Connect with us

Literary

Ang Nagtatagong Humahalakhak

Gusto ko nang sumigaw at kumaripas ng takbo ngunit hindi ko mailakad nang mabilis ang aking mga paa. Hindi na ako lumingon at patuloy akong naglakad. Malamig ang pawis na tumatagaktak mula sa aking noo. Nanalangin akong kung sino o ano man iyon ay ‘wag naman sana akong sundan.

Published

on

Illustration by Aldrich Aquino

Sabi ng Lolo ko noong bata pa ako, habang nakaupo ako sa hita niyang nagkukuyakoy, ay may ibang mga nilalang daw na kasamang mabuhay ng mga tao. May mga tikbalang, multo, manananggal, duwende, manggagalaw, mambabarang, aswang, tiktik, tiyanak, at marami pang iba. Mananatili raw sila sa aming mga tabi dahil sila na ang mga nauna. Wala pa sa kalingkingan ng aking pang- unawa na kayaning paganahin ang rason upang kuwestiyunin ang mga sinasabi ni Lolo. Ngunit sa tuwing nais nila akong pasunurin o utusan, pinapagana nila ang mga istoryang kanilang itinanim sa mura kong isipan. Habang tumitibay ang aking karunungan, nawawaglit na sa akin ang mga paniniwala sa mga haka- hakang ibinahagi sa akin ni Lolo. Sa tuwing uulan habang tirik ang araw, huli ko nang naiisip ang kasal ng tikbalang dahil nauuna na ang lohikong eksplanasyon para dito. Ito ay hanggang sa tumungtong na ako sa kolehiyo.

Madalas akong gabihin noong mga unang linggo ng klase dahil wala pa naman gaanong pinapagawa sa eskwela. Panay ang paggala ko kasama ang barkada hanggang abutan na ako ng dilim sa pag- uwi. Gabi ng Huwebes noon, alas otso na ng gabi nang makababa ako mula sa UV express. Mula sa binabaan ko ay kakailanganing maglakad sa madilim na kalsada at sa dulo ay may isang pahabang waiting shed. Umaambon noon at ang tanging liwanag lamang sa daan ko ay ang ilaw ng mga sasakyang dumadaan. Hawak ko ang cellphone na nakabukas ang flashlight para makita ko ang aking tinatapakan. Pagkatuntong ko sa ilalim ng waiting shed, ay bahagyang mas lumamig ang hanging pumapalibot sa aking balat. Malamig man ang paligid, mayroong mainit na hangin na dumadampi sa aking kanang pisnge at leeg, wari mo ay may taong humihinga sa aking tabi.

Kahit nag-aalangan ay lumingon ako, ngunit malawak na kadiliman lamang ang sumalubong sa akin. Alam kong ako lamang mag-isa nang mga oras na iyon. Kahit nangilabot ako ay hindi ako tumigil sa paglalakad. Parang walang hangganan ang waiting shed na nilalakaran ko. Malapit na ako sa dulo ngunit bago pa man ako makalagpas, ay may narinig akong mahinang hagikhik mula sa kanang gilid ko. Gusto ko nang sumigaw at kumaripas ng takbo ngunit hindi ko mailakad nang mabilis ang aking mga paa. Hindi na ako lumingon at patuloy akong naglakad. Malamig ang pawis na tumatagaktak mula sa aking noo. Nanalangin akong kung sino o ano man iyon ay ‘wag naman sana akong sundan.

Nakauwi akong tulala at halatang nababagabag. Inilapag ko ang bag sa sofa namin at inalok akong kumain ng hapunan. Napansin siguro ni Mama na matamlay ang aking pagnguya kaya tinanong nya ako.

“Anong nangyari sa’yo?”

Sandali akong tumingin sa kanya at bumalik sa pagkain. Sa mga sandaling iyon ay nanariwa sa akin ang mga kwento ng Lolo ko tungkol sa mga elementong ligaw na namamalagi sa dimensyong ginagalawan ng mga tao. Kaya kahit walang konkretong paliwanag ay sumugal ako.

