Chua, Quiambao tampok sa “Through the Lens”

TomasinoWeb September 5, 2012 0

     Tampok sina Neil Chua at Paul Quiambao sa “Through the Lens,” ang kauna-unahang seminar tungkol sa potograpiya ng Rotaract-Engineering. Ginanap ito noong ika-23 ng Agosto, 2012.

     Si Chua at Quiambao ang nagsilbing mga tagapagsalita sa nasabing seminar. Sila ay kapwa miyembro ng Fotomasino, ang opisyal na samahan ng mga retratista sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST).

     Si Chua, bise-presidente ng Fotomasino at potograpo ng Office of Admissions, ay nagsalita tungkol sa saligan ng potograpiya. Sinabi niyang ang speedlight ay isang magandang pamuhunan sa larangang ito. “Why do I shoot? I shoot to immortalize,” sabi niya. Nagbigay din siya ng ilang paalala, isa rito ay “Shoot from the heart, for the right reasons.”

     Kung si Chua ay namumuhunan sa speedlight, si Quimbao naman, isa sa mga nagtatag ng Fotomasino at ang opisyal na potograpo sa pagdiriwang ng pagsisimula ng ikalimandaang taon ng UST, ay namumuhunan sa filters. Tinalakay niya ang saligan ng landscape photography. “Photograph the light, not the landscape,” ika niya. Ayon pa sa kanya, “no photograph is worth your life.” Sinabi rin niyang trabaho ng mga potograpo na ipakita ang mga nakakubli.

     Ayon kay Kathleen Libnao, presidente ng Rotaract-Engineering, naglalayon ang seminar na ito na magbigay ng karagdagang kaalaman at pagpapabuti sa kakayanan, di lang ng mga miyembro ng organisasyon, kundi pati na rin ng ibang mag-aaral na nakilahok dito. Sinabi rin niyang ang seminar na ito ay isang pahinga mula sa matrabahong mundo ng pag-iinhinyero.

     Ang mga susunod na proyekto ng Rotaract-Engineering ayon kay Libnao ay mga seminar ukol sa kapaligiran at mga gawaing may kinalaman sa pagpapaunlad ng komunidad.

Isinulat ni Chleobel D. Birginias
Litrato kuha ni Efigenio Christopher Toledo