Connect with us

Peripheral

Mga Tomasino, kinondena ang ‘marahas’ na dispersal ng mga manggagawa ng NutriAsia

“Wakasan ang kontraktwalisasyon at itigil ang pasismo.” Ito ang panawagan ng ilang mag-aaral mula sa mga progresibong grupo ng Unibersidad sa isinagawang “Black Friday Protest” sa UST Gate 2 ngayong Biyernes, ika-3 ng Agosto, kasunod ang “marahas” na dispersal ng mga manggagawa ng NutriAsia.

Published

on

mga estudyanteng nagpoprotesta
Kuha ni Miguel Yap/TomasinoWeb.

“Wakasan ang kontraktwalisasyon at itigil ang pasismo.”

Ito ang panawagan ng ilang mag-aaral mula sa mga progresibong grupo ng Unibersidad sa isinagawang “Black Friday Protest” sa UST Gate 2 ngayong Biyernes, ika-3 ng Agosto, kasunod ang “marahas” na dispersal ng mga manggagawa ng NutriAsia.

Humantong ang dispersal sa pagkaaresto ng 19 na tao, na kinabilangan ng ilang trabahador, estudyante at miyembro ng media.

Inihayag ni Ronel Reyes, ang tagapagsalita ng Anakbayan ng UST Senior High School, na ang naging tugon sa mga nagpipiket sa Marilao, Bulacan ay “sagot ng pasistang gobyerno sa mga maralitang mapayapang ipinaglalaban ang kanilang karapatan.”

“Ang pulis ay ginagamit bilang instrumento ng paggamit ng dahas ng estado laban sa mga mamamayang ang tanging hiling ay gawin silang regular,” ani Reyes sa isang panayam sa TomasinoWeb.

Dagdag ni Reyes na ang inilabas na Kautusang Tagapagpaganap Blg. 51 ay “walang pangil” sapagkat inuulit lamang daw nito ang nakasaad sa kasalukuyang labor code ng bansa.

“Ipinangako ni [Presidente Rodrigo] Duterte noong nangangampanya pa lang siya na wawakasan niya ang ‘endo’ pero itong [executive] order ay walang pangil,” giniit ni Reyes.

“Ito ay laban sa ilegal na kontraktwalisasyon, hindi sa mismong kontraktwalisasyon kaya nalilinlang pa rin ng mga ganid na kapitalista ang mga mamamayan,” aniya.

Iprinoklama ng Malacañang noong Mayo na ang nasabing kautusang tagapagpaganap, na tumatalakay umano laban sa kontraktwalisasyon, ay ang katuparan ng Presidente sa kaniyang pangako na wakasan ang “endo.”

Ayon naman kay Dindo Roxas ng League of Filipino Students ng UST, sa indignation protest, nagsasanib puwersa ang pamahalaan at mga kapitalista sa patuloy na pananamantala sa mga maralitang manggagagawa.

“Pinoprotektahan ng pamahalaan ang interes ng mga kapitalista at naghaharing uri na lubusang pinahihirapan ang mga mamamayan,” aniya.

“Walang intensyong masama ang mga manggagawa, hangad lamang nila ang pantay at maayos na pasahod,” sabi pa ni Roxas.

 

Pag-boycott sa produkto

Hinikayat din ng mga grupo na huwag tangkilikin ang mga produkto o serbisyo ng mga kompanyang nagbibigay ng hindi makataong sahod sa kanilang mga empleyado.

“May kongkretong epekto ang pag-boycott sa mga kompanya dahil nagbibigay ito ng mensahe hindi lamang sa gobyerno pati na rin sa lahat ng Pilipino na hindi nararapat ang ganitong sistema,” winika ni Reyes.

Kamakailan lamang ay nag-viral ang “#BoycottNutriAsia” sa social media na naglalayong itigil ang pagtangkilik sa mga produktong likha ng NutriAsia at gamitin ang ibang alternatibong kasangkapan.

Humiling naman ng “pagiging pantay at pagdinig sa lahat ng panig” ang NutriAsia sa isang inilabas nitong pahayag bilang tugon sa apelang pag-boycott.

Pinabulaanan din ng NutriAsia na ang tauhan sa seguridad nito, kasama ang kapulisan, ang nag-udyok upang humantong sa isang “bayolenteng pag-disperse” ng protesta.

“Isang baril ang pumutok sa ere at nagsimulang maghagis ng mga bato at ginawa lamang ng mga pulis at gwardya ang tungkuling panatilihin ang kaayusan at kapayapaan,” sinabi ng NutriAsia sa hiwalay na pahayag noong ika-30 ng Hulyo.

Ilan sa mga grupo tulad ng National Union of Journalists of the Philippines, Kilusang Mayo Uno, Karapatan, Komisyon ng Karapatang Pantao at ang tanggapan ng Bise Presidente ang kumondena sa naturang insidente.