“Ma, ano ngang tawag dun sa elementong pinaglalaruan ka kapag mag-isa ka lang?”

“Hindi mo na naman dala ‘yung pangontra mo ano?”

Pinutol ko ang tingin sa kanya.

“Kaya nga binigay sayo ni Lolo Pail ‘yun, para ‘di ka lapitan ng mga ‘yan”

Mga ‘yan? Ano ba sila? Sino ba sila?

Ikinuwento ko kay Mama ang mga nangyari at inabisuhan nya akong dalhin ang pangontrang pinamana sa akin ni Lolo. Kinabukasan, sinubukan kong umuwi nang mas maaga ngunit nang dahil sa trapik, inabutan ako ng alas sais bago makababa sa kalye ng Maharlika. Mula sa kinatatayuan ko ay tanaw ang waiting shed na walang tao. May kakaunting liwanag pa mula sa langit ngunit hindi ito sapat para buwagin ang mga daga sa dibdib ko. Mahigpit kong kinapitan ang pangontra na nasa loob ng aking bulsa at pigil-hiningang nilagpasan ang waiting shed. Walang malamig na hangin, walang mainit na hininga, at walang mala- demonyong hagikhik. Pagkalagpas ko sa waiting shed, ay lumingon ako sa direksyon nito. Hindi ko alam kung namalikmata lamang ako ngunit may aninong nakatayo sa dulo ng waiting shed bago ang parteng nalalapatan na ng ilaw. Kumukubli ito mula sa liwanag. Pinagsisihan ko agad ang pagbalik ng tingin at kumaripas ng takbo papunta sa istasyon ng jeep.

Ngayon, sa tuwing dadaan ako sa waiting shed na iyon, mahigpit kong tangan ang pangontra ni Lolo at hinding-hindi na ako lumilingon… kahit pa tawagin nito ang pangalan ko.

Comments

Literary

Malayo pa ang umaga

Kaming simula pagkamulat ay kabiyak na ng lupain,
bakit agarang nilipol palayo sa baybayin?
Ang paggising ng kanyang tumutunaw na ningas,
patuloy ang mahapding pagdaloy hanggang panaginip.

Published

on

Dibuho ni Tricia Jardin

Tao at kalikasan,

pinagbigkis na kaluluwa’t tinubuan,

mitsa’t ningas ng yumayabong na kalinangan,

dugo’t pulso ng mga nananahan.

Noo’y lulan nitong buklod

ay lawang mapagbigay,

hanging sinala muna’t hinimay

ng kapaligirang luntian pa—

agapay ang isa’t isa 

sa paghinga’t pag-usbong ng mga punla.

 

Kay tulin ng galamay na puminta sa kalangitan—

ang kanbas ay ginapangan ng masidhing kalamlaman.

Bago pa halikan ng araw ang guhit-tagpuan,

nauna nang sumiping ang abo sa mga nasisinagan.

 

Kaming simula pagkamulat ay kabiyak na ng lupain,

bakit agarang nilipol palayo sa baybayin?

Ang paggising ng kanyang tumutunaw na ningas,

patuloy ang mahapding pagdaloy hanggang panaginip.

Hindi matahimik

ang aming mga dalangin

Paanong ibubulong sa nakakasulasok na hangin,

kung sa singhap ko’y panganib ang nakahain?

Nasaan na ang kanlungan? Ano ang kapanatagan?

Kailan makakauwi sa aming mga tahanan?

 

Sa pag-alala ng mga araw bago ang ligalig ng pagkulo,

ang mga itinanim ay tiyak na babalik sa hapag,

ang mga bukas ay hindi purong balisa ang pasan,

ang taguan ng mga bata’y sa isa’t isa,

at hindi sa kabog ng dibdib na tatayain sila;

hihimbing ang kanayunan sa saliw ng mga kuliglig—

heleng aamo sa pagal ng maghapon.

