung ipagpapatuloy mo pa, bigyan mo ng oras ang iyong sarili para makapag-isip.

Ang aking pagpasok sa Unibersidad ng Santo Tomas ay isa lamang sa mga mararaming kahilingan na aking natupad. Bukod dito, ito ay ang aking pangalawang tahanan, at sa tahanang ito ay nakilala ko ang mga taong tinuring kong pangalawang pamilya. Kahit malayo layo pa ang daang tatahakin, masasabi kong lubos na akong napamahal dito. 

Nagbabago na ang lahat, at kasama na ako dito. J. B.

Comments

Continue Reading

Trending