Pinangunahan ng Tomasinong si Roxanne Trinity Dotingco Lim ang listahan ng mga nakapasa sa Nursing Licensure Exam (NLE) na isinapubliko ngayon, ika-23 ng Agosto, 2012.
Si Lim ay nakapagtala ng markang 86.20 sa pagsusulit na ginanap noong ika-30 ng Hunyo at ika-1 ng Hulyo sa taong ito.
May kabuuang 27, 823 ang pumasa sa 60, 895 na kumuha ng pagsusulit.
Maliban kay Lim, pitong Tomasino rin ang kabilang sa sampung pinakamataas na markang naitala.
Si Ronessa Irene Magallanes Maglinte ay nasa ika-pitong pwesto sa markang 84.40%. Siyam na iba pa ang nagtala ng kaparehang marka. Si Stephanie Marie Carbon Seno ay nasa ika-walong pwesto, kasama ang labintatlo pang iba, sa markang 84.20%. Dalawampu’t siyam naman ang naghati-hati sa ika-siyam na pwesto, kabilang dito si Unice Manuel Chan na nagkamit ng markang 84%. Tatlumpu ang naghati-hati sa ika-sampung pwesto at kabilang dito sina Joseph Gabriel Asuncion Abello, Nicoleo Christian Ramos Ardiente, Aeron Love Perez Ramos at Jailene Faye Castillejos Roxas. Sila ay mga pawang nagkamit ng markang 83.80%.
Ang Unibersidad ng Santo Tomas ay ikatlo sa nagtala ng pinakamataas na pursyento ng mga estudyanteng nakapasa sa NLE. Ito ay may markang 99.33% o may bilang na 448 pasadong estudyante sa kabuuang 451 na kumuha ng pagsusulit. Ikalawang may pinakamataas na bilang ng mga nakapasa ang West Visayas State University-La Paz sa 99.63%. Ang Chinese General Hospital College of Nursing and Liberal Arts, Cebu Normal University o Cebu State College, at Unibersidad ng Pilipinas-Maynila naman ay nakapagtala ng markang 100%.
Isinulat ni Chleobel D. Birginias