 

Ngayong ang bungangang matagal nang huminahon

ay sumusuka ng babalang nakaguhit sa langit,

ang mga nakabaon sa lupa’y nilisang pilit,

ang almusal sa umaga’y sumamo’t pananalig,

ang bagong kalaro ng mga supling

ay kalahating mukha lamang ang sumisilip;

sandaling idlip lamang ang pinahihintulutan—

‘di maaaring pikit-mata sa susunod na paglisan.

Comments

Continue Reading

Literary

UST’s English Department hosts first treasure language storytelling in PH

The event also featured discussions on endangered languages in the country and the flaws of the Mother Tongue-Based Multilingual Education in schools.

Published

on

Photo by Deojon Elarco/TomasinoWeb

UST’s Department of English and the UST English Language Studies Society (UST- ELSSOC) organized “Wikang Yaman: Kuwento at Kwenta” which featured storytelling through indigenous languages Tuesday, Jan. 21, 2020.

It is the first treasure language storytelling event in the Philippines and in Asia which is now on its second year as part of UNESCO’s International Year of Indigenous Languages.

UST-ELSSOC gathered storytellers to share stories like the legend of Maria Cristina Falls, Sirena, and the epic of Ibalon which were told in different languages in the country such as Bikolano, Chavacano and Ilocano.

Thomasian professor Jonathan Geronimo discussed about endangered indigenous languages in the country and the flaws of the Mother Tongue-Based Multilingual Education in schools.

“Ang wika ang ekspresyon, identidad at puso ng bansa. Ito ay karapatang-pantao. […] Mahalaga ang papel na ginagampanan nito upang patuloy tayong maging malaya at sumusugo sa lipunan na wala dapat naiiwan,” Geronimo said.

According to him, aside from the conflict on which language should serve as mother tongue among the hundreds of dialects in the country, the current curriculum in schools focuses more on English language rather than the native language due to the indirect colonialism which is still very much present in the country.

In addition to this, he suggested that the government should not just adopt and implement rules from foreign countries that does not even fit in the Philippines’ situation for what works within foreign countries does not mean that it will also work for the Philippines. H. Camba and C. Bautista.

Comments

Continue Reading

Literary

Namamasko po!

Hihingi po ng aginaldo
Gantimpalang para lamang sa may pribilehiyo
Hustisya! Hustisya ang hangad ko!
Ngunit pangingitil, pangingitil ang ganti ninyo!

Published

on

Kuha ni Louise Lampa/TomasinoWeb

Sa maybahay ang aming bati

Sa tahanang sigla ang nasa lipi

Dinggin ang tinig ng mga nagapi

Sumasaliw sa tono ng nayurakang puri

 

‘Merry Christmas’ na maluwalhati

Sa haligi ng tahanang mariin pang nakabaon

Sa ilaw na hindi pa pundi ang tugon

At hindi nakatirik ang mga kandila sa poon

 

Ang pag-ibig ‘pag siyang naghari

Sa bawat sulok na naaararo ng mata

Walang mantsa ng dugo sa mga saplot nila

Tanging pag- ibig lamang ang maihahambing sa pula

 

Araw-araw ay magiging Paskong lagi

Hindi maghapong siphayo

Walang magdamagang panlulumo

Salat ng gapang ng oras ang mga nasa litrato

 

Ang sanhi po ng pagparito

Ay himpilan ng sumamong hindi tumitila

Ambon ng malasakit maaring may bisa

Sa kalamnang pinagdamutan ng mga maharlika

 

Hihingi po ng aginaldo

Gantimpalang para lamang sa may pribilehiyo

Hustisya! Hustisya ang hangad ko!

Ngunit pangingitil, pangingitil ang ganti ninyo!

 

Kung sakaling kami’y perhuwisyo

Ito’y pag-usbong lamang ng kinalimutan

Ang pag-ibabaw ng nasa laylayan

S’yang palahaw ng mga nangangailangan

 

Hindi kanlungan ang pagdiriwang

Walang takas sa bagabag ng iniwang kabilang

Ito ang tinig ng mga nilumpo

Pasensya na kayo’t kami’y namamasko.

Comments

Continue Reading

Trending