UPDATED Agosto 30, 2:36 p.m. – NAPUNAN na ng mga Artlets ang mga bakanteng posisyon ng public relations officer (PRO) at auditor matapos pormal nang maproklama ang mga nanalo sa special election, gabi ng Agosto 27.
Matatandaang nabakante ang pwesto ng PRO at auditor sa Arts and Letters Student Council (ABSC) ng apat na buwan matapos mag-abstain ang karamihan sa mga Artlets sa dalawang posisyong ito.
Prinoklamang panalo sina Ralph Jariño ng Dekada para sa auditor at Ranzel Chelska Alday ng Students’ Democratic Party (SDP) para naman sa PRO pagkatapos nilang makahakot ng 758 at 677 na boto, ayon sa pagkakabanggit. Pangawalang beses na ito ng pagtakbo ni Alday sa parehong posisyon.
Nalamangan ni Jariño ang pambato ng SDP na si Jason Javier na nakalikom lamang ng 498 na boto. Pinili pa rin ng 360 na Artlets na umabstain sa posisyon na Auditor habang 355 na Artlet ang bumoto sa independent candidate na si Jhee Ann Belgica at 242 naman kay Merrirussel Lazaro ng Grand Alliance for Progress (GAP)
Nauungan naman ni Alday ang dating ABSC Public Relations Chairperson na si Maraiah Ima Domingo ng Dekada na nakakuha 602 na boto samantalang pumangatlo ang mga bumoto sa abstain na may 373 na boto. Sinundan ito ni Ma. Denise Paglinawan, isang independent candidate, na nakapagtala ng 300 votes at ng muling tumakbong si Charrie Tadeo ng GAP na may 261 na boto.
Sa Setyembre 5 opisyal na manunungkulan si Jariño at Alday sa kanilang mga pwesto.
Mula sa patnugot: Naunang naiulat na nakakuha ng 766 na boto si Alday ng SDP. Ito ay naitama na. Ang TomasinoWeb ay humihingi ng paumanhin sa pagkakamaling ito.
Mga larawan mula sa Dekada at Students’ Democratic Party
Comments