UAAP75 sa TW: Tigers, nalagpasan ang Maroons

TomasinoWeb August 16, 2012 0

View gallery

     Naipamalas ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang kanilang matibay na depensa at nanaig kontra sa University of the Philippines Fighting Maroons, 68-58, sa Smart Araneta Coliseum noong ika-15 ng Agosto. Nakamit ng Tigers sa labang ito ang kanilang ikalimang sunod-sunod na panalo sa kasalukuyang UAAP men’s basketball. 

     “Ang sama ng first three quarters namin…tamad namin talaga…pero a win is a win kahit masama ang laro,” ayon kay Coach Pido.

     Naisalba ng Tigers ang laban nang makuha nila ang kanilang laro sa kalagitnaan ng ikatlong yugto. Tampok sa laro ang Cameroonian na si Karim Abdul na siyang nakakuha ng double-double figures nang magpasabog ng 20 puntos, 12 rebounds at dalawang steals pati na rin blocks. Panalo man ang Tigers, aminado silang hirap sila sa larong ito.

     “We are at our prelims week, it was very tiring so we had a hard time at the beginning,” sabi ni Karim Abdul.

     Gayon pa man, di nagpadaig ang koponan ng Espanya sa malalaking Fighting Maroons at nagpamalas ng angking galing sina Clark Bautista na nakakuha ng 12 markers at si Kim Lo na may 11 puntos. 

     Matindi at dikit ang laban matapos ang unang bahagi ng laro, 33-33. Mabilisan ang laro at dinaan ng parehong pangkat sa mga fastbreak plays. Dalawa lamang sa mga 3-point attempts ng Tigers ang naipasok sa unang bahagi ng laro, pero nakabawi naman sila sa mga close-range at mid-range shooting nina Kim Lo at Jeric Fortuna.

     Pagdating ng ikatlong yugto, unti-unti nang nagsisimulang pumasok ang mga baskets ng mga Tigers. Dahil sa pinakitang mahigpit na depensa ng UST, nahirapan ang UP at maagang nakakuha ng penalty. Natapos ang yugto nang masungkit ng UST ang 5-point lead, 50-45.

     Hindi nagpakita ng kahinaan ang UP pagdating ng ikaapat na yugto. Nagpasabog si Mike Silungan ng dalawang magkasunod na tres na siyang nagpadikit sa laban, 53-51. Ngunit di nagpataob ang UST at nagpasiklab ng 9-2 run. Ang mainit na opensa ng UST ang siyang dumurog nang tuluyan sa UP, sa huling dalawang minuto ng laro. Sinikap man ng UP humabol, kinapos sila sa huli.

     Sa 5-1 na karta, tabla na ang Ateneo Blue Eagles, FEU Tamaraws, at UST Growling Tigers sa torneo.

     “Sana magtuloy-tuloy ito, ganun lang naman yan eh, wag na sana putulin,” sabi ni Coach Pido.

Tigers’ Scores: Abdul 20, Bautista 12, Lo 11, Fortuna 10, Vigil 7, Mariano 4, Ferrer 3, Afuang 1
Maroons’ Scores: Silungan 10, Lopez 10, Asilum 9, Ball 7, Mbah 5, Soyud 4, Manuel 4, Padilla 3, Romero 2, Montecastro 2, Hipolito 2
Quarter scores: 16-15, 33-33, 50-45, 68-58

Isinulat ni Josiah Darren Saynes
Photo courtesy of Paul Ryan Tan Photography