UAAP75 sa TW: Tigers pinulbos ang Warriors

TomasinoWeb August 13, 2012 0

View gallery

     Nagpakawala ng nag-aalab na opensa sa kabuuan ng laro ang University of Santo Tomas Growling Tigers, tampok ang 26-12 run sa ikalawang kanto, upang dominahin ang laban kontra sa University of the East Red Warriors, 85-69, sa pagpapatuloy ng UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum kahapon.

     Muling nagpamalas ng solidong laro si Karim Abdul matapos tumipa ng double-double figures, 20 puntos at 19 na rebounds, upang manguna ang koponan sa paghatak ng ikaapat na sunod na panalo sa torneo.

     “We have to play without Jeric Teng but we have to remain unstoppable,” sabi ng Cameroonian sa TomasinoWeb.

     Nagpamalas nang galing si Kevin Ferrer matapos kumamada ng 16 na marka kabilang ang apat na tres na ipinukol niya sa ikatlong kanto habang nagtala ng pinagsamang 25 produksyon sina Louie Vigil at Aljon Mariano, sapat upang mapunan ang pagkawala ni Teng dahil sa kanyang injury sa tuhod.

     Mula sa apat na kalamangan sa pagtatapos ng unang yugto, umalagwa ang UST ng 17-5 run sa pagsisimula ng ikalawang kanto gamit ang kanilang malikot na depensa na sinegundahan ng lay-ups ni Jeric Fortuna, 32-16.

     Sinubukan pa ng Warriors na idikit ang laban matapos magpakawala ng 7-0 run kasama rito ang 3-point play ni Roi Sumang, 31-47, subalit tila nabuhayan ang koponan mula sa Espanya nang magpasabog ng 11 puntos si Ferrer kabilang ang back-to-back treys sa huling isang minuto ng ikatlong kanto, 60-43.

     Napanatili ng Tigers ang kanilang mainit na opensa sa pay-off period at sinamantala ang mga turnovers ng kalaban upang makapaglista sina Mariano at Abdul ng pinaghalong 20 puntos, tampok ang dalawang 3-point plays para tuluyan nang maibulsa ang panalo.

     Samantala, hindi naman sapat ang 20 produksyon ni Jhon Rey Sumido ng UE na inayudahan pa ng 23 na puntos nina Sumang at Pedrito Galanza at tuluyang nakuha ang kanilang ikalimang sunod na talo.

     Dahil sa panalo, hawak ng Tigers ang ikatlong pwesto, 4-1 na karta, subalit patuloy na hindi magagamit ang serbisyo ni Teng sa susunod na dalawang laro.

     “Nakuha ko itong injury na ‘to sa laban namin against NU pero most probably sa second round [ng UAAP] na ako makakapaglaro,” ayon kay Teng.

Tigers’ Scores: Abdul 20, Ferrer 16, Vigil 13, Mariano 12, Daquioag 6, Fortuna 5, Pe 4, Lo 3, Bautista 3, Afuang 2, Garrido 1, Tan 0, Haingan 0
Warriors’ Scores: Sumido 20, Sumang 13, Galanza 10, Santos 9, Javier 7, Valdez 3, Mena 2, Hernandez 2, Flores 2, Duran 1, Alberto 0, Belleze 0, Villarias 0, Razon 0, Duncil 0
Quarter Scores: 15-11, 41-23, 60-43, 85-69

Isinulat ni Carl Cedrick G. Basco
Litrato kuha ni Jenzine Inah M. Alcantara