Lalabas din ang katotohanan, mabuti man ito o masama.
Mula sa pagbuking ng mga vlogger na humahabol lamang ng clicks, mga ahensyang natimbog dahil sa kanilang kasakiman, hanggang sa pag-iyak ng mga sadboi. Magugulat pa ba tayo sa rami ng surpresa na naganap ngayong buwan?
Kaya’t kunin na ang inyong paboritong meryenda at tunghayan natin ang mga sikretong nabunyag ngayong Agosto.
1. Pagtatapos ng pinakamatagumpay na Summer Olympics para sa Pilipinas

Litrato mula sa PSC Philippine Sports Commission
Sa pagtatapos ng naganap na Tokyo Summer Olympics noong ika-8 ng Agosto, nakapag-uwi ang ating mga atleta ng apat na medalya para sa ating bansa. Ito ang pinakamataas na bilang na naitala sa kasaysayan ng pampalakasan sa Pilipinas.
Matagumpay na naiuwi ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics. Si Diaz din ang unang Pilipinang atleta na nakapag-uwi ng dalawang medalya sa Olympics.
Si Nesthy Petecio naman ang kauna-unahang Pilipinang boksingerong nakapag-uwi ng medalya para sa bansa matapos matalo kay Sena Irie ng Japan.
Nagpaalam si Carlo Paalam na may kasamang bronze medal pagkatapos ang 4-1 split decision loss laban kay Galal Yafai ng United Kingdom sa men’s boxing flyweight finals.
Sa men’s middleweight semis, nakakuha si Eumir Marcial ng bronze medal matapos ang 3-2 split decision loss laban kay Oleksandr Khyzhniak ng Ukraine.
Ang Tomasinong atleta naman na si EJ Obiena ay nagtapos sa ika-11 na ranggo sa men’s pole vault event.
Nagtapos si Juvic Pagunsan sa ika-55 na ranggo mula sa 60 na kalahok sa men’s individual golf. Sa women’s individual golf event, bigong makakuha ng medalya si Yuka Saso sa kabila ng pagpapakita ng mahusay na performance sa huling round. Siya’y nakakuha ng kabuuan ng 10-under par 274. Bigo namang makapasok si Bianca Pagdanganan sa top 10 ng leaderboard.
Para sa kanilang pabuya mula sa pamahalaan, nakatanggap si Diaz ng limang milyon mula sa pamahalaan, 10 milyon mula sa Philippine Sports Commission (PSC), at tatlong milyong piso mula kay Pangulong Rodrigo Durterte matapos niyang masungkit ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa Olympics.
Nakakatanggap ng P2 milyon ang silver medalists na si Paalam at Petecio mula sa Office of the President. Si Marcial naman ay nakatanggap ng P1 milyon habang si Irish Magno ay nakakakuha ng P200,000. Para sa mga non-medalists, naghandg ang Philippine Olympic Committee (POC) at MVP Sports Foundation (MVPSF) ni Manny Pangilinan ng P500,000 na pabuya.
Natanggap na rin ng dating boksingero na si Mansueto “Onyok” Velasco ang kanyang naantalang insentibo mula sa pamahalaan. Siya’y nakatanggap ng P500,000 para sa kanyang pagsali sa nakaraang 1996 Atlanta Olympics. Ang mga nakuha niyang premyo ay nagsilbing kapalit ng mga hinding natupad na pangako ng pamahalaan para sa kanya.
Ayon sa Republic Act (RA) 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, ang mga Olympic gold, silver, and bronze na medalist ay may karapatang makakuha ng P10 milyon, P5 milyon, at P2 milyon na halaga ng papremyo.
Sa kabila nito, pinuna ng mga tao sa social media ang pamahalaan para sa pag-uugnay ng tagumpay ng mga atleta sa administrasyon ni Duterte, at sa pagsasabi na sapat lamang daw ang pampinansyal na suporta na binibigay ng pamahalaan para sa sa sports.
Matatandaang si Diaz ay humingi ng pinansyal na suporta sa pamahalaan noong 2019, ngunit na-redtag lamang bilang uamno’y “parte” ng ‘Oust Duterte matrix’. Ayon naman kay Marcial at Magno, hindi nila natanggap ang kanilang sahod sa tamang oras noong Marso.
2. Nakaka-alarmang balita ng IPCC ukol sa pagbabago ng klima