Dalawang buwan nang nag-po-protesta ang mga manggagawa, taga-suporta at iba-ibang grupo laban sa kompanya.

Comments

#TWPeripheral

Magulang ni Atio, nagagalak, nagagalit sa pagdinig ng kaso

Published

on

Kuha ni Angelika Ortega/TomasinoWeb

Magkahalong galak at galit ang naramdaman ng mga magulang ng nasawing miyembro ng Aegis Juris Fraternity na si Horacio “Atio” Castillo III sa unang araw ng pagdinig ng kaso sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 20, Martes, ika-14 ng Agosto.

Ayon kay Carmina Castillo, ang ina ng napaslang na UST Civil Law freshman, lubos na nagpapasalamat ang kanilang pamilya nang humarap upang tumestigo si Marc Ventura laban sa iba pang mga kapwa-miyembrong akusado.

“We commend Marc na nagawa niya ‘yun para makamit natin ‘yung katotohanan at justice. We are very happy na he testified and he’s committed na sabihin kung ano yung totoo at ‘yung nangyari para hindi maulit ito,” hayag niya.

Dagdag naman ni Horacio Castillo Jr., ang ama ng 22-anyos na pinaslang umano sa hazing rites, “talagang malaking bagay ang paglabas ni Marc sa pagkakakilanlan ng mga may sala.”

“He felt sorry for the accused pero sabi niya ‘I have to do the right thing,’” pag-ulit ni Castillo Jr. sa salaysay ni Ventura.

Subalit, masakit pa rin para sa ina ni Atio ang sinapit nito kahit isang taon na ang nakalilipas.

“Masakit pa rin siya (ang mga testimonya) pag naririnig mo,” ani Carmina.

“Any moment gusto mo sila sakalin, murahin at sabihin: ‘Bakit hindi niyo dinala sa ospital? Eh ‘di sana hindi tayo nagkakasuhan, eh ‘di sana buhay pa yung anak ko,’” dagdag pa niya.

‘Already in tears’

Emosyonal nang humarap bilang testigo sa unang pagkakataon si Ventura, hayag ni Carmina.

“He was emotional to testify. Mahirap sa kanya kasi sabi niya pamilya na nga niya ‘brods’ niya but he has to tell the truth.” paliwanag pa niya.

“He was already in tears.”

Tikom naman ang bibig ng mga akusado, ayon kay Castillo Jr. sa isang pahayag sa TomasinoWeb.

“Well, the accused were there, they were quiet. They denied everything actually ang nagdeny naman eh yung lawyers eh pero the accused remained silent,” sabi ng ama.

Dumalo naman sa pagdinig ang lahat ng miyembrong sangkot na sila Arvin Balag, Ralph Trangia, Oliver John Audrey Onofre, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Joshua Joriel Macabali, Marcelino Bagtang, Jose Miguel Salamat at Robin Ramos.

Noong Hulyo 14, umapela naman ng “not guilty” sa korte ang lahat ng sampung sangkot sa kaso sa kinakaharap nitong paglabag sa Anti-Hazing Act of 1995.

Sa isang resolusyong pinetsahan noong Hulyo 5, ibinasura ng Kagawaran ng Hustisya (DOJ) ang petisyon ng pamilya Castillo na muling panagutin si UST Civil Law Dean Nilo Divina.

Ayon pa sa DOJ, huli na nang makapaghabla ng petisyon ang mga Castillo laban kay Divina dahil 15 araw lamang matapos makapagbigay ng resibo. Mga ulat mula kay Angelika Ortega at Noemi Ann Perez

Comments

Continue Reading

Peripheral

Santos, nilagdaan ang pahayag ng pagsuporta sa SOGIE Equality Bill

Nilagdaan ni Francis Santos, pangulo ng UST Central Student Council, kasama ang anim pang presidente ng konseho ng iba’t ibang Katolikong eskuwelahan, ang isang pahayag ng pagsuporta sa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill.

Published

on

kiko santos
Kuha ni Alecsandra Go/TomasinoWeb

Nilagdaan ni Francis Santos, pangulo ng UST Central Student Council, kasama ang anim pang presidente ng konseho ng iba’t ibang Katolikong eskuwelahan, ang isang pahayag ng pagsuporta sa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill.

Nanawagan ang mga pangulo ng mga konseho sa pahayag na tapusin na ang pagtatalo sa Senado sa pagpasa ng batas na ito.

Hinimok din nila ang mga senador na ipasa ang SOGIE Equality Bill.

Ang SOGIE Equality Bill ay nasa interpelasyon pa rin sa Senado simula noong Disyembre ng 2016.

Nitong Hunyo, sinabi ng Presidente ng Senado na si Vicente Sotto III na may pag-asa ipasa ang batas na ito kung ang mga “kontrobersyal na kondisyon” na nakapaloob dito ay maayos.

