Habagat, nagdulot ng baha sa Maynila at mga karatig-lungsod

TomasinoWeb August 15, 2012 0

[UPDATE: Ang Student Organizations Coordinating Council (SOCC) at ang Central Board ay kabahigi rin sa "Tulong Tayo Tomasino!"]

     Matinding pagbaha ang sinapit ng Maynila pati na ang ibang karatig-lungsod matapos ang tuluy-tuloy na malakas na pag-ulan noong nakaraang Martes at Miyerkules, ika-7 at ika-8 ng Agosto, sanhi ng Hanging Habagat.

     Alas-dose pa lamang noong Lunes, Agosto 6, ay kinansela na ang mga klase at preliminaryong pagsusulit sa mga kolehiyo sa Unibersidad ng Santo Tomas sanhi ng masamang panahon. Ang kanselasyon ay tumagal hanggang Sabado, Agosto 11, dahil sa pinsalang dinulot ng matinding pagbaha sa loob ng Unibersidad.

     Hindi rin naman nakaligtas ang UST Hospital sa naganap na pagbaha. Base sa mga kumalat na larawan sa internet, umabot hanggang ikalawang palapag ang baha sa Medical Care Facility, samantalang ang basement at emergency room naman ng UST Pay Hospital ay pinasok din ng tubig-baha sanhi ng pag-ulan.

     Ayon sa isang ulat sa 24 Oras noong Agosto 8, sapat ang imbak nilang pagkain para sa mga pasyente at mga tauhan ng ospital at hindi rin daw ito nawalan ng kuryente. Ang tulong na inihatid ng Philippine Red Cross ay napunta sa mga nagbabantay sa mga pasyente ng ospital na hindi makauwi dahil sa baha.

     Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration o PAGASA, ang tuluy-tuloy na pag-ulang naganap ay sanhi ng Hanging Habagat o southwest monsoon. Ito ay natural na nagdudulot ng pag-ulan. Paulit-ulit naman na nilinaw ng PAGASA na walang bagyo sa Pilipinas noong panahong iyon.

     Inilunsad naman noong Biyernes, Agosto 10, ang malawakang paglilinis sa buong UST bilang paghahanda sa pagpapatuloy ng mga klase.

     Kasagsagan pa lamang ng ulan ay maraming organisasyon na sa UST ang nagsimulang manghikayat sa mga tao na magbigay ng donasyon para sa mga nasalanta ng baha. Ang “Tulong Tayo Tomasino” ay ang programang binuo ng Central Student Council (CSC) na naglalayong makapag-abot ng tulong sa mga labis na naapektuhan ng baha sa pamamagitan ng pangangalap ng donasyon.

Isinulat ni Chleobel D. Birginias