Litrato mula sa IPCC
Inilahad na ng United Nations (UN) ang bagong balita ukol sa kalagayan ng klima noong ika-9 ng Agosto matapos ang isinagawang pagkolekta ng datos ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC).
Ayon kay UN Secretary-General António Guterres, “code red for humanity” daw ito dahil sa pag-iinit ng maraming rehiyon sa mundo. Nagbabala ang IPCC sa pagtaas ng mga sea level sa mga coastal na area, pagtunaw ng yelo sa Artic na dagat, pag-init ng mga pandagat na alon na makakaaepkto sa ating water cycle at antas ng oxygen.
Mas nagiging irreversible na raw ang mga epekto ng pagbabago ng klima.
Ayon sa ulat, hindi sapat ang paglagda sa Paris Agreement upang maiwasan ang pag-emit ng nakasasamang greenhouse gas emission at panatilihin ang pag-init ng mundo sa ibaba ng 2°C.
Hinihikayat ng UN ang mga pamahalaan, pribadong sektor, at ang mga indibidwal na magtulong-tulong upang maibalik sa dati ang klima ng mundo bago mahuli ang lahat.
3. Nas Daily laban kay Whang-Od, Louise Mabulo, at ang mga Pinoy

Litrato mula sa Nas Daily Tagalog
Nabisto ang sikat na Palestinian-Israeli vlogger na si Nusseir Yassin o Nas Daily dahil sa pananamantala sa mga kulturang Pilipino. Unang nakilala ang naturang vlogger para sa kanyang mga video ng paglalakbay sa iba’t ibang bansa.
Noong ika-4 ng Agosto, ibinunyag ni Gracia Palicas na isang “scam” ang akademya na itinaguyod ng pangkat ni Yassin para sa kanyang lola, ang pinakamatandang mambabatok ng Kalinga na si Apo Whang-od.
Humingi ng tulong si Palicas ukol sa pagtataguyod ni Yassin ng kurso ni Whang-od nang walang pahintulot mula sa kanyang pamilya at ang kanyang lola. Naglabas rin ng pahayag ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na hindi raw nagbigay ng pahintulot si Whang-od sa Nas Academy masterclass.
Nagsalita rin ang tagapagtatag ng The Cacao Project na si Louise Mabulo tungkol sa kanyang karanasan kasama si Yassin noong 2019 para sa kanilang proyektong agrikultura. Dito, nakilala niya raw ang totoong intensyon ng vlogger.
Ibinaba na ni Yassin ang kurso ni Whang-od sa kanilang website at hinarap ang mga alegasyon ni Mabulo laban sa kanya. Bagama’t ipinagtanggol na niya ang kanyang sarili sa isang pahayag, marami ng kontrobersya ang natuklasan ng masa.
Kasunod ng mga pangyayaring ito, nabawasan ng halos 500,000 na tagasuporta ang plataporma ni Yassin sa Facebook.
4. Pagtanggi ni Robredo sa planong oposisyon ni Lacson

Litrato mula sa Inquirer
Tinanggihan ni Bise Presidente Leni Robredo noong ika-8 ng Agosto ang alok na “unification plan” ni Senador Panfilo Lacson sa darating na eleksyon sa 2022.
Ani ni Robredo, plano ni Lacson na alamin muna ang lahat ng tatakbo sa oposisyon at pagkatapos ay aalamin kung sino ang mayroong pinakamataas na approval rating sa mga survey. Mula dito, pipiliin ang pinaka-angkop na kandidato para sa pagkapangulo.
Hindi ito sinuportahan ni Robredo sapagkat naniniwala siyang ang set-up na ito ay manlilinlang at magbibigay ng alinlangan sa kanyang mga taga suporta sapagkat magkakaroon ng posibilidad na siya’y paatrasin dahil sa matumal na datos.
Matatandaang sinabi ni Robredo na hindi pa siya sigurado sa kanyang pagtakbo bilang Pangulo upang lutasin muna ang mga kinakaharap na suliranin sa kalagitnaan ng pandemya.
5. Pagsakop ng Taliban sa Afghanistan

