Teknolohiya, tampulan ng pagdiriwang ng Wikang Pambansa sa Accountancy

TomasinoWeb September 12, 2012 0

     IPINAKITA ng AMV-College of Accountancy ang relasyon ng makabagong teknolohiya at ng paglaganap ng wikang Filipino sa kanilang pagdaos ng dalawang araw na selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa mula ika-30 hanggang ika-31 ng Agosto.

     Pinamunuan ng Scarlet-Accountancy, kasama ng Departamento ng Filipino, ang nasabing selebrasyon na sinundan ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon: “Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Pilipino.” Nagkaroon ng Palarong Pinoy kung saan ang mga larong gaya ng piko, sipa, at sack race ay nilahukan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang antas.

     Bahagi rin ng pagdiriwang ang isang seminar na pinamunuan ni Bb. Amur M. Mayor, Ed. D. na ginanap noong ika-30 ng Agosto sa Multi-purpose Hall B ng AMV. Ito ay may temang “Teknolohiya: Kaagapay ng wikang Filipino.” Tinalakay dito ang pagpapalakas ng makabagong teknolohiya tulad ng internet sa ating wika.

     Kaugnay sa nasabing tema, nagkaroon din ng dalawang araw na eksibit sa ikaapat na palapag ng gusali ng AMV kung saan ginamit ang disenyo ng mga social networking sites tulad ng Facebook at Twitter upang maipakita ang nasabing relasyon ng internet at wikang Filipino. Ginamit ang disenyo ng Facebook upang irepresenta ang isang freedom board, at Twitter naman para sa mga kasabihang Pilipino na sumasalamin sa wika at kultura ng Pilipinas.

     Ang pagdiriwang na ito para sa 2012 na pamahalaan ng Scarlet ay nasa ikalawang taon na.

     “Since we are the Filipino and Chinese multicultural organization of UST, we really hold events to further the Philippine culture,” ayon kay Ian Perez, pangulo ng Scarlet-Accountancy.

Isinulat ni Romhelyn M. Benipayo