Paalis man ako’y di makalilisan,
isang kaluluwang hindi makaibis sa katawan
hindi lalayo, hindi lalaya, hindi nais lumaya.
─Awit ng Sangkatawan, Rebecca T. Añonuevo
Sadyang ito ang tadhana ng ating hiling at daing─
Tayong umibig sa hiwa’t hinanakit ng panimdim
Hanggang sa tayo’y mapunit sa bulalas ng halinghing;
Kandili ay salamisim na nagnaknak sa patalim.
At noong ika’y palayo, iyong dugo’y sapo-sapo
Ng lupaypay kong katawan; ako ay kinakaladkad
Ng luwang nitong pagitan, subalit di magtatampo.
Uhaw lang sa iyong dugong sa sugat ko dati’y babad.
Kamangha-mangha ang talas ng puwang na dumudukal
Habang hinihintay pa rin, sunod nating paglalagom.
Ramdam ba ng kaluluwa itong hingalo at ngatal?
Ganitong tamis ng sugat na sa iyo lang hihilom?
Tatanggap pa rin ng antak; sukdulang sabihi’y tanga,
Pagkat iniibig kita magpasa-huling hininga.
Likha ni Alyssa Manalo
Si Alyssa Manalo ay pinarangalan noong ika-26 at ika-27 Gawad Ustetika para sa kategorya ng Tula. Kabahagi siya ng LIRA Poetry Clinic 2012 at kasalukyan Bise Presidente-Internal ng Thomasian Writers Guild.