Litrato mula kay Wali Sabawoon/Getty Images
Napasakamay muli ng grupong Taliban ang bansang Afghanistan matapos ang 20 taon.Ito rin ang hudyat ng pagtatapos ng dalawang dekadang digmaan sa nasabing bansa kung saan gumastos ng halos dalawang trilyong dolyar ang Estados Unidos.
Dahan-dahang kinubkob ng grupo ang mga mahahalagang lungsod ng Afghanistan hanggang mapalibutan nila ang lungsod ng Kabul.
Tuluyang nasakop ng grupo ang Kabul, punong-lungsod ng Afghanistan, noong ika-15 ng Agosto.
Matatandaang pumirma ng kasunduan ang Taliban at Estados Unidos noong Pebrero 2020 kung saan inilahad dito ang kabuuang pag-alis ng mga tropang militar ng North Atlantic Treaty Organization (NATO).
Inaasahang makukumpleto ang kabuuang pag-alis ng mga dayuhang sundalo sa Afghanistan sa ika-11 ng Setyembre.
6. Kauna-unahang kaso ng Lambda variant sa Pilipinas

Litrato mula kay Eloisa Reyes/Reuters
Ibinalita ng Department of Health (DOH) noong ika-15 ng Agosto ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 Lambda variant sa bansa.
Natagpuan ito sa isang 35 taong gulang na babae mula sa kanluran ng Visayas. Siya ay asymptomatic at unang sinabing gumaling matapos ma-isolate ng 10 araw. Patuloy pa ring inaalam ng mga kinauukulan ang posibleng pinagmulan nito.
Naitala ang kauna-unahang Lambda variant sa Peru noong Agosto 2020 kung saan itinuring itong “variant of interest” ng World Health Organization (WHO). Maari daw itong makaapekto sa pagpasa ng mapaminsalang SARS-CoV-2.
Kinumpirma na rin ng DOH ang pagkalat ng COVID-19 Delta variant sa mga komunidad ng National Capital Region (NCR) at Calabarzon. Sa ngayon, 1,789 na ang total na kaso.
7. Pagsisiwalat ng COA sa mga anomalya ng mga ahensya ng pamahalaan

Litrato mula kay Michael Varcas
Umani ng papuri ngayong buwan ang Commission on Audit (COA) sa pagsisiwalat ng mga kakulangan at irregularidad sa pondo ng mga ahensya ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, nasa 20 ahensya ng pamahalaan ang “flagged“ ng COA.
Matapos isiwalat ng COA ang mga anomalya sa paggamit at mga nawawalang pondo ng DOH tila naging sadboi ang kalihim nitong si Francisco Duque III.
Sa isang hearing sa kamara noong ika-17 ng Agosto, naghimutok si Duque sa COA sapagkat ang natatanggap daw nilang mga kritisismo ay hindi patas. Hindi rin daw sila nabigyan ng pagkakataon upang tugunan ang mga “paratang” sa kanilang ahensya.
“Winarak na ninyo kami eh. Winarak na ninyo ang dangal ng DOH. Winarak ninyo ang lahat ng mga kasama ko dito,” ani ni Duque.
Sa ulat ng COA, umaabot sa tumataginting na 67 bilyong piso ang mga deficiency ng ahensya. Ang pondong ito ay unang inilaan nagagamiting pagtugon sa pandemya.
Kung nawarak ang DOH, bugbog naman daw ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sabi ni chief Dante Gierran noong ika-26 ng Agosto.
“I opened my heart, bugbog na po kami,” ani ni Gierran habang kwinestyon siya ng mga mambabatas ukol sa hindi nababayarang buwis at sahod sa mga ospital.
Ngunit pagkatapos ng lahat ng ito, wala pa ring balak ang Pangulong Rodrigo Duterte para ipanagot ang mga pinuno nito. Sa halip ay dinepensahan niya ito at sinabing kapag siya ay naging Bise Presidente, siya na ang magbabantay sa COA sa pag-audit ng gobyerno.
8. Pagsuntok ni Senador Pacquiao sa boksing at sa pagkapangulo