Ayon sa pahayag, ang SOGIE Equality Bill ay isang “mahalagang batas na pumuprotekta sa karapatan at kapakanan ng mga miyembro ng LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender).”

Dagdag pa rito, iginiit ng mga pangulo na dapat nang sumulong ang lipunan sa pagkakapantay-pantay ngayon.

Inilabas ang pahayag noong Martes, ika-7 ng Agosto.

Kasama ni Santos sa pagpirma ng pahayag sila Reycel Hyacenth Bendaña ng Ateneo de Manila University; Mikee de Vega ng De La Salle University-Manila; Yhan Lumdang ng De La Salle- College of St. Benilde; Charlene Yanes ng Miriam College; Denise Elayda ng St. Scholastica’s College-Manila; at Arapat Mustapha ng San Beda University.

Noong Abril, kasagsagan ng halalan sa Unibersidad, naghayag ng suporta si Santos sa pagtatag ng isang LGBT na organisasyon sa Unibersidad.

Gayunman, inatasan ng ibang mga opisyal ng UST ‘di umano ang mga organisasyon ng Unibersidad noong Hunyo na tanggalin ang mga inilathala sa social media tungkol sa komunidad ng LGBT+.

Sa 198-0 na boto, ipinasa naman ng mga mambabatas sa House of Representatives ang SOGIE Equality Bill, Septiyembre noong nakaraang taon. R. D. M.

Comments

Continue Reading

Peripheral

‘Walang nangyayari sa paglaganap ng wikang Filipino’ —Almario

Iginiit ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong Huwebes, ika-2 ng Agosto, na walang usad ang paglaganap ng wikang pambansa sa Pilipinas.

Published

on

Iginiit ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong Huwebes, ika-2 ng Agosto, na walang usad ang paglaganap ng wikang pambansa sa Pilipinas.

Isa sa dahilan nito ay ang kakulangan sa plano ng mga institusyon na pangwika, sabi ni Virgilio Almario sa kaniyang State of the Language Address (SOLA) sa unang araw ng Kongreso sa Wika 2018.

“Walang nangyayari sa pagpapalaganap ng wika dahil walang plano ang mga ahensyang pangwika,” ani Almario, ang tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Ikinumpara rin niya ang dating pamunuan na “bantulot na sundin ang utos ng konstitusyon” sa kasalukuyang lupon na “kauna-unahang nagtratrabaho sa pagkilala ng mga wikang katutubo ng bansa.”

Sa SOLA inilalahad ang mga balak na proyektong isakatuparan at mga matagumpay na hakbanging sinulong ng komisyon sa nakalipas na taon.

Dagdag pa niya, dahil sa kawalan ng mga plano na ito, nahihirapan ipakilala ang mga katutubong-salita at ang unti-unting pagsama ng mga salitang ito sa bernakular na wika.

Inihayag din ni Almario na kulang sa kurikulum ng Filipino at ang pagkiling ng mga akademikong institusyon sa paggamit ng Ingles bilang midyum sa pagtuturo kaya’t hindi umuunlad ang wika, lalo na sa larangan ng saliksik.

Walang mga librong nakasulat sa Filipino na makatutulong sana sa pagdadalubhasa at pagsasaliksik sa mga larangang teknikal, sabi pa niya.

“Paano natin maituturo ang Medicine, Abogasya at Engineering sa Filipino? Kailangan gumawa ng mga aklat tungkol sa mga kursong ito gamit ang wikang Filipino,” ani Almario.

Ibinigyang-diin din niya na kakarampot ang badyet na inilalaan ng pamahalaan sa mga proyekto ng komisyon.

Hinamon din ni Almario ang mga guro na maging dalubhasa sa pagtuturo ng wika.

“Kayong mga guro sa Filipino ay mga taliba ng wikang Filipino, kayo ang naka-kalat sa buong Pilipinas upang magpalaganap ng wikang Filipino; kung ‘di kayo kahanga-hanga, hindi kayo paniniwalaan.”

Ang Kongreso sa Wika, na may temang “Adyenda sa Pagbuo ng Gramatika ng Wikang Pambansa,” ay ginanap mula ika-2 hanggang ika-4 ng Agosto sa Gusaling Albertus Magnus ng Unibersidad.

Nilayon ng kumperensiya na masimulan ang talakayan tungkol sa paglahok ng katangian ng iba’t ibang wika sa Filipinas sa gramatika ng wikang Pambansa.

Kabilang sa mga dumalo sa kongreso ay ang mga administrador ng Unibersidad, mga puno at guro ng Kagawaran ng Filipino, lupon ng mga komisyoner ng KWF, mga iskolar at mga manunulat mula sa iba’t ibang lugar sa bansa. R. A.

Comments

Continue Reading

Trending