Litrato mula kay Stephen Sylvanie/Reuters
Matapos mapatalsik ang pangulo ng PDP-Laban habang nag eensayo para sa kanyang laban at hindi maturing na kaalyado ni Pangulong Duterte, natalo ang Senador at eight-division boxing champion na si Manny Pacquiao sa kanyang laban kay Yordenis Ugas ng Cuba noong ika-21 ng Agosto.
Natalo ang senador sa boksingerong taga-Cuba sa pamamagitan ng unanimous decision (115-113, 116-112, 116-112). Kinamada ni Ugas ang kanyang depensa at hard counterpunching upang ipagtanggol ang WBA welterweight championship laban kay Pacquiao sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.
Sa isang ulat, nakapagtala si Ugas ng 59 porsyento na power punch kumpara sa 25.9 percent ni Pacquiao.
Si Ugas ay matatandaang pumalit sa orihinal na kalaban ni Pacquiao na si Errol Spence Jr.
Pagkatapos ng lahat ng ito, plano pa rin ni Pacquiao na tumakbo sa pagkapangulo.
9. Muling pagtakbo ni Pangulo Duterte

Litrato mula sa Malacanang Presidential Photographers Division
Tinanggap ni Pangulong Duterte ang nominasyon ng PDP-Laban para sa pagkabise presidente sa nalalapit na Halalan noong Martes, ika-24 ng Agosto.
Matatandaang sinabi ni Duterte noong Hulyo na siya ay tatakbo bilang bise-presidente upang siya ay maging “immune” sa mga kasong maaaring isampa sa kanya.
Ilang beses ding inulit ni Duterte sa kanyang mga address na siya’y pagod na at walang planong tumakbo muli. Ayon naman sa kanyang anak, ang alkalde ng Lungsod ng Davao na si Sara Duterte, dapat na raw itigil ang pagsangkot ng kanyang pangalan sa planong pagtakbo ng Pangulo at ni Senador Bong Go sa Halalan 2022.
Kasama rin ni Duterte sa tiket ng PDP-Laban ang ilan sa kanyang mga gabinete.
10. Hustisya sa wakas para sa pamilya Gregorio

Litrato mula sa Philippine National Police
Napatunayang nagkasala ng Paniqui, Tarlac Regional Trial Court Branch 106 si Jonel Nuezca sa salang murder at sinentensyahan ng dalawang reclusion perpetua noong Huwebes, ika-26 ng Agosto.
Matatandaang binaril ng dating pulis ang mag-inang Sonia at Frank Gregorio sa isang alitan noong Disyembre 2020.
Ayon sa desisyon ng korte, two counts of murder ang ginawa ni Nuezca na may parusang 40 taon na pagkakakulong sa bawat bilang ng pagpatay. Inutusan din siya ng korte na magbayad ng danyos sa pamilya Gregorio na nagkakahalaga ng P952,560.
Sa pagtatapos ng buwan ng Agosto, tila ay nais nating makahanap ng isang COA para sa isa’t isa—matapang at may paninindigan sa katotohanan. Sa pagtatapos ng buwan ng Agosto, tila ay nais nating makahanap ng isang COA para sa isa’t isa—matapang at may paninindigan sa katotohanan. Ngunit, kikislap ang pagbabago kapag ito’y nagsimula sa atin.
Nakita natin ang epekto ng pagtitiis ng panunupil ng mga pinuno sa mga minorya at ordinaryong masa at kung paano pa silang patuloy aangat kung tayo’y nanatiling tahimik lamang.
Maaring nagsawa o nasanay na tayo sa pagsasaksi ng mga walang katapusang na problema ngayong taon pero mas binibigyan lang nito ng rason kung bakit kinakailangan nating bumangon, mamulat, at makinig higit pa sa dati.